BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY
Nagkaayos Na Kami ng Tatay Ko
ISINILANG: 1954
BANSANG PINAGMULAN: Pilipinas
Naglayas dahil sa mapang-abusong ama
ANG AKING NAKARAAN
Maraming turista ang pumupunta sa sikát na talon malapit sa bayan ng Pagsanjan sa Pilipinas. Doon, lumaki sa hirap ang tatay ko, si Nardo Leron. Punô siya ng galit dahil sa katiwalian sa gobyerno, sa kapulisan, at sa kaniyang trabaho.
Nagsikap ang mga magulang namin para buhayin kaming walong magkakapatid. Madalas silang wala sa bahay dahil nag-aasikaso sila ng kanilang pananim sa bundok. Kalimitan, naiiwan kami ni kuya Rodelio, at madalas kaming gutóm. Bihira lang kaming makapaglaro no’ng bata kami. Sa edad na pito, kailangan na naming magtrabaho sa plantasyon. Pasan-pasan namin sa matatarik na bundok ang mabibigat na kargada ng buko. Kapag masyadong mabigat ang dala namin, kinakaladkad na lang namin iyon.
Kailangan naming tiisin ang pambubugbog ni Tatay, pero mas nasasaktan kami kapag binubugbog niya si Nanay. Gusto namin siyang pigilan, pero wala kaming magawa. Pinagplanuhan pa nga namin ni kuya Rodelio na patayin si Tatay paglaki namin. Gustong-gusto talaga naming magkaroon ng mapagmahal na tatay!
Dahil galít na galít ako sa tatay ko, naglayas ako noong 14 anyos ako. Naging palaboy ako, at natuto akong mag-marijuana. Nang maglaon, naging bangkero ako na naghahatid ng mga turista sa talon.
Pagkatapos ng ilang taon, nag-aral ako sa isang unibersidad sa Maynila. Kaunti lang ang panahon ko para mag-aral kasi umuuwi ako sa Pagsanjan para magtrabaho kapag weekend. Paikot-ikot lang ang buhay ko na parang walang saysay, at hindi na kayang ibsan ng marijuana ang kalungkutan ko. Nagsimula akong gumamit ng shabu (methamphetamine), cocaine, at heroin. Kakambal na ng droga ang imoralidad. Napapalibutan ako ng kahirapan, kawalang-katarungan, at pagdurusa. Galít ako sa gobyerno at sinisisi ko ito. Tinanong ko ang Diyos, “Bakit ganito ang buhay?” Pero wala akong makuhang sagot sa iba’t ibang relihiyon. Dinagdagan ko ang ginagamit kong droga para itago ang aking kalungkutan.
Noong 1972, ang mga estudyante sa Pilipinas ay nag-organisa ng mga kilos-protesta laban sa gobyerno. Sumama ako sa isa sa mga ito, at nauwi iyon sa karahasan. Marami ang inaresto, at pagkatapos ng ilang buwan, idineklara ang martial law sa Pilipinas.
Balik-lansangan ulit ako, pero ngayon, takót ako sa mga awtoridad dahil sa rebelyong sinalihan ko. Para masuportahan ang bisyo ko, nagnakaw ako, at nang bandang huli, nagbenta ng aliw sa mayayaman at mga dayuhan. Wala na akong pakialam kung mamatay man ako.
Samantala, ang aking nanay at nakababatang kapatid ay nagsimulang makipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova. Galít na galít si Tatay, at sinunog niya ang mga literatura nila sa Bibliya. Pero hindi sila sumuko at parehong nabautismuhan.
Isang araw, isang Saksi ang nakipag-usap kay Tatay tungkol sa pangako ng Bibliya na magkakaroon ng tunay na katarungan sa buong mundo. (Awit 72:12-14) Talagang nagustuhan iyon ni Tatay, kaya nagdesisyon siyang magsuri. Sa Bibliya, bukod sa patas na gobyernong ipinangako ng Diyos, nakita rin niya kung ano ang hinihiling ng Diyos sa mga asawang lalaki at ama. (Efeso 5:28; 6:4) Di-nagtagal, siya at ang lahat ng iba ko pang kapatid ay naging mga Saksi. Wala akong kaalam-alam sa nangyayari dahil malayo ako sa kanila.
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO
Noong 1978, lumipat ako sa Australia. Pero kahit mapayapa at maunlad ang bansang iyon, hindi pa rin ako mapanatag. Nagpatuloy ang bisyo ko na pag-inom at pagdodroga. Nang taon ding iyon, may mga Saksi ni Jehova na dumalaw sa akin. Ipinakita nila sa Bibliya na magkakaroon ng isang mapayapang mundo. Nagustuhan ko ang pangakong iyon, pero nag-aalangan akong sumama sa kanila.
Di-nagtagal, nagbakasyon ako sa Pilipinas. Ikinuwento ng mga kapatid ko ang pagsisikap ni Tatay na magbago, pero masama pa rin ang loob ko sa kaniya kaya iniwasan ko siya.
Sa tulong ng Bibliya, ipinaliwanag ng nakababata kong kapatid na babae kung bakit punong-puno ng pagdurusa at kawalang-katarungan ang mundo. Manghang-mangha ako na sa murang edad, naipaliwanag niya ang sagot sa mga tanong ko. Bago ako bumalik sa Australia, binigyan ako ni Tatay ng aklat na Maaari Kayong Mabuhay Magpakailanman sa Paraiso sa Lupa. a Pinayuhan niya ako na tigilan na ang paghahanap ng sagot kung saan-saan, at na makakatulong sa akin ang aklat na iyon. Sinabi niyang hanapin ko ang mga Saksi ni Jehova sa Australia.
Sinunod ko ang payo ni Tatay at nakakita ako ng Kingdom Hall ng mga Saksi ni Jehova malapit sa bahay ko sa Brisbane. Nakipag-aral ako ng Bibliya. Nakita ko sa mga hula ng Bibliya, gaya ng nasa Daniel kabanata 7 at Isaias kabanata 9, na ang Kaharian ng Diyos, isang gobyernong malaya sa korapsiyon, ang mamamahala sa mundo sa hinaharap. Natutuhan ko rin na magiging Paraiso ang lupa. Gusto kong maging katanggap-tanggap sa Diyos, pero nakita ko na kailangan kong kontrolin ang emosyon ko, tumigil sa pag-abuso sa droga at alak, at iwan ang aking imoral na pamumuhay. Nakipaghiwalay ako sa kinakasama ko, at tinigilan ang mga bisyo ko. Habang lumalalim ang tiwala ko kay Jehova, nanalangin akong tulungan niya ako para makapagbago pa.
Unti-unti kong naunawaan na talagang puwedeng magbago ang isang tao dahil sa natututuhan niya sa Bibliya. Sinasabi ng Bibliya na kung magsisikap tayo, maisusuot natin ang “bagong personalidad.” (Colosas 3:9, 10) Habang sinisikap kong gawin ito, naisip kong baka totoo nga na nagbago na ang tatay ko. Sa halip na magalit sa kaniya, gusto ko nang makipagpayapaan. Sa wakas, pinatawad ko ang tatay ko at nilimot ang galit na kinimkim ko mula sa pagkabata.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG
Noong kabataan pa ako, madalas akong maimpluwensiyahan ng masasamang gawain at ugali ng iba. Nagkatotoo sa akin ang babala ng Bibliya—napariwara ako dahil sa masasamang kasama. (1 Corinto 15:33) Pero nagkaroon ako ng mabubuting kaibigan sa mga Saksi ni Jehova, at tinulungan nila akong magbago. Sa kanila ko rin nakilala ang pinakamamahal kong misis, si Loretta. Magkasama na kaming nagtuturo sa iba kung paano sila matutulungan ng Bibliya.
Dahil sa Bibliya, hindi ko inaasahang magbabago ang tatay ko—naging maibiging asawa siya, mapagpakumbaba at mapagpayapang Kristiyano. Nang mabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova noong 1987, niyakap ako ng tatay ko sa kauna-unahang pagkakataon!
Sa mahigit 35 taon, magkasamang nangaral ang tatay at nanay ko, na ibinabahagi sa iba ang pag-asa ng Bibliya. Naging masipag at maibigin si Tatay sa mga nangangailangan. Sa mga taóng iyon, natutuhan kong irespeto at mahalin si Tatay. Proud akong maging anak niya! Namatay siya noong 2016, pero hindi ko siya makakalimutan, dahil alam kong pareho kaming nagsikap na magbago dahil sa pagsunod namin sa itinuturo ng Bibliya. Wala na ang galit na naramdaman ko noon. At malaki ang pasasalamat ko dahil nakilala ko ang aking Ama sa langit, si Jehova, na nangangakong wawakasan niya ang lahat ng problema ng mga pamilya sa buong mundo.
a Inilathala ng mga Saksi ni Jehova pero hindi na inililimbag.