Kalmado sa Harap ng Galit na mga Pari
Si Artur ay isang tagapangasiwa ng sirkito sa Armenia, at dumadalaw siya noon sa isang kongregasyon ng mga Saksi ni Jehova. Nakita niyang hindi pa pala nagsasagawa ang kongregasyon ng pampublikong pagpapatotoo gamit ang cart na may mga literatura sa Bibliya. Kaya para pasiglahin ang iba sa ganitong uri ng pagpapatotoo, nag-cart silang dalawa ng misis niyang si Anna at isa pang Saksing si Jirayr. Pumuwesto sila sa lugar kung saan maraming tao.
Napansin ito agad ng mga tao at kumuha sila ng babasahín. Pero hindi natuwa ang lahat sa bagong paraang ito ng pagpapatotoo. Dalawang pari ang lumapit sa kanila at sinipa ng isa sa mga ito ang cart kaya tumumba ito. Pagkatapos, sinampal niya si Artur kaya nalaglag ang salamin nito. Sinubukang pakalmahin nina Artur, Anna, at Jirayr ang mga pari, pero galit na galit pa rin sila. Pinag-aapakan ng pari ang cart at itinapon ang mga babasahín. Matapos nilang murahin at pagbantaan ang mga Saksi, umalis sila.
Pumunta sina Artur, Anna, at Jirayr sa istasyon ng pulis para maghain ng reklamo. Ikinuwento nila ang nangyari at nagpatotoo rin saglit sa mga pulis at iba pang staff. Pagkatapos, sinamahan sila ng mga ito sa nakatataas na officer. Noong una, gusto niya lang marinig kung ano ang nangyari. Pero nang malaman niya na hindi gumanti si Artur kahit na malaking tao ito, tumigil siya sa pagtatanong tungkol sa kaso at nagtanong tungkol sa paniniwala ng mga Saksi. Umabot nang apat na oras ang usapan nila! Hangang-hanga ang pulis at sinabi niya: “Ang ganda ng relihiyon n’yo! Gusto ko diyan!”
Kinabukasan, habang nagka-cart ulit si Artur, lumapit ang isang lalaking nakasaksi sa nangyari. Pinuri ng lalaki si Artur dahil kalmado lang siya at hindi gumanti. Sinabi ng lalaki na dahil sa nangyari, nawala ang respeto niya sa mga pari.
Nang gabing iyon, pinabalik ng officer si Artur sa istasyon ng pulis. Pero sa halip na magtanong tungkol sa kaso, nagtanong ito tungkol sa Bibliya. Dalawa pang pulis ang sumali sa usapan.
Nang sumunod na araw, dinalaw ulit ni Artur ang officer at ipinapanood sa kaniya ang ilang salig-Bibliyang video. Tinawag ng officer ang iba pang pulis para makapanood din.
Dahil sa pangit na paggawi ng pari, maraming pulis ang nabigyan ng magandang patotoo sa unang pagkakataon. Dahil dito, naging maganda ang tingin nila sa mga Saksi ni Jehova.