Bakit Hindi Sinasagot ng mga Saksi ni Jehova ang Lahat ng Akusasyon Laban sa Kanila?
Sinusunod ng mga Saksi ni Jehova ang payo ng Bibliya na huwag sagutin ang lahat ng akusasyon at mga pagtuya. Halimbawa, isang kawikaan sa Bibliya ang nagsasabi: “Siyang nagtutuwid sa manunuya ay nagdudulot ng kasiraang-puri sa kaniyang sarili.” (Kawikaan 9:7, 8; 26:4) Sa halip na mahila na makipag-away dahil sa labis na pagkabahala sa mga maling akusasyon, nakapokus kami sa paggawa ng mga bagay na magpapasaya sa Diyos.—Awit 119:69.
Sabihin pa, may “panahon ng pagtahimik at panahon ng pagsasalita.” (Eclesiastes 3:7) Sinasagot namin ang taimtim na mga tao na interesadong malaman ang katotohanan, pero umiiwas kami sa walang-saysay na pakikipagtalo. Kaya sinusunod namin ang mga turo at halimbawa ni Jesus at ng unang mga Kristiyano.
Si Jesus ay hindi sumagot noong may-kasinungalingang akusahan siya sa harap ni Pilato. (Mateo 27:11-14; 1 Pedro 2:21-23) Gayundin, hindi sumagot si Jesus nang akusahan siya ng pagiging lasenggo at matakaw. Sa halip, hinayaan niyang maituwid ang iniisip ng mga tao sa pamamagitan ng kaniyang mga gawa, kaayon ng prinsipyo na: “Ang karunungan ay pinatutunayang matuwid ng mga gawa nito.” (Mateo 11:19) Gayunman, kung hinihiling ng kalagayan, buong-tapang niyang sinasagot ang mga naninirang-puri sa kaniya.—Mateo 15:1-3; Marcos 3:22-30.
Tinuruan ni Jesus ang kaniyang mga tagasunod na huwag masiraan ng loob dahil sa mga maling akusasyon. Sinabi niya: “Maligaya kayo kapag dinudusta kayo ng mga tao at pinag-uusig kayo at may-kasinungalingang sinasalita ang bawat uri ng balakyot na bagay laban sa inyo dahil sa akin.” (Mateo 5:11, 12) Pero sinabi rin ni Jesus na kapag ang gayong mga akusasyon ay nagbukas ng pagkakataon para makapagpatotoo ang kaniyang mga tagasunod, tutuparin niya ang kaniyang pangako: “Bibigyan ko kayo ng bibig at karunungan, na hindi makakayang labanan o tutulan ng lahat ng mga sumasalansang sa inyo.”—Lucas 21:12-15.
Si apostol Pablo ay nagpayo sa mga Kristiyano na umiwas sa walang-saysay na pakikipagtalo sa mga mananalansang, na inilalarawan ang gayong mga argumento na “di-mapakikinabangan at walang saysay.”—Tito 3:9; Roma 16:17, 18.
Si apostol Pedro ay nagpasigla sa mga Kristiyano na ipagtanggol ang kanilang pananampalataya hangga’t maaari. (1 Pedro 3:15) Gayunman, alam niya na kadalasan nang mas epektibo ang gawa kaysa sa salita. Sumulat siya: “Sa paggawa ng mabuti ay mabusalan ninyo ang walang-muwang na usapan ng mga taong di-makatuwiran.”—1 Pedro 2:12-15.