Bakit Hindi Nagpapasalin ng Dugo ang mga Saksi ni Jehova?
Maling mga paniniwala
Maling akala: Hindi naniniwala ang mga Saksi ni Jehova sa gamot o mga doktor.
Ang totoo: Gusto namin ng pinakamahusay na paraan ng panggagamot para sa amin at sa aming pamilya. Kapag kailangan, nagpupunta kami sa mga doktor na may kakayahang gamutin kami o operahan nang walang pagsasalin ng dugo. Pinahahalagahan namin ang mga pagsulong sa medisina. Sa katunayan, ang panggagamot nang walang pagsasalin ng dugo na ginagawa para sa mga pasyenteng Saksi ay ginagamit na rin ngayon sa ibang mga pasyente. Sa maraming bansa, maiiwasan na ng mga pasyente ang mga panganib sa pagsasalin ng dugo gaya ng sakit, komplikasyon, at maling pagsasalin ng dugo.
Maling akala: Naniniwala ang mga Saksi ni Jehova na ang sakit ay mapagagaling ng pananampalataya.
Ang totoo: Hindi kami nagsasagawa ng faith healing.
Maling akala: Napakamahal ng panggagamot nang walang pagsasalin ng dugo.
Ang totoo: Mas matipid ang panggagamot nang walang pagsasalin ng dugo. a
Maling akala: Maraming Saksi, pati na mga bata, ang namamatay taun-taon dahil hindi nagpasalin ng dugo.
Ang totoo: Wala itong batayan. Regular nang nagsasagawa ang mga doktor ng masasalimuot na operasyong tulad ng organ transplant at operasyon sa puso at buto nang walang pagsasalin ng dugo. b Ang mga pasyente, pati na mga bata, na hindi nagpasalin ng dugo ay kadalasang nakaka-recover din o mas mabuti pa nga ang kalagayan kaysa sa mga nagpasalin ng dugo. c Sa alinmang kaso, walang makapagsasabi na ang isang pasyente ay mamamatay kung hindi siya magpapasalin ng dugo o mabubuhay kapag nagpasalin siya.
Bakit hindi nagpapasalin ng dugo ang mga Saksi ni Jehova?
Ito ay pangunahin nang dahil sa aming relihiyosong paniniwala. Malinaw na iniuutos sa Matanda at Bagong Tipan ang pag-iwas sa dugo. (Genesis 9:4; Levitico 17:10; Deuteronomio 12:23; Gawa 15:28, 29) Isa pa, para sa Diyos, ang dugo ay kumakatawan sa buhay. (Levitico 17:14) Kaya umiiwas kami sa dugo hindi lang dahil sinusunod namin ang Diyos kundi dahil iginagalang din namin siya bilang ang Tagapagbigay ng buhay.
Nagbabagong pananaw
Noon, para sa mga doktor, ang di-pagpapasalin ng dugo ay radikal na desisyon at pagpapakamatay pa nga, pero nagbago ito nitong nakaraang mga taon. Halimbawa, noong 2004, isang artikulong inilathala sa isang journal tungkol sa medisina ang nagsabing “marami sa mga teknik na ginagamit para sa mga pasyenteng Saksi ni Jehova ang magiging karaniwang pamamaraan sa panggagamot sa darating na mga taon.” d Sinabi ng isang artikulo sa journal na Heart, Lung and Circulation noong 2010 na ang “‘operasyong walang pagsasalin ng dugo’ ay hindi lang dapat na para sa [mga Saksi ni Jehova] kundi dapat na maging bahagi na ng araw-araw na pagsasagawa ng operasyon.”
Sa buong daigdig, libu-libong doktor na ang gumagamit ng iba’t ibang teknik sa pag-oopera nang walang pagsasalin ng dugo. Ang gayong mga pamamaraan ay ginagamit din kahit sa papaunlad na mga bansa at hinihiling ng maraming pasyente na hindi naman mga Saksi ni Jehova.
a Tingnan ang Transfusion and Apheresis Science, Volume 33, No. 3, p. 349.
b Tingnan ang The Journal of Thoracic and Cardiovascular Surgery, Volume 134, No. 2, pp. 287-288; Texas Heart Institute Journal, Volume 38, No. 5, p. 563; Basics of Blood Management, p. 2; at Continuing Education in Anaesthesia, Critical Care & Pain, Volume 4, No. 2, p. 39.
c Tingnan ang The Journal of Thoracic and Cardiovascular Surgery, Volume 89, No. 6, p. 918; at Heart, Lung and Circulation, Volume 19, p. 658.
d Continuing Education in Anaesthesia, Critical Care & Pain, Volume 4, No. 2, pahina 39.