Bakit Neutral sa Politika ang mga Saksi ni Jehova?
Ang mga Saksi ni Jehova ay neutral sa politika dahil sa turo ng Bibliya. Hindi kami nangangampanya, bumoboto, kumakandidato, o sumasali sa mga kilos-protesta para baguhin ang mga gobyerno. Naniniwala kaming may matitibay na dahilan ang Bibliya kung bakit dapat kaming maging neutral.
Tinutularan namin si Jesus. Tumanggi siyang magkaroon ng puwesto sa gobyerno. (Juan 6:15) Itinuro niya sa kaniyang mga alagad na “hindi sila bahagi ng sanlibutan” at nilinaw niya na hindi sila dapat pumanig sa mga isyu sa politika.—Juan 17:14, 16; 18:36; Marcos 12:13-17.
Tapat kami sa Kaharian ng Diyos. Ito ang tinutukoy ni Jesus nang sabihin niya: “Ang mabuting balitang ito ng kaharian ay ipangangaral sa buong tinatahanang lupa.” (Mateo 24:14) Bilang mga kinatawan ng Kaharian ng Diyos, na inatasang magpahayag ng pagdating nito, neutral kami sa politikal na mga usapin ng lahat ng bansa, pati na ng sarili naming bansa.—2 Corinto 5:20; Efeso 6:20.
Dahil neutral kami, malaya naming naipakikipag-usap sa mga taong may iba’t ibang politikal na paniniwala ang tungkol sa mabuting balita ng Kaharian ng Diyos. Ipinakikita namin sa salita at gawa na kumbinsido kaming ang Kaharian ng Diyos ang solusyon sa mga problema sa mundo.—Awit 56:11.
Dahil hindi kami nababahagi ng politika, nagkakaisa kami bilang isang internasyonal na kapatiran. (Colosas 3:14; 1 Pedro 2:17) Sa kabaligtaran, ang mga miyembro ng mga relihiyong nakikisangkot sa politika ay nagkakabaha-bahagi.—1 Corinto 1:10.
Paggalang sa mga gobyerno. Bagaman hindi kami nakikibahagi sa politika, iginagalang namin ang awtoridad na nakakasakop sa amin. Kaayon ito ng utos ng Bibliya: “Ang bawat kaluluwa ay magpasakop sa nakatataas na mga awtoridad.” (Roma 13:1) Sumusunod kami sa batas, nagbabayad ng buwis, at nakikipagtulungan sa mga proyekto ng gobyerno para sa kapakanan ng mga sakop nito. Sa halip na makibahagi sa anumang pagtatangkang pabagsakin ang gobyerno, sinusunod namin ang payo ng Bibliya na ipanalangin ang “mga hari at . . . lahat niyaong mga nasa mataas na katayuan,” lalo na kapag gumagawa sila ng desisyon na makaaapekto sa aming kalayaan sa pagsamba.—1 Timoteo 2:1, 2.
Iginagalang din namin ang karapatan ng iba na magdesisyon hinggil sa politika. Halimbawa, hindi kami nanggugulo sa mga eleksiyon o nakikialam sa mga gustong bumoto.
Bagong turo lang ba ang aming pagiging neutral? Hindi. Kahit ang mga apostol at unang-siglong mga Kristiyano ay neutral pagdating sa politika. Ganito ang sabi ng Beyond Good Intentions: “Bagaman naniniwala silang dapat nilang igalang ang mga nasa awtoridad, hindi naniniwala ang unang mga Kristiyano na dapat silang makisali sa pulitika.” Sa aklat din na On the Road to Civilization, sinasabing “ayaw [ng unang mga Kristiyano na] humawak ng anumang posisyon sa pulitika.”
Banta ba sa seguridad ng bansa ang aming pagiging neutral? Hindi. Payapa kaming mamamayan kaya walang dapat ikatakot ang gobyerno. Tungkol sa pagiging neutral ng mga Saksi, sinabi ng report ng National Academy of Sciences sa Ukraine noong 2001: “Sa ngayon, maaaring kinaiinisan ng ilan ang paninindigan ng mga Saksi ni Jehova; ito ang dahilan kung bakit pinag-usig sila noon ng totalitaryong Nazi at mga rehimeng Komunista.” Pero kahit sa paniniil ng Sobyet, ang mga Saksi ay “nanatiling masunurin sa batas. Sila ay tapat at masikap na nagtrabaho sa mga sakahan at plantang hawak ng gobyerno at hindi sila naging banta sa rehimeng Komunista.” Gayundin sa ngayon, ang mga paniniwala at gawain ng mga Saksi ni Jehova, ayon sa konklusyon ng report, ay hindi “sumisira sa seguridad at pagkakaisa ng anumang estado.”