Ano ang Pananaw ng mga Saksi ni Jehova sa Siyensiya?
Pinahahalagahan namin ang mga tagumpay na nagawa ng siyensiya at naniniwala kami sa mga natutuklasan ng siyensiya na suportado ng ebidensiya.
“Ang siyensiya ay ang pag-aaral tungkol sa mga katangian at paggawi ng mga bagay sa kalikasan at ang kaalamang natututuhan natin sa mga ito.” (Collins Cobuild Advanced Learner’s English Dictionary) Bagaman ang Bibliya ay hindi aklat-aralin sa siyensiya, hinihimok nito ang mga tao na pag-aralan ang kalikasan at makinabang sa mga natutuklasan sa siyensiya. Pag-isipan ang ilang halimbawa:
Astronomiya: “Itingin ninyo ang inyong mga mata sa itaas at masdan. Sino ang lumalang ng mga bagay na ito? Iyon ang Isa na naglalabas sa hukbo nila ayon sa bilang, na lahat sila ay tinatawag niya ayon sa pangalan.”—Isaias 40:26.
Biyolohiya: Si Solomon “ay nagsasalita tungkol sa mga punungkahoy, mula sa sedrong nasa Lebanon hanggang sa isopo na tumutubo sa pader; at siya ay nagsasalita tungkol sa mga hayop at tungkol sa mga lumilipad na nilalang at tungkol sa mga bagay na gumagala at tungkol sa mga isda.”—1 Hari 4:33.
Medisina: “Yaong malulusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi yaong mga may sakit.”—Lucas 5:31.
Meteorolohiya: “Nakapasok ka na ba sa mga imbakan ng niyebe, o nakikita mo ba maging ang mga imbakan ng graniso . . . ? Saan nga dumaraan . . . ang hanging silangan kapag lumalaganap sa ibabaw ng lupa?”—Job 38:22-24.
Ang aming mga literatura ay nagtuturo ng pagpapahalaga sa siyensiya sa pamamagitan ng pagtatampok ng mga artikulo tungkol sa kalikasan at sa mga tagumpay na nagawa ng siyensiya. Pinasisigla ng mga magulang na Saksi ang kanilang mga anak na mag-aral na mabuti para higit nilang maunawaan ang daigdig sa palibot nila. Maraming Saksi ni Jehova ang nagtatrabaho sa mga larangan ng siyensiya gaya ng biochemistry, mathematics, at physics.
Mga limitasyon ng siyensiya
Pero para sa amin, hindi nasasagot ng siyensiya ang lahat ng tanong ng mga tao. a Halimbawa, sinusuri ng mga geologist kung ano ang kayarian ng lupa, at pinag-aaralan naman ng mga biologist kung paano gumagana ang katawan ng tao. Pero bakit tamang-tama ang mga kalagayan sa lupa para sumustine sa buhay, at bakit maayos na nagkakatulungan ang iba’t ibang bahagi ng katawan?
Napag-isip-isip namin na ang Bibliya lamang ang nakapagbibigay ng kasiya-siyang sagot sa mga tanong na iyon. (Awit 139:13-16; Isaias 45:18) Kaya naniniwala kami na parehong kasama sa mabuting edukasyon ang pag-aaral tungkol sa siyensiya at sa Bibliya.
Kung minsan, parang magkasalungat ang siyensiya at ang Bibliya. Pero ang ilang diumano’y pagkakasalungatan ay dahil lang sa maling pagkaunawa sa kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya. Halimbawa, hindi nito itinuturo na nilalang ang lupa sa loob ng anim na araw na tig-24 na oras.—Genesis 1:1; 2:4.
Ang ilang teoriya na itinuturing ng marami na kaayon ng siyensiya ay walang sapat na ebidensiya at tinututulan ng ilang respetadong siyentipiko. Halimbawa, yamang makikita sa kalikasan ang matalinong disenyo, nanghahawakan kami sa pananaw na gaya ng pananaw ng maraming biologist, chemist, at iba pa na nagsasabing ang nabubuhay na mga bagay ay hindi unti-unting na-develop sa pamamagitan ng random mutation at natural selection.
a Ang Austrianong physicist na nagwagi ng Nobel Prize, si Erwin Schrödinger, ay sumulat tungkol sa siyensiya: “Wala itong masabi tungkol sa lahat ng bagay . . . na malapít sa ating puso, na mahalaga sa atin.” At sinabi naman ni Albert Einstein: “Mula sa masaklap na karanasan ay natutuhan natin na ang may-katuwirang pag-iisip ay hindi sapat upang malutas ang mga problema ng ating buhay-panlipunan.”