Pumunta sa nilalaman

BINAGO NG BIBLIYA ANG KANILANG BUHAY

Walang Direksiyon ang Buhay Ko

Walang Direksiyon ang Buhay Ko
  • Isinilang: 1971

  • Bansang Pinagmulan: Tonga

  • Dating adik at preso

ANG AKING NAKARAAN

 Galing ang pamilya ko sa Tonga, isang bansa na may mga 170 isla, na nasa timog-kanluran ng Pasipiko. Napakasimple ng buhay namin doon, walang kuryente o sasakyan. Pero mayroon naman kaming tubig at ilang manok. Kapag bakasyon sa eskuwela, tinutulungan naming tatlong magkakapatid si Tatay sa bukid kung saan may tanim kaming saging, kamote, gabi, at kamoteng-kahoy. Pandagdag-kita rin ito kasi maliit lang ang suweldo ni Tatay sa ibang trabaho niya. Gaya ng ibang tagaisla, malaki ang paggalang namin sa Bibliya at lagi kaming nagsisimba. Pero naniniwala pa rin kami na gaganda lang ang buhay namin kung makakalipat kami sa mas mayamang bansa.

 Noong 16 anyos ako, tinulungan kami ni Tiyo na makalipat sa California, sa Amerika. Nahirapan talaga kami kasi ibang-iba ang kultura doon! Medyo gumanda nga ang buhay namin, pero nakatira pa rin kami sa mahirap na lugar at normal lang doon ang krimen at droga. Madalas na may barilan sa gabi, at karamihan sa mga kapitbahay namin ay takót sa mga gang. Marami ang may dalang baril para protektahan ang sarili nila, at ginagamit nila ito kapag may kaaway sila. May naiwan pa ngang bala sa dibdib ko dahil sa isang pag-aaway.

 Noong high school ako, gusto kong makipagbarkada sa ibang kabataan. Kaya sumama ako sa mga party at inuman. Naging marahas din ako at gumamit ng droga. Kaya naadik ako sa cocaine. Nagnanakaw ako para makabili ng droga. Kahit laging nagsisimba ang pamilya ko, hindi nila ako natulungang umiwas sa masasamang kasama. Ilang beses akong naaresto dahil sa pagiging marahas ko. At nakulong ako. Walang direksiyon ang buhay ko!

KUNG PAANO BINAGO NG BIBLIYA ANG BUHAY KO

 Noong 1997, napansin ng isa pang preso na may hawak akong Bibliya. Pasko noon, at para sa maraming taga-Tonga, napakabanal ng Pasko. Tinanong niya ako kung alam ko ba ang itinuturo ng Bibliya tungkol sa kapanganakan ni Kristo. Hindi ko alam, kaya ipinakita niya sa akin ang simpleng ulat ng Bibliya tungkol dito. Hindi man lang nabanggit doon ang mga dati kong pinaniniwalaan tungkol sa Pasko. (Mateo 2:1-12; Lucas 2:5-14) Nagulat ako at naisip ko kung ano pa kaya ang itinuturo ng Bibliya. Linggo-linggo, dumadalo ang lalaking iyon sa mga pulong ng mga Saksi ni Jehova na ginaganap sa kulungan, at sumama ako sa kaniya. Pinag-aaralan nila noon ang aklat sa Bibliya na Apocalipsis. Kahit kaunti lang ang natutuhan ko, nakita ko na galing sa Bibliya ang lahat ng itinuturo nila.

 Nang alukin ako ng mga Saksi na mag-aral ng Bibliya, tuwang-tuwa ako. Noon ko lang nalaman ang pangako ng Bibliya na magiging paraiso ang buong lupa sa hinaharap. (Isaias 35:5-8) Nakita ko na para mapasaya ko ang Diyos, kailangan kong baguhin ang buhay ko. Natutuhan kong hindi ako papayagan ng Diyos na Jehova na tumira sa Paraiso kung may bisyo pa rin ako. (1 Corinto 6:9, 10) Kaya pinagsikapan kong kontrolin ang init ng ulo ko at huminto ako sa paninigarilyo, paglalasing, at pagdodroga.

 Noong 1999, bago ako makalaya, inilipat ako ng kulungan. Mahigit isang taon akong walang kontak sa mga Saksi. Pero determinado akong magbago. Noong 2000, hindi na ako pinayagan ng gobyerno na manatili sa Amerika, kaya pinabalik nila ako sa Tonga.

 Sa Tonga, hinanap ko talaga ang mga Saksi ni Jehova at ipinagpatuloy ang pag-aaral ng Bibliya. Gustong-gusto ko ang mga natututuhan ko. Humanga ako dahil galing sa Bibliya ang lahat ng itinuturo ng mga Saksi sa isla, gaya rin ng mga Saksi sa Amerika.

 Kilalá sa komunidad si Tatay dahil mataas ang posisyon niya sa simbahan. Kaya takang-taka ang pamilya ko at inis na inis sila dahil nakikisama ako sa mga Saksi ni Jehova. Pero bandang huli, natuwa rin ang mga magulang ko dahil nakita nila kung paano binago ng Bibliya ang buhay ko.

Maraming oras linggo-linggo, nakikipag-inuman ako ng kava, gaya ng ibang kalalakihan sa Tonga

 Isa sa nahirapan akong baguhin ay ang pag-inom ko ng kava. Isa itong matapang na inuming pampakalma na galing sa pinakuluang ugat ng halamang paminta. Iyan ang kalimitang bisyo ng mga kalalakihan sa Tonga. Pag-uwi ko sa amin, nakasanayan kong pumunta sa club. Halos gabi-gabi akong nakikipag-inuman hanggang sa halos mawalan na ako ng malay. Nahirapan akong magbago dahil walang pagpapahalaga sa Bibliya ang mga nakakasama ko. Di-nagtagal, nakita kong nasasaktan ang Diyos dahil sa mga ginagawa ko. Kaya sinikap kong magbago para mapasaya ko ang Diyos at pagpalain niya ako.

 Nagsimula akong dumalo sa lahat ng pulong ng mga Saksi ni Jehova. Nakatulong sa akin ang pakikisama sa mga taong gustong mapasaya ang Diyos na malabanan ang tukso. Noong 2002, nabautismuhan ako bilang isang Saksi ni Jehova.

KUNG PAANO AKO NAKINABANG

 Mabuti na lang at matiisin ang Diyos. Gaya ng sinasabi ng Bibliya, “si Jehova ay ... matiisin ... sa inyo dahil hindi niya gustong mapuksa ang sinuman kundi gusto niya na ang lahat ay magsisi.” (2 Pedro 3:9) Puwede niya sanang puksain noon pa man ang masamang sistemang ito, pero binigyan niya ng pagkakataon ang mga taong gaya ko na maging kaibigan siya. Gustong-gusto kong isipin na magagamit niya ako para tulungan ang iba na makilala siya.

 Sa tulong ni Jehova, may direksiyon na ngayon ang buhay ko. Hindi na ako nagnanakaw para sa bisyo ko. Tinutulungan ko na ang iba na maging kaibigan din ni Jehova. Dahil nakisama ako sa mga Saksi ni Jehova, nakilala ko ang maganda kong asawa na si Tea. May isa kaming anak, at masaya ang pamilya namin. Sama-sama naming itinuturo sa iba ang pangako ng Bibliya na buhay na walang hanggan sa mapayapang paraiso.