Ano ang Paniniwala ng mga Saksi ni Jehova Tungkol sa Burol at Libing?
Ang aming mga paniniwala at gawain may kaugnayan sa burol at libing ay nakasalig sa mga turo ng Bibliya, kabilang na ang sumusunod:
Normal lang na magdalamhati sa pagkamatay ng isang minamahal. Umiyak ang mga alagad ni Jesus sa pagkamatay ng kanilang mahal sa buhay. (Juan 11:33-35, 38; Gawa 8:2; 9:39) Kaya para sa amin, ang burol o libing ay hindi panahon para magsaya. (Eclesiastes 3:1, 4; 7:1-4) Sa halip, panahon ito para makiramay at magpakita ng empatiya.—Roma 12:15.
Walang alam ang mga patay. Anuman ang aming etnikong pinagmulan o kultura, iniiwasan namin ang mga kaugaliang nakasalig sa di-makakasulatang paniniwala na ang mga patay ay may alam at nakaiimpluwensiya sila sa mga buháy. (Eclesiastes 9:5, 6, 10) Kasama rito ang mga kaugaliang gaya ng magarbong selebrasyon para sa patay at anibersaryo ng kamatayan, paghahain sa patay, pakikipag-usap at paghiling sa patay, at mga ritwal kapag nabiyuda. Iniiwasan namin ang mga kaugalian at gawaing iyon bilang pagsunod sa utos ng Bibliya: “Humiwalay kayo, . . . at huwag na kayong humipo ng maruming bagay.”—2 Corinto 6:17.
May pag-asa ang mga patay. Itinuturo ng Bibliya na magkakaroon ng pagkabuhay-muli at darating ang panahon na mawawala na ang kamatayan. (Gawa 24:15; Apocalipsis 21:4) Kung paanong nakatulong ang pag-asang ito sa unang mga Kristiyano, nakatulong din ito sa amin na umiwas sa labis-labis na kaugalian sa pagdadalamhati.—1 Tesalonica 4:13.
Nagpapayo ang Bibliya na maging mahinhin tayo. (Kawikaan 11:2) Hindi kami naniniwalang ang panahon ng libing o burol ay pagkakataon para ‘ipagyabang’ ang kabuhayan ng isa o ang kaniyang katayuan sa lipunan. (1 Juan 2:16) Hindi kami nagsasaayos ng magarbong libing o burol na para bang ginagawa itong entertainment o para pahangain ang iba sa sobrang mahal na kabaong at mararangyang kasuotan.
Hindi namin ipinipilit sa iba ang aming paniniwala tungkol sa burol at libing. Sinusunod namin ang simulaing ito: “Ang bawat isa sa atin ay mananagot sa Diyos para sa kaniyang sarili.” (Roma 14:12) Pero kung may magtanong, sinisikap naming ipaliwanag ang aming paniniwala “nang mahinahon at may matinding paggalang.”—1 Pedro 3:15.
Ano ang ginagawa ng mga Saksi sa burol at libing?
Lokasyon: Kapag nagpasiya ang pamilya na magkaroon ng pahayag sa libing, puwede itong gawin sa lugar na pinili nila, gaya ng Kingdom Hall, punerarya, bahay, krematoryo, o sa lugar na paglilibingan.
Pahayag sa libing: May pahayag para aliwin ang mga naulila. Ipinapaliwanag dito ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa kamatayan at pag-asang pagkabuhay-muli. (Juan 11:25; Roma 5:12; 2 Pedro 3:13) Maaaring banggitin sa pahayag ang mabubuting katangian ng namatay, pati na ang nakapagpapatibay na rekord ng kaniyang katapatan.—2 Samuel 1:17-27.
Isang awit na salig sa Bibliya ang maaaring awitin. (Colosas 3:16) Nagtatapos ang pahayag sa pamamagitan ng taimtim na panalangin.—Filipos 4:6, 7.
Bayad o koleksiyon: Walang bayad ang anumang relihiyosong serbisyo namin, gaya ng pahayag sa libing, at hindi rin kami nangongolekta ng pera sa aming mga pulong.—Mateo 10:8.
Pagdalo: Kahit ang mga hindi Saksi ay puwedeng dumalo sa pahayag sa libing na ginagawa sa Kingdom Hall. Gaya ng aming mga pulong, bukás sa publiko ang pahayag sa libing.
Pumupunta ba ang mga Saksi sa libing o burol na pinangangasiwaan ng ibang relihiyon?
Bawat Saksi ay nagpapasiya sa kaniyang sarili salig sa kaniyang budhing sinanay sa Bibliya. (1 Timoteo 1:19) Pero hindi kami sumasali sa mga relihiyosong seremonya na sa tingin namin ay hindi kaayon ng Bibliya.—2 Corinto 6:14-17.