Protestante ba ang mga Saksi ni Jehova?
Hindi. Mga Kristiyano ang mga Saksi ni Jehova, pero hindi namin itinuturing ang aming mga sarili na Protestante. Bakit?
Ang Protestantismo ay binigyang-kahulugan bilang isang “relihiyosong kilusan na laban sa Romanong Katolisismo.” Ang mga Saksi ni Jehova ay hindi sang-ayon sa mga turo ng Simbahang Katoliko, pero hindi rin naman namin itinuturing ang aming mga sarili na Protestante dahil sa sumusunod na kadahilanan:
Marami sa mga paniniwala ng mga Protestante ang salungat sa talagang itinuturo ng Bibliya. Halimbawa, itinuturo ng Bibliya na “may isang Diyos,” hindi isang Trinidad. (1 Timoteo 2:5; Juan 14:28) At malinaw na itinuturo nito na parurusahan ng Diyos ang masasama, hindi sa apoy ng impiyerno, kundi sa pamamagitan ng walang-hanggang pagkapuksa.—Awit 37:9; 2 Tesalonica 1:9.
Hindi kami nagpoprotesta laban sa Simbahang Katoliko o iba pang grupo ng relihiyon, o nagsisikap na repormahin ang alinman sa mga ito. Ang layunin lang namin ay mangaral ng mabuting balita ng Kaharian ng Diyos, at sikaping tulungan ang iba na manampalataya sa balitang ito—hindi ang magreporma ng ibang relihiyon. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Nais namin na ituro sa taimtim na mga indibiduwal ang katotohanan tungkol sa Diyos at sa kaniyang Salita, ang Bibliya.—Colosas 1:9, 10; 2 Timoteo 2:24, 25.