Pumunta sa nilalaman

BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

“Hindi Na Ako Alipin ng Karahasan”

“Hindi Na Ako Alipin ng Karahasan”
  • Isinilang: 1956

  • Bansang Pinagmulan: Canada

  • Dating dismayado sa buhay, imoral, at marahas

ANG AKING NAKARAAN

 Ipinanganak ako sa lunsod ng Calgary sa Alberta, Canada. Sanggol pa lang ako nang mag-divorce sina Nanay at Tatay, at tumira kami ng nanay ko sa bahay ng lolo’t lola ko. Mahal na mahal kami ng lolo’t lola ko, kaya sobrang saya ko. Marami akong masasayang alaala noong bata pa ako.

 Pero noong pitong taóng gulang ako, nagbago ang buhay ko nang magpakasal ulit sina Nanay at Tatay. Lumipat kami sa St. Louis, Missouri, sa United States. Doon ko nalaman na marahas pala ang tatay ko. Naaalala ko, pagkauwi ko noong unang araw ko sa bagong school, nalaman niyang may nam-bully sa akin pero hindi ako gumanti. Galit na galit siya kaya sinuntok niya ako. Mas malakas pa iyon sa ginawa ng mga kaklase ko. Dahil doon, natuto akong gumanti. Unang beses akong napaaway noong pitong taóng gulang pa lang ako.

 Mabilis mag-init ang ulo ng tatay ko, kaya madalas silang magtalo ni Nanay. Nagsimula akong uminom ng alak at magdroga noong 11 anyos ako. Mas naging agresibo ako kaya lagi akong napapasali sa away. Pagkatapos ng high school, mas lalo pa akong naging marahas.

 Noong 18 anyos ako, sumali ako sa U.S. Marine Corps. Dahil sa training ko doon, natutuhan kong pumatay ng tao. Pagkalipas ng limang taon, iniwan ko ang militar para mag-aral ng psychology, kasi gusto kong magtrabaho sa Federal Bureau of Investigation. Nagsimula akong mag-aral sa United States, pero dahil lumipat kami sa Canada, doon ko na ipinagpatuloy ang pag-aaral.

 Noong nag-aaral ako sa unibersidad, nadismaya ako sa mga tao. Nakita ko na makasarili sila, na walang saysay ang mundo, at na walang solusyon ang mga problema ng tao. Nawalan ako ng pag-asang mapapaganda pa ng tao ang mundo.

 Dahil parang wala namang patutunguhan ang buhay ko, nagpakasasa na lang ako sa alkohol, droga, pera, at sex. Lagi akong nasa party, at iba-ibang babae ang kasama ko. Dahil sa training ko sa militar, malakas ang loob kong makipag-away. Iniisip kong puwede akong magdesisyon kung ano ang tama at mali. Kapag pakiramdam ko, nanlalamang ang isang tao, kokomprontahin ko agad siya. Kaya lagi akong napapasabak sa away. Pero ang totoo, naging alipin lang ako ng karahasan.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO

 Isang araw, naghahanda kami ng kaibigan ko ng ilegal na shipment ng marijuana sa basement ng bahay ko habang pareho kaming high sa droga. Tinanong ako ng kaibigan ko kung naniniwala ako sa Diyos. Sumagot ako, “Kung Diyos ang dahilan ng pagdurusa sa mundo, ayaw ko siyang makilala!” Kinabukasan, sa unang araw ko sa bagong trabaho, tinanong ako ng katrabaho kong Saksi ni Jehova, “Sa tingin mo, Diyos kaya ang dahilan ng pagdurusa sa mundo?” Sakto ang tanong niya sa pinag-usapan namin ng kaibigan ko noong nakaraang araw, kaya nagkainteres ako. Sa loob ng anim na buwan, marami kaming napag-usapan, at ginamit niya ang Bibliya para sagutin ang mahihirap na tanong ko sa buhay.

 Magka-live-in kami no’n ng mapapangasawa ko. Pero ayaw niyang sabihin ko sa kaniya ang mga natututuhan ko. Isang Linggo, sinabi ko sa kaniya na inimbitahan ko ang mga Saksi sa bahay namin para makipag-Bible study sa amin. Kinabukasan, pag-uwi ko galing sa trabaho, wala na siya sa bahay at kinuha niya ang lahat ng gamit namin. Lumabas ako ng bahay at umiyak. Nanalangin din ako sa Diyos na tulungan niya ako. Iyon ang unang beses na ginamit ko ang pangalan ng Diyos na Jehova sa panalangin.​—Awit 83:18.

 Pagkalipas ng dalawang araw, nagsimula akong magpa-Bible study sa isang mag-asawang Saksi. Pagkaalis nila, ipinagpatuloy ko ang pagbabasa sa aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa, at natapos ko iyon nang gabi ring iyon. a Tumagos sa puso ko ang mga natutuhan ko tungkol sa Diyos na Jehova at sa kaniyang Anak, si Jesu-Kristo. Nalaman kong mapagmahal si Jehova at nasasaktan siya kapag nagdurusa tayo. (Isaias 63:9) Talagang naantig ako sa pag-ibig ng Diyos at sa sakripisyo na ginawa ng kaniyang Anak para sa akin. (1 Juan 4:10) Naisip kong naging matiisin si Jehova sa akin “dahil hindi niya gustong mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.” (2 Pedro 3:9) Pakiramdam ko, gusto ni Jehova na makipagkaibigan sa akin.​—Juan 6:44.

 Nagsimula akong dumalo sa mga pulong nang linggo ring iyon. Mahaba ang buhok ko, nakahikaw ako, at mukha akong nakakatakot. Pero itinuring ako ng mga Saksi na parang kapamilya na matagal na nilang hindi nakikita. Talagang tunay silang mga Kristiyano. Pakiramdam ko, parang nasa bahay ulit ako ng lolo’t lola ko, pero mas maganda pa ito.

 Di-nagtagal, unti-unting binago ng Bibliya ang buhay ko. Nagpagupit ako ng buhok, itinigil na ang mga imoral na gawain, at huminto na rin sa paggamit ng droga at alkohol. (1 Corinto 6:9, 10; 11:14) Gusto kong pasayahin si Jehova. Kaya kapag natutuhan ko na hindi gusto ni Jehova ang isang bagay na ginagawa ko, hindi ko iyon ipinagdadahilan. Ang totoo, parang sinasaksak ang puso ko. Sinasabi ko sa sarili ko: ‘Hindi na puwede ang ginagawa ko.’ Kaya sinusubukan kong baguhin agad ang mga iniisip at ginagawa ko. Mas gumanda ang buhay ko, kasi sinunod ko ang mga utos ni Jehova. Noong Hulyo 29, 1989—anim na buwan mula nang una akong magpa-Bible study—nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG

 Natulungan ako ng Bibliya na baguhin ang ugali ko. Noon, nagiging marahas agad ako kapag nilalapitan ako ng mga taong galít. Pero ngayon, nagsisikap na akong “makipagpayapaan . . . sa lahat ng tao.” (Roma 12:18) Hindi ko ito kaya nang mag-isa, kaya salamat kay Jehova dahil ibinigay niya ang kaniyang Salita at banal na espiritu.​—Galacia 5:22, 23; Hebreo 4:12.

 Imbes na maging alipin ng droga, karahasan, at imoral na pagnanasa, ginagawa ko ngayon ang lahat para mapasaya ang Diyos na Jehova at ibigay sa kaniya ang buo kong makakaya. Kasama na riyan ang pagtulong sa iba na makilala siya. Ilang taon matapos akong mabautismuhan, lumipat ako sa ibang bansa para mangaral kung saan malaki ang pangangailangan. Sa nakalipas na mga taon, natutuwa akong mangaral sa maraming tao at makita kung paano pinaganda ng Bibliya ang buhay nila. Masayang-masaya ako na naging Saksi ni Jehova rin ang nanay ko. Malaking tulong ang nakita niyang pagbabago sa ugali at pagkilos ko.

 Noong 1999, sa El Salvador, nagtapos ako sa isang paaralan na tinatawag na ngayong School for Kingdom Evangelizers. Natulungan ako ng paaralang iyon na maging handa sa pangunguna sa gawaing pangangaral at sa pagtuturo at pangangalaga sa kongregasyon. Nang taon ding iyon, pinakasalan ko si Eugenia. Ngayon, buong panahon kaming nangangaral sa Guatemala.

 Imbes na maging dismayado sa buhay, masayang-masaya na ako. Dahil isinasabuhay ko ang mga natutuhan ko sa Bibliya, malaya na ako sa imoralidad at karahasan, at binigyan ako nito ng makabuluhang buhay na punô ng pagmamahal at kapayapaan.

a Ang ginagamit na ngayon ng mga Saksi ni Jehova para sa pag-aaral ay ang aklat na Ano ang Itinuturo sa Atin ng Bibliya?