Nagmimisyon ba ang mga Saksi ni Jehova?
Oo. Saanman kami nakatira, sinisikap ng lahat ng Saksi ni Jehova na ipakita ang saloobin, o espiritu, ng isang misyonero sa pamamagitan ng regular na pagsasabi sa mga tao ng tungkol sa aming pananampalataya.—Mateo 28:19, 20.
Bukod diyan, ang ilang Saksi ay pumupunta o lumilipat sa ibang lugar sa kanilang bansa kung saan marami ang hindi pa nakaririnig ng mabuting balita mula sa Bibliya. Ang iba namang Saksi ay lumilipat sa ibang bansa para palawakin ang kanilang ministeryo. Gusto nilang magkaroon ng bahagi sa katuparan ng hula ni Jesus: “Kayo ay magiging mga saksi ko . . . hanggang sa pinakamalayong bahagi ng lupa.”—Gawa 1:8.
Noong 1943, nagtatag kami ng isang paaralan para sanayin ang ilan sa aming mga misyonero. Mula noon, mahigit 8,000 Saksi ang nakapag-aral na sa paaralang ito na tinatawag na Watchtower Bible School of Gilead.