Pumunta sa nilalaman

BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

Ang Pinakamagandang Premyong Natanggap Ko

Ang Pinakamagandang Premyong Natanggap Ko
  • ISINILANG 1967

  • BANSANG PINAGMULAN FINLAND

  • DATING PROPESYONAL NA MANLALARO NG TENNIS

ANG AKING NAKARAAN

 Lumaki ako sa tahimik at mapunong bahagi ng Tampere, Finland. Hindi relihiyoso ang pamilya namin pero mataas ang pagpapahalaga namin sa edukasyon at kagandahang-asal. German ang nanay ko, at noong bata pa ako, nagpupunta kami paminsan-minsan sa West Germany dahil doon nakatira ang lolo at lola ko.

 Bata pa lang ako, mahilig na ako sa sports. Nilalaro ko ang lahat ng sports, pero noong mga 14 anyos na ako, nagpokus na ako sa tennis. Noong 16 anyos ako, nagsasanay ako nang dalawa o tatlong beses sa isang araw—dalawang sesyon ng professional training at nagpapraktis akong mag-isa sa gabi. Maraming bagay sa tennis na gustong-gusto ko; nasusubok nito ang katawan at isip ko. Nae-enjoy kong makasama ang mga kaibigan ko at uminom ng beer paminsan-minsan, pero kahit kailan, hindi ako nasangkot sa gulo dahil sa droga o alak. Umiikot ang buhay ko sa tennis—iyon ang priyoridad ko.

 Nagsimula akong maglaro sa mga tournament ng ATP noong 17 ako. a Pagkatapos kong manalo sa maraming tournament, naging sikat ako sa buong bansa. Noong 22 ako, isa ako sa top 50 na tennis player sa buong mundo.

 Sa loob ng maraming taon, nalibot ko ang buong mundo sa paglalaro ng professional tennis. Nakapunta ako sa magagandang lugar, pero nakita ko rin ang maraming problema ng mundo, katulad ng krimen, pag-abuso sa droga, at pagsira sa kalikasan. Halimbawa, noong nasa United States ako, sinabihan kaming huwag pumunta sa ilang lugar dahil sa laganap na krimen. Masyado talaga akong naapektuhan ng mga iyon. At kahit gusto ko naman ang ginagawa ko, parang may kulang pa rin sa buhay ko.

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO

 Nakipag-aral ng Bibliya sa mga Saksi ni Jehova ang kasintahan ko, si Sanna. Medyo nagulat ako na relihiyosa pala siya, pero hindi naman ako kumontra sa pag-aaral niya. Noong 1990, nagpakasal kami, at nabautismuhan naman siya bilang Saksi ni Jehova nang sumunod na taon. Hindi ko masasabing relihiyoso ako, pero naniniwala ako na may Diyos. Naaalala kong madalas magbasa ng Bibliya ang lola kong German, at tinuruan pa nga niya akong manalangin.

 Minsan, noong bumisita kami ni Sanna sa isang mag-asawang Saksi, ipinakita sa akin ng asawang lalaki, si Kari, ang hula ng Bibliya tungkol sa “mga huling araw.” (2 Timoteo 3:1-5) Napaisip talaga ako sa sinabi niya. Noon ko lang naintindihan kung bakit napakasamâ ng mga nangyayari sa mundo. Nang araw na iyon, hindi na namin masyadong pinag-usapan ang relihiyon. Pero mula noon, nakikipag-usap na ako kay Kari tungkol sa Bibliya, at may punto ang lahat ng natututuhan ko. Dahil napakaabala ko at madalas akong nagbibiyahe, hindi kami nakakapag-usap nang regular, pero nagtiyaga si Kari. Sumusulat siya sa akin para sagutin ang mga itinatanong ko tuwing nag-aaral kami. Lahat ng malalalim na tanong tungkol sa buhay ay malinaw na nasasagot ng Bibliya, at unti-unti, nakita ko ang pinakatema ng Bibliya—na tutuparin ng Kaharian ng Diyos ang layunin ng Diyos. Nang malaman ko ang pangalan ng Diyos, Jehova, at kung ano ang ginawa niya para sa atin, nagkaroon ito ng malaking epekto sa akin. (Awit 83:18) Ang talagang nakaantig sa akin ay ang inilaan niyang haing pantubos. Hindi lang ito basta kaayusan o parang isang kahilingan ng batas. Patunay ito na mahal tayo ng Diyos. (Juan 3:16) Natutuhan ko rin na puwede akong maging kaibigan ng Diyos at mabuhay magpakailanman sa isang mapayapang paraiso. (Santiago 4:8) Kaya naitanong ko sa sarili ko, “Paano ko kaya siya mapapasalamatan?”

 Pinag-isipan kong mabuti ang buhay ko. Natutuhan ko sa Bibliya na may higit na kaligayahan sa pagbibigay, at gusto kong sabihin sa iba ang mga paniniwala ko. (Gawa 20:35) Dahil isa akong atleta, taon-taon, halos 200 araw akong wala sa amin para maglaro sa mga tournament. Sa akin umiikot ang buhay ng pamilya ko—sa pagsasanay ko, sa rutin ko, at sa trabaho ko. Kaya nakita kong kailangan kong magbago.

 Maganda ang karera ko sa sports, kaya kung iiwan ko ito dahil sa relihiyon, marami ang hindi makakaintindi sa akin. Pero kumpara sa anumang premyong mapapanalunan ko sa tennis, mas mahalaga ang makilala pa si Jehova at magkaroon ng buhay na walang hanggan, kaya hindi ako nahirapang magdesisyon. Determinado akong huwag pansinin ang sasabihin ng iba—desisyon ko ito. Nakatulong sa akin ang sinasabi sa Awit 118:6: “Si Jehova ay nasa panig ko; hindi ako matatakot. Ano ang magagawa sa akin ng makalupang tao?”

 Nang mga panahong iyon, may mga sponsor na nag-alok sa akin ng magandang deal—makakapaglaro ako ng tennis nang maraming taon at wala akong iintindihin. Pero desidido na ako, kaya hindi ko iyon tinanggap at tumigil na ako sa paglalaro sa mga tournament ng ATP. Nagpatuloy ako sa pag-aaral ng Bibliya, at noong Hulyo 2, 1994, nabautismuhan ako bilang Saksi ni Jehova.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG

 Wala naman akong pinagdaanang trahedya para maisip ko ang Diyos. Hindi ko rin masasabing hinanap ko ang katotohanan. Pakiramdam ko noon, maayos naman ang buhay ko at wala na akong mahihiling pa. Pero parang hinintay ako ng katotohanan. Hindi ko inaasahang matatagpuan ko ito. Nalaman ko ang mas malalim na kahulugan ng buhay, at di-hamak na mas maganda ang buhay ko ngayon! Mas matatag at nagkakaisa na ang pamilya namin. At natutuwa ako na sumunod sa yapak ko ang tatlo kong anak—hindi bilang atleta, kundi bilang Kristiyano.

 Nag-e-enjoy pa rin akong maglaro ng tennis. May kinalaman pa rin sa tennis ang trabaho ko, gaya ng pagiging coach at manager ng isang tennis center. Pero hindi na sa sports umiikot ang buhay ko. Dati, nagpapraktis ako nang maraming oras linggo-linggo para maging mas magaling na manlalaro ng tennis. Pero ngayon, bilang isang buong-panahong ebanghelisador, masaya akong gamitin ang panahon ko sa pagtulong sa iba na matutuhan at sundin ang mga simulain ng Bibliya na bumago sa buhay ko. Natutuhan ko na ang pinakamaligayang buhay ay ang pag-una sa kaugnayan ko sa Diyos na Jehova at ang pagsasabi sa iba ng magandang kinabukasang naghihintay sa atin.—1 Timoteo 6:19.

a Ang ATP ay Association of Tennis Professionals. Ito ang namamahala sa men’s professional tennis circuits. Sa ATP Tour, may mga professional tournament na nagbibigay ng points at pera sa mga nananalo. Ang world ranking ng manlalaro ay depende sa maiipon niyang points.