Pumunta sa nilalaman

Pinapatibay Ba ng mga Saksi ni Jehova ang Buklod ng Pamilya o Sinisira Ito?

Pinapatibay Ba ng mga Saksi ni Jehova ang Buklod ng Pamilya o Sinisira Ito?

 Bilang mga Saksi ni Jehova, sinisikap namin na patibayin ang mga pamilya, kapuwa ang sa amin at sa iba. Nirerespeto namin ang Diyos bilang ang Tagapagpasimula ng pag-aasawa. (Genesis 2:21-24; Efeso 3:14, 15) Sa pamamagitan ng Bibliya, itinuturo niya ang mga simulain na makatutulong sa lahat para magkaroon ng matibay at maligayang pag-aasawa.

Kung Paano Pinapatibay ng mga Saksi ni Jehova ang Pamilya

 Sinisikap naming sundin ang mga payo ng Bibliya, yamang nakatutulong ito sa amin na maging mas mabubuting asawa at magulang. (Kawikaan 31:10-31; Efeso 5:22–6:4; 1 Timoteo 5:8) Nakatutulong din ang karunungan mula sa Bibliya para magtagumpay maging ang mga pamilyang may magkakaibang paniniwala. (1 Pedro 3:1, 2) Pansinin ang sinabi ng mga di-Saksi na ang asawa ay naging Saksi ni Jehova:

  •   “Ang unang anim na taon namin bilang mag-asawa ay puro away at hinanakit. Pero nang maging Saksi ni Jehova si Ivete, naging mas maibigin at matiisin siya. Dahil sa mga pagbabagong iyon, nailigtas ang aming pagsasama.”​—Clauir, mula sa Brazil.

  •   “Tumutol ako nang magsimulang mag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang mister kong si Chansa, akala ko kasi sinisira nila ang pamilya. Pero ngayon, nakita kong nakatutulong ang Bibliya sa pagsasama namin.”​—Agness, mula sa Zambia.

 Sa aming pangangaral, ipinakikita namin sa iba kung paano makatutulong sa kanila ang pagsunod sa mga payo ng Bibliya tungkol sa

Nagiging sanhi ba ng pag-aaway ng mag-asawa ang pagpapalit ng relihiyon?

 Nangyayari nga iyan kung minsan. Halimbawa, ayon sa report noong 1998 ng Sofres, isang kompanya sa pagsasaliksik, 1 sa 20 pag-aasawa, kung saan ang isa sa kanila ay naging Saksi, ang nagkaroon ng matinding problema nang magpalit ito ng relihiyon.

 Inihula ni Jesus na ang mga sumusunod sa turo niya ay makararanas kung minsan ng hidwaan sa kanilang pamilya. (Mateo 10:32-36) Ayon sa istoryador na si Will Durant noong panahon ng Imperyo ng Roma, ‘ang Kristiyanismo ay pinaratangan ng pagwasak sa tahanan,’ a at gayunding paratang ang kinakaharap ng mga Saksi ni Jehova sa ngayon. Nangangahulugan ba ito na ang Saksi ang sanhi ng di-pagkakasundo?

European Court of Human Rights

 Nang magdesisyon ang European Court of Human Rights sa paratang na sinisira ng mga Saksi ni Jehova ang mga pamilya, sinabi nito na ang pinagmumulan ng problema ay ang di-pagkilala at di-paggalang ng mga kapamilyang di-Saksi “sa kalayaan ng kanilang kamag-anak na magpahayag at magsagawa ng kaniyang relihiyon.” Idinagdag pa ng Korte: “Ang sitwasyong ito ay karaniwan sa mga pamilyang may magkakaibang paniniwala at kasali na riyan ang mga Saksi ni Jehova.” b Bagaman sinasalansang sila dahil sa relihiyon, sinusunod pa rin ng mga Saksi ni Jehova ang payo ng Bibliya: “Huwag gumanti kaninuman ng masama para sa masama. . . . Kung posible, hangga’t nakadepende sa inyo, makipagpayapaan kayo sa lahat ng tao.”​—Roma 12:17, 18.

Kung bakit naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na dapat lang silang mag-asawa ng kanilang kapananampalataya

 Sinusunod ng mga Saksi ang turo ng Bibliya na ang magiging asawa nila ay “dapat na tagasunod . . . ng Panginoon,” ibig sabihin, isang kapananampalataya. (1 Corinto 7:39) Ang utos na ito ay praktikal at nasa Bibliya. Halimbawa, sinabi ng isang artikulo noong 2010 sa Journal of Marriage and Family na karaniwan nang mas maganda ang samahan ng “mga mag-asawang may iisang relihiyon.” c

 Pero hindi hinihimok ng mga Saksi ang mga kapananampalataya nila na hiwalayan ang kanilang asawang di-Saksi. Sinasabi ng Bibliya: “Kung ang isang kapatid ay may asawang babae na di-sumasampalataya pero gusto nitong manatiling kasama niya, huwag niya itong iwan; at kung ang isang babae ay may asawang di-sumasampalataya pero gusto nitong manatiling kasama niya, huwag niya itong iwan.” (1 Corinto 7:12, 13) Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang utos na ito.

a Tingnan ang Caesar and Christ, pahina 647.

b Tingnan ang desisyon sa kasong Jehovah’s Witnesses of Moscow and Others v. Russia, pahina 26-27, parapo 111.

c Tingnan ang Journal of Marriage and Family, Volume 72, Number 4, (Agosto 2010), pahina 963.