Bakit Hindi Simbahan ang Tawag ng mga Saksi ni Jehova sa Kanilang Pinagtitipunan?
Sa Bibliya, ang salitang Griego na isinasalin kung minsan na “church,” o simbahan, ay tumutukoy sa isang grupo ng mga mananamba, hindi sa gusali kung saan sila nagtitipon.
Pansinin ang halimbawang ito: Nang sumulat si apostol Pablo sa mga Kristiyano sa Roma, nagpadala siya ng pagbati sa mag-asawang sina Aquila at Priscila, at idinagdag: “Greet the church that meets in their home.” (Roma 16:5, Contemporary English Version) Hindi gusali ang gustong padalhan ni Pablo ng pagbati. Sa halip, nagpapadala siya ng pagbati sa mga tao—ang kongregasyong nagtitipon sa tahanang iyon. a
Kaya sa halip na tawaging simbahan ang dako ng aming pagsamba, tinatawag namin itong “Kingdom Hall.”
Bakit “Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova”?
Angkop ang pananalitang ito dahil sa sumusunod na mga dahilan:
Ang gusali ay isang hall, o lugar na pinagtitipunan.
Nagtitipon kami para sumamba kay Jehova, ang Diyos ayon sa Bibliya, at para sumaksi, o magpatotoo, tungkol sa kaniya.—Awit 83:18; Isaias 43:12.
Nagtitipon din kami para matuto tungkol sa Kaharian ng Diyos, na madalas banggitin ni Jesus.—Mateo 6:9, 10; 24:14; Lucas 4:43.
Inaanyayahan ka naming pumunta sa isang Kingdom Hall na malapit sa inyo para makita mo kung paano nagtitipon ang mga Saksi ni Jehova.
a May gayon ding kahawig na pananalita sa 1 Corinto 16:19; Colosas 4:15; at Filemon 2.