Ano ang Watch Tower Bible and Tract Society?
Ang Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania ay hindi isang komersiyal na korporasyong itinatag noong 1884 sa ilalim ng mga batas ng Commonwealth of Pennsylvania, U.S.A. Ginagamit ito ng mga Saksi ni Jehova para suportahan ang kanilang pambuong-daigdig na gawain, kasama na rito ang paglalathala ng mga Bibliya at salig-Bibliyang mga literatura.
Ayon sa karta nito, ang layunin ng korporasyon ay para sa “relihiyon, pagtuturo, at pagkakawanggawa,” lalo na, upang “ipangaral at ituro ang ebanghelyo ng Kaharian ng Diyos sa ilalim ni Kristo Jesus.” Ang pagiging miyembro sa korporasyon ay sa pamamagitan lamang ng imbitasyon at hindi batay sa kung gaano kalaki ang donasyon ng isang tao. Tumutulong ang mga miyembro at mga director ng korporasyon sa Lupong Tagapamahala ng mga Saksi ni Jehova.
Tumutulong na Legal na mga Instrumento
Bukod sa Watch Tower Bible and Tract Society of Pennsylvania, ang mga Saksi ni Jehova ay gumagamit ng maraming legal na mga instrumento sa iba’t ibang bansa. Kabilang sa pangalan ng mga instrumentong ito ang “Watch Tower,” “Watchtower,” o ang isang salin ng isa sa mga ito.
Nakatulong sa amin ang iba’t ibang legal na mga instrumentong ito para marami kaming magawa mula nang maitatag ang mga ito, gaya ng sumusunod:
Pagsulat at paglalathala. Nakapaglathala na kami ng mga 220 milyong Bibliya at halos 40 bilyong literatura na salig sa Bibliya. Ang aming mga publikasyon ay makukuha sa mahigit 900 wika. Nababasa ng mga tao sa website na jw.org ang Bibliya online nang walang bayad sa mahigit 160 wika at makita ang sagot sa mga tanong sa Bibliya gaya ng, “Ano ang Kaharian ng Diyos?”
Edukasyon. Nagsasagawa kami ng iba’t ibang paaralan para sa pagtuturo ng Bibliya. Halimbawa, mula noong 1943, mga 9,000 Saksi ni Jehova ang nakinabang mula sa puspusang pagsasanay na inilaan ng Watchtower Bible School of Gilead, na nakatulong sa kanila na maglingkod bilang mga misyonero o para mapatatag at mapatibay ang aming gawain sa buong daigdig. At bawat linggo, milyon-milyong tao, kasama na ang mga di-Saksi, ang tumatanggap ng turo sa mga pulong na isinasagawa sa bawat isa sa aming mga kongregasyon. Nagsasagawa rin kami ng mga literacy class at nakagawa kami ng isang aklat-aralin sa 120 wika na nagtuturo sa mga tao na bumasa’t sumulat.
Kawanggawa. Nagbigay kami ng materyal na tulong sa mga nagdurusa dahil sa mga sakuna—ito man ay gawang-tao, gaya ng paglipol sa isang partikular na grupo ng mga tao sa Rwanda noong 1994, o likas na sakuna, gaya ng lindol na tumama sa Haiti noong 2010.
Bagaman marami na ang nagawa sa pamamagitan ng ginagamit naming mga korporasyon at legal na mga instrumento, hindi dumedepende sa alinman dito ang aming gawain. May personal na pananagutan ang bawat Kristiyano na tuparin ang bigay-Diyos na utos na ipangaral at ituro ang mabuting balita. (Mateo 24:14; 28:19, 20) Naniniwala kami na sinusuportahan ng Diyos ang aming gawain at na siya ang patuloy na “nagpapalago nito.”—1 Corinto 3:6, 7.