BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY
“Hindi Na Ako Marahas”
Isinilang: 1973
Bansang Pinagmulan: Uganda
Dating marahas, imoral, at lasenggo
ANG AKING NAKARAAN
Ipinanganak ako sa Uganda, sa distrito ng Gomba. Mahihirap ang mga tagaroon. Walang kuryente sa bayan namin, kaya sa gabi, gumagamit kami ng gasera.
Magsasaka ang mga magulang ko, at lumipat sila sa Uganda mula sa Rwanda. Nagtatanim sila ng kape at saging, at gumagawa sila ng alak na tinatawag na waragi na mula sa saging. Nag-aalaga rin sila ng mga manok, kambing, baboy, at baka. Dahil sa kultura ko at pagpapalaki sa akin, naniniwala ako na ang misis ay dapat na laging sumunod sa asawa niya at hindi niya dapat sabihin ang opinyon niya.
Noong 23 anyos ako, lumipat ako sa Rwanda, at madalas akong pumunta sa mga disco bar kasama ng mga kaedaran ko. Sa sobrang dalas ko sa isang bar, binigyan ako ng may-ari ng isang card para puwede na akong pumasok nang libre. Mahilig din akong manood ng mga pelikula na napakarahas. Dahil sa mga nakakasalamuha ko at sa libangan ko, naging marahas, imoral, at lasenggo ako.
Noong 2000, naging ka-live in ko si Skolastique Kabagwira, at nagkaroon kami ng tatlong anak. At gaya ng paniniwala ko no’ng bata ako, gusto kong lumuhod siya sa harap ko kapag binabati niya ako o kapag may kailangan siya. Sinasabi ko rin na ang lahat ng pag-aari ng pamilya namin ay sa akin na, at puwede kong gawin kung ano ang gusto ko. Lumalabas ako kapag gabi, at mga alas-tres na ng umaga ang uwi ko. Kadalasan, umuuwi akong lasing. Kakatok ako sa pinto, at kapag hindi agad ako pinagbuksan ni Skolastique, bubugbugin ko siya.
Nang panahong iyon, supervisor ako sa isang security company, at mataas ang sahod ko. Kapag nasa bahay ako, kinukumbinsi ako ni Skolastique na sumama sa relihiyon niyang Pentecostal kasi iniisip niya na baka magbago ako. Pero hindi ako interesado. Imbes na makinig sa kaniya, nakipagrelasyon ako sa ibang babae. At dahil sa mga ginawa ko sa kaniya, umalis si Skolastique kasama ang tatlo naming anak at bumalik sa mga magulang niya.
Kinausap ako ng isang may-edad naming kaibigan tungkol sa buhay ko. Pinayuhan niya akong bumalik kay Skolastique. Sinabi niya na hindi dapat mahiwalay ang mga anak sa kanilang ama. Kaya noong 2005, itinigil ko na ang pag-inom, iniwan ang karelasyon ko, at bumalik ako kay Skolastique. Noong 2006, nagpakasal kami. Pero hindi ako nagbago at sinasaktan ko pa rin ang asawa ko.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO
Noong 2008, bumisita sa bahay namin si Joël, isang Saksi ni Jehova. Nakinig ako sa mensahe niya. Sa loob ng ilang buwan, regular niya akong pinupuntahan kasama ang isa pang Saksi, si Bonaventure, at nagdidiskusyon kami tungkol sa Bibliya. Marami akong tanong, lalo na tungkol sa aklat ng Apocalipsis. Ang totoo, gusto kong patunayan na mali ang mga Saksi. Halimbawa, tinanong ko sila kung paano nila nasabing ang “malaking pulutong” na binabanggit sa Apocalipsis 7:9 ay titira sa lupa, pero sinasabi rin sa talatang iyon na sila ay “nakatayo sa harap ng trono [ng Diyos] at sa harap ng Kordero,” si Jesu-Kristo. Matiyagang sinagot ni Joël ang mga tanong ko. Halimbawa, ipinabasa niya sa akin ang Isaias 66:1, kung saan tinatawag ng Diyos ang lupa na “tuntungan” niya. Kaya ang malaking pulutong na nasa lupa ay talagang nakatayo sa harap ng trono ng Diyos. Ipinabasa rin niya sa akin ang Awit 37:29 na nagsasabing ang mga matuwid ay titira sa lupa magpakailanman.
Di-nagtagal, pumayag na rin akong magpa-Bible study. Si Bonaventure ang nagturo sa amin ni Skolastique. Dahil sa mga natututuhan namin sa Bibliya, gusto ko nang magbago. Natutuhan kong igalang ang asawa ko. Hindi ko na siya pinapaluhod sa harap ko kapag binabati niya ako o kapag may kailangan siya, at hindi ko na rin sinasabi na ang lahat ng pag-aari ng pamilya namin ay sa akin lang. Hindi na rin ako nanonood ng mararahas na pelikula. Mahirap gawin ang mga pagbabagong ito, kaya kailangan ko ng matinding pagpipigil sa sarili at kapakumbabaan.
Ilang taon bago nito, dinala ko sa Uganda ang panganay namin na si Christian para tumira doon kasama ng mga kamag-anak namin. Pero nang mabasa ko ang Deuteronomio 6:4-7, na-realize ko na ibinigay ng Diyos sa aming mag-asawa ang pananagutan na palakihin ang aming mga anak, at kasama na diyan ang pagtuturo sa kanila ng tungkol sa Diyos. Napakasaya ng pamilya namin nang iuwi namin si Christian!
KUNG PAANO AKO NAKINABANG
Natutuhan ko na si Jehova ay isang maawaing Diyos, at naniniwala akong pinatawad na niya ako sa mga nagawa ko noon. Masaya ako na sumama sa akin si Skolastique sa pag-aaral ng Bibliya. Inialay namin ang buhay namin kay Jehova, at sabay kaming nabautismuhan noong Disyembre 4, 2010. Ngayon, may tiwala na kami sa isa’t isa, at masaya naming isinasabuhay ang mga prinsipyo sa Bibliya sa pamilya namin. Masayang-masaya ang misis ko na umuuwi na ako agad pagkatapos ng trabaho. Natutuwa rin siya na tinatrato ko na siya nang may dignidad at respeto, na nagdesisyon akong umiwas sa alkohol, at na hindi na ako marahas gaya ng dati. Noong 2015, naatasan akong elder sa kongregasyon namin. At tatlo sa limang anak namin ang nabautismuhan na.
Nang makipag-aral ako ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova, hindi ko lang basta pinaniwalaan ang itinuro nila sa akin nang walang katibayan. Humanga ako kasi ginamit nila ang Bibliya para sagutin ang mga tanong ko. Naunawaan namin ni Skolastique na ang mga nagsasabing naglilingkod sila sa tunay na Diyos ay dapat na sumunod sa sinasabi niya, at hindi lang piliin kung ano ang gusto nilang sundin. Nagpapasalamat talaga ako kay Jehova na inilapit niya ako sa kaniya at bahagi na ako ng pamilya niya. Kapag inaalala ko ang buhay ko noon, kumbinsido ako na sa tulong ng Diyos, magagawang magbago ng sinuman kung gusto talaga niyang paglingkuran ang Diyos.