BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY
Natagpuan Ko ang Tunay na Kayamanan
Isinilang: 1968
Bansang pinagmulan: United States
Dating business executive na nanalanging yumaman
ANG AKING NAKARAAN
Pinalaki akong isang Katoliko sa Rochester, New York. Naghiwalay ang mga magulang ko noong walong taóng gulang ako. Kay Nanay ako nakatira sa isang pabahay tuwing Lunes hanggang Biyernes at kay Tatay naman sa lugar ng mayayaman tuwing Sabado’t Linggo. Nakita ko kung gaano kahirap para kay Nanay na magpalaki ng anim na anak, kaya nangarap akong yumaman para matulungan ang pamilya ko.
Gusto ni Tatay na magtagumpay ako sa buhay, kaya pinapunta niya ako sa isang paaralan na magaling sa hotel management. Nagustuhan ko ito at nag-aral ako roon. Iniisip ko kasi na ito ang sagot ng Diyos sa panalangin ko na maging mayaman at masaya. Pinag-aralan ko ang hotel administration, business law, at corporate finance sa loob ng limang taon habang nagtatrabaho sa isang casino hotel sa Las Vegas, Nevada.
Sa edad na 22, naging assistant vice president ako ng isang casino hotel. Mayaman at matagumpay ang tingin sa akin ng mga tao. Nakakain ko ang pinakamasasarap na pagkain at naiinom ko ang pinakamamahaling alak. Sabi ng mga kaibigan ko, “Magpokus ka sa kung ano ang pinakamahalaga sa mundo—ang pera.” Para sa kanila, pera ang sekreto sa tunay na kaligayahan.
Kasama sa trabaho ko ang pag-aasikaso sa mayayaman na nagpupunta sa Las Vegas para magsugal. Kahit na mayaman sila, mukhang ’di pa rin sila masaya. Ganiyan din ang nararamdaman ko. Ang totoo, habang nagkakapera ako, lalo akong nag-aalala at di-makatulog sa gabi. Naisip ko pa ngang magpakamatay. Dahil ’di ako masaya sa buhay ko, tinanong ko ang Diyos, “Paano ako tunay na magiging masaya?”
KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO
Nang panahong iyon, dalawang kapatid kong babae na naging Saksi ni Jehova ang lumipat sa Las Vegas. Kahit hindi ko tinatanggap ang mga literatura nila, pumayag akong basahin namin ang personal kong Bibliya. Sa Bibliya ko, ang mga sinabi ni Jesus ay nakaimprenta ng pula. Dahil tanggap ko ang lahat ng sinabi ni Jesus, ’yon ang laging ipinapakipag-usap ng mga kapatid ko sa akin. Nagbabasa rin ako ng Bibliya kapag nag-iisa ako.
Nagulat ako sa maraming bagay na nabasa ko. Halimbawa, sinabi ni Jesus: “Kapag nananalangin, huwag kayong maging paulit-ulit sa sinasabi ninyo gaya ng ginagawa ng mga tao ng ibang mga bansa, dahil inaakala nilang pakikinggan sila sa paggamit ng maraming salita.” (Mateo 6:7) Pero isang pari ang nagbigay sa akin ng larawan ni Jesus at sinabi na kung magdarasal ako sa larawang iyon, na binibigkas ang 10 Ama Namin at 10 Aba Ginoong Maria, ibibigay sa akin ng Diyos ang perang kailangan ko. Pero kung pare-parehong mga salita ang sinasabi ko, hindi ba paulit-ulit lang iyon? Nabasa ko rin ang sinabi ni Jesus: “Huwag din ninyong tawaging ama ang sinuman sa lupa, dahil iisa ang inyong Ama, ang nasa langit.” (Mateo 23:9) Naisip ko rin, ‘Bakit tinatawag naming mga Katoliko ang mga pari na “Father” o, “Ama”?’
Nang mabasa ko ang aklat ng Bibliya na Santiago, nag-isip akong mabuti kung ano ang ginagawa ko sa buhay ko. Sa kabanata 4, isinulat ni Santiago: “Hindi ba ninyo alam na ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipaglaban sa Diyos? Kaya kung gusto ng sinuman na maging kaibigan ng sanlibutan, ginagawa niyang kaaway ng Diyos ang sarili niya.” (Santiago 4:4) Napaisip din ako sa talata 17: “Kaya kung alam ng isang tao kung paano gawin ang tama pero hindi niya ito ginagawa, nagkakasala siya.” Kaya tinawagan ko ang mga kapatid ko at sinabi kong aalis na ako sa trabaho ko sa casino hotel dahil may kaugnayan ito sa masasamang bagay, kasali na ang pagsusugal at kasakiman.
“Nang mabasa ko ang aklat ng Bibliya na Santiago, nag-isip akong mabuti kung ano ang ginagawa ko sa buhay ko”
Gusto kong magkaroon ng mas mabuting kaugnayan sa Diyos pati na sa mga magulang at kapatid ko. Para magawa ko ito, nagpasiya akong pasimplehin ang buhay ko. Pero hindi ito madali. Halimbawa, inalukan ako ng mas mataas na posisyon sa casino hotel at tataas din nang dalawa o tatlong beses ang suweldo ko. Pero nanalangin ako at nagdesisyon na hindi ito ang buhay na gusto ko. Nagbitiw ako sa trabaho. Pagkatapos, lumipat ako sa garahe ni Nanay, at nagsimula ng maliit na negosyo na pagla-laminate ng mga menu ng restawran.
Kahit natulungan na ako ng Bibliya na magbago ng mga priyoridad, hindi pa rin ako dumadalo sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova. Tinanong ako ng mga kapatid ko kung ano ang ayaw ko sa mga Saksi. Sinabi ko: “Kasi pinaghihiwalay ng Diyos ninyong si Jehova ang mga pamilya. Nakakasama ko lang kayo kapag Pasko at mga birthday, ’tapos hindi pa kayo magse-celebrate ng mga ’yon.” Umiyak ang isang kapatid ko at sinabi: “Nasaan ka sa ibang araw ng taon? Gusto ka naming makasama anumang oras. Pero pumupunta ka lang kapag may mga ganoong okasyon—at dahil obligado kang pumunta.” Talagang tinamaan ako sa mga sinabi niya, at napaiyak din ako.
Naunawaan ko na mali ako at na mahal ng mga Saksi ni Jehova ang kanilang pamilya. Kaya dumalo ako sa isa sa kanilang mga pulong sa Kingdom Hall. Nakilala ko roon si Kevin, isang makaranasang nagtuturo ng Bibliya. Inalok niya akong mag-aral ng Bibliya.
Nagpasimple ng buhay si Kevin at ang asawa niya para mas maraming oras ang magamit nila sa pagtulong sa iba na maunawaan ang Bibliya. Ginagamit din nila ang kinikita nila para makapagbiyahe sa Africa at Central America. Tumutulong sila roon sa pagtatayo ng mga sangay para sa mga Saksi. Napakasaya nila at mahal nila ang isa’t isa. Naisip ko, ‘Iyan ang pangarap kong buhay.’
Ipinanood sa akin ni Kevin ang isang video tungkol sa kagalakan sa paglilingkod bilang misyonero, at naisip ko na ito ang gusto kong gawin. Noong 1995, pagkatapos ng anim-na-buwang pag-aaral sa Bibliya, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova. Imbes na hilingin sa Diyos na yumaman, nanalangin ako: “Huwag mo akong gawing mahirap o mayaman.”—Kawikaan 30:8.
KUNG PAANO AKO NAKINABANG
Talagang mayaman na ako ngayon—hindi sa pinansiyal, kundi sa espirituwal. Nakilala ko sa Honduras ang aking magandang asawa na si Nuria. Magkasama kaming naglingkod sa Panama at Mexico bilang mga misyonero. Totoong-totoo ang pananalita ng Bibliya: “Ang pagpapala ni Jehova ang nagpapayaman, at hindi niya iyon dinaragdagan ng kirot”!—Kawikaan 10:22.