BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY
“Hindi Ko Na Ikinahihiya ang Sarili Ko”
Isinilang: 1963
Bansang Pinagmulan: Mexico
Dating batang lansangan; mababa ang tingin sa sarili
ANG AKING NAKARAAN
Ipinanganak ako sa Ciudad Obregón sa hilagang Mexico. Panlima ako sa siyam na magkakapatid. Nakatira kami sa labas ng lunsod, kung saan may maliit na bukid si Itay. Maayos ang buhay namin doon, kung saan masaya at magkakasama ang buong pamilya. Pero nang limang taóng gulang ako, binagyo ang bukid namin kaya lumipat kami sa ibang bayan.
Gumanda ang kita ni Itay roon. Pero kasabay nito, naging alkoholiko siya. Nakaapekto ito sa pagsasama nila ni Inay at sa aming magkakapatid. Nagsimula kaming humithit ng sigarilyo, na ninanakaw namin kay Itay. Noong anim na taóng gulang ako, nalasing ako sa unang pagkakataon. Di-nagtagal, naghiwalay ang mga magulang namin at nalulong ako sa bisyo.
Kinuha kami ni Inay at nakisama siya sa ibang lalaki, na hindi nagbibigay ng sustento. Hindi naman kasya sa amin ang kinikita ni Inay, kaya kung ano-anong trabaho ang ginawa naming magkakapatid para lang makaraos. Naglinis ako ng sapatos at nagtinda ng tinapay, diyaryo, chewing gum, at iba pa. Nagpalaboy-laboy rin ako sa siyudad at nangalkal ng pagkain sa basurahan ng mayayaman.
Nang 10 taóng gulang na ako, niyaya ako ng isang lalaki na magtrabaho sa tambakan ng basura ng lunsod. Tinanggap ko iyon, huminto ako sa pag-aaral, at naglayas. Wala pang isang dolyar ang bayad niya sa akin kada araw, at binibigyan niya ako ng pagkain na galing sa basura. Tumira ako sa barong-barong na ginawa ko. Malaswang magsalita at imoral ang mga nakakasama ko. Marami ang adik at lasinggero. Napakamiserable ng buhay ko noon. Gabi-gabi akong umiiyak, at nanginginig sa takot. Dahil sa kahirapan at limitadong pinag-aralan, ikinahiya ko ang sarili ko. Tumira ako sa tambakan nang tatlong taon, hanggang sa lumipat ako sa ibang estado ng Mexico. Doon, nagtrabaho ako sa bukid, namitas ng mga bulaklak at bulak, at nag-ani ng tubó at patatas.
Pagkaraan ng apat na taon, bumalik ako sa Ciudad Obregón. Kinupkop ako ng tiyahin kong albularyo at pinatira ako sa isang kuwarto sa bahay niya. Nagsimula akong bangungutin, at nadepres hanggang sa maisip kong magpakamatay. Isang gabi, nanalangin ako sa Diyos: “Panginoon, kung totoo po kayo, gusto ko kayong makilala at paglingkuran habambuhay. Kung mayroong tunay na relihiyon, gusto kong malaman iyon.”
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO
Interesado talaga akong matuto tungkol sa Diyos. Bata pa lang ako, nagpupunta na ako sa simbahan ng iba’t ibang relihiyon, pero dismayado ako sa mga iyon. Hindi nila masyadong maipaliwanag ang Bibliya at hindi nila matugunan ang espirituwal na pangangailangan ko. Puro pera lang ang nasa isip ng ilan, at imoral naman ang mga miyembro ng iba.
Noong 19 anyos ako, sinabi ng isa sa mga bayaw ko na ipinakita sa kaniya ng mga Saksi ni Jehova kung ano ang sinasabi ng Bibliya tungkol sa mga imahen. Binasa niya sa akin ang Exodo 20:4, 5. Ayon doon, hindi tayo dapat gumawa ng inukit na imahen. Mababasa sa talata 5: “Huwag kang yuyukod sa mga iyon o matutuksong maglingkod sa mga iyon, dahil akong si Jehova na iyong Diyos ay Diyos na humihiling ng bukod-tanging debosyon.” Pagkatapos, tinanong niya ako, “Kung naghihimala ang Diyos gamit ang mga imahen o gusto niyang sambahin natin ang mga ito, bakit niya ipagbabawal ang mga iyon?” Napag-isip ako nito. Mula noon, maraming beses pa kaming nag-usap tungkol sa Bibliya. Nagustuhan ko ang mga pag-uusap namin at hindi ko na namamalayan ang oras.
Isinama niya rin ako sa pulong ng mga Saksi ni Jehova. Humanga talaga ako sa nakita ko roon at narinig. Kahit ang mga bata ay nakikibahagi sa programa, mahusay pa nga silang magsalita sa plataporma! Naisip ko, ‘Ang ganda naman ng pagtuturo dito!’ Kahit na mahaba ang buhok ko at marumi ang hitsura ko, malugod pa rin akong tinanggap ng mga Saksi. Niyaya pa nga ako ng isang pamilya na maghapunan pagkatapos ng pulong!
Sa pag-aaral ko ng Bibliya sa mga Saksi, natutuhan kong ang Diyos na Jehova ay maibiging Ama na nagmamalasakit sa atin anuman ang kalagayan natin sa buhay, katayuan sa lipunan, lahi, o pinag-aralan. Hindi siya nagtatangi. (Gawa 10:34, 35) Sa wakas, natutugunan na ang espirituwal na pangangailangan ko. Nagkakaroon na ng kabuluhan ang buhay ko.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG
Malaki ang ipinagbago ng buhay ko! Huminto na ako sa paninigarilyo, pag-abuso sa alkohol, at paggamit ng malalaswang pananalita. Ang mga hinanakit ko mula pa noong bata ako, pati na ang mga nakakatakot kong bangungot, ay wala na. Napaglabanan ko na rin ang mababang pagtingin ko sa sarili, na epekto ng limitadong pinag-aralan ko at ng dinanas kong hirap noong bata ako.
Malaking tulong sa akin ang mahusay kong asawa na umiibig kay Jehova. Naglilingkod ako ngayon bilang naglalakbay na tagapangasiwa ng mga Saksi ni Jehova, na dumadalaw sa mga kongregasyon para magpatibay at magturo sa mga kapananampalataya ko. Sa tulong ng Bibliya at sa mahusay na edukasyong ibinibigay sa atin ng Diyos, hindi ko na ikinahihiya ang sarili ko.