Puwede Bang Magbitiw ang Isa sa Pagiging Saksi ni Jehova?
Puwede. Ang isa ay maaaring magbitiw sa aming organisasyon sa dalawang paraan:
Sa pamamagitan ng pormal na kahilingan. Maaaring sabihin o isulat ng isang tao ang desisyon niya na ayaw na niyang makilala bilang Saksi ni Jehova.
Sa pamamagitan ng ginagawa niya. Ang isang tao ay maaaring gumawa ng isang bagay na nagpapakitang ayaw na niyang maging kabilang sa aming pambuong-daigdig na kapatiran. (1 Pedro 5:9) Halimbawa, maaari siyang umanib sa ibang relihiyon at ipaalam ang intensiyon niyang manatiling bahagi nito.—1 Juan 2:19.
Paano naman kung ang isa ay hindi na nangangaral o dumadalo sa inyong mga pulong? Itinuturing ba ninyong nagbitiw na ang taong iyon?
Hindi. Ang pagbibitiw, o kusang paghiwalay, ay iba naman sa panghihina ng pananampalataya. Kadalasan, ang mga nanghihina o humihinto nang ilang panahon sa kanilang pagsamba ay hindi naman tumatalikod sa kanilang pananampalataya kundi sila ay nasisiraan lang ng loob. Sa halip na itakwil sila, sinisikap naming tulungan sila at bigyan ng kaaliwan. (1 Tesalonica 5:14; Judas 22) Kung humihingi ng tulong ang isa, ang mga elder sa kongregasyon ay nangunguna sa paglalaan ng espirituwal na tulong.—Galacia 6:1; 1 Pedro 5:1-3.
Gayunman, ang mga elder ay hindi binigyan ng awtoridad na pilitin o gipitin ang isa na manatiling Saksi ni Jehova. Ang bawat isa ay may karapatang pumili ng sarili niyang relihiyon. (Josue 24:15) Naniniwala kami na dapat sambahin ang Diyos nang kusa, mula sa puso.—Awit 110:3; Mateo 22:37.