May “Purple Triangle” sa Uniporme Nila
Nakatira si Maud sa France at nagtatrabaho sa isang paaralan. Tinutulungan niya ang mga estudyante na may kapansanan habang nasa klase. Minsan, pinag-aaralan ng isang klase ang tungkol sa Holocaust at kampong piitan ng mga Nazi. Ang mga preso ay nakasuot ng uniporme na may nakatahing piraso ng tela. Ang kulay at hugis ng tela ay nakadepende sa dahilan ng pagkakabilanggo ng isang tao.
Tungkol sa kulay-ube at hugis-tatsulok na piraso ng tela na nakatahi sa uniporme ng ilang bilanggo, sinabi ng teacher: “Sa tingin ko, mga homoseksuwal sila.” Pagkatapos ng klase, sinabi ni Maud sa teacher na ang purple triangle ay ginamit ng mga Nazi para sa mga Saksi ni Jehova. a Sinabi niya na magdadala siya ng mga materyal tungkol doon. Pumayag ang teacher at sinabi na puwede itong ipakita ni Maud sa klase.
Sa isa pang klase, tinalakay rin ng isa pang teacher ang tungkol dito gamit ang chart na nagpapakita ng mga simbolo sa uniporme ng mga bilanggo. Sinasabi sa chart na ang purple triangle ay para sa mga Saksi ni Jehova. Pagkatapos ng klase, may ipinakitang materyal si Maud sa teacher tungkol sa paksang ito. Tinanggap ito ng teacher at hinilingan niya si Maud na magbigay ng report sa klase.
Naghanda si Maud ng 15-minutong report sa unang klase, pero nang magrereport na siya, sinabi ng teacher: “Puwede mong gamitin ang isang oras para sa report mo.” Inumpisahan ni Maud ang report niya sa isang video tungkol sa pag-uusig ng mga Nazi sa mga Saksi ni Jehova. Nang banggitin sa video na 800 batang Saksi ang kinuha ng mga Nazi sa mga magulang nila, inihinto niya muna ang video para basahin ang karanasan ng tatlo sa mga batang iyon. Pagkatapos ng video, binasa ni Maud ang liham na isinulat noong 1940 ng 19-anyos na Saksing taga-Austria na si Gerhard Steinacher. Sumulat siya sa mga magulang niya ilang oras bago siya patayin ng mga Nazi. b
Inireport din ni Maud sa ikalawang klase ang materyal na ito. Dahil sa lakas ng loob ni Maud, binabanggit na ngayon ng dalawang teacher ang mga Saksi ni Jehova kapag itinuturo nila ang tungkol sa mga naging biktima ng kampong piitan ng mga Nazi.
a Noong Digmaang Pandaigdig II, ang mga Saksi ni Jehova sa Germany, na tinatawag ding Bibelforscher (mga Estudyante ng Bibliya), ay ibinilanggo dahil sa pagtanggi nilang suportahan ang mga Nazi.
b Si Gerhard Steinacher ay sinentensiyahan ng kamatayan dahil sa pagtanggi na sumali sa hukbo ng Germany. Isinulat niya sa kaniyang huling liham: “Bata pa ako. Makakayanan ko lang ito kung bibigyan ako ng Panginoon ng lakas, at iyan ang hinihiling ko.” Kinaumagahan, pinatay si Gerhard. Mababasa sa kaniyang lapida: “Namatay siya para sa karangalan ng Diyos.”