Mga Panalangin Habang Nasa Oak Tree
“Ipinanganak ako sa isang pamilyang naglilingkod kay Jehova,” ang sabi ni Rachel, na nakatira ngayon sa Dominican Republic. “Noong pitong taon ako, huminto sa pakikisama sa mga Saksi ang tatay ko at pinigilan pa nga ako na maglingkod sa Diyos na Jehova. Halimbawa, sinusuhulan niya ako ng mga bagay para lang huwag akong maglingkod kay Jehova—cellphone, trip sa Disneyland, o credit card pa nga. Minsan, binubugbog niya ako para lang pigilan akong maglingkod kay Jehova. Sinasabi niya na kung hindi ako makakapagsalita o makakalakad, hindi na ako makakadalo sa mga pulong. Pero hindi iyon umubra. Determinado pa rin akong dumalo sa mga pulong.
“Kapag kasama namin si Nanay, hindi ako sinasaktan ni Tatay. Sinasabi niya na sasaktan niya si Nanay kapag nagsumbong ako. Sinasabi rin niya na dahil sa training ko sa martial arts kaya may mga pasâ ako.
“Napakabata ko pa noon. Takot na takot ako kay Tatay kaya hindi ko siya maisumbong kay Nanay. Kaya kay Jehova ko sinasabi iyon. Naglalakad ako sa mga kakahuyan sa likod ng bahay namin sa Maryland, U.S.A. May isang oak tree doon na inaakyat ko, at mula sa isang sanga nito, kinakausap ko si Jehova. Sinasabi ko sa panalangin ang mga nararamdaman ko at ang mga gagawin ko para sa kaniya paglaki ko—basta tulungan niya lang ako na malampasan ang pinagdadaanan ko. Sinasabi ko rin sa kaniya ang mga gagawin ko sa bagong sanlibutan, ang magiging pamilya ko, at kung gaano ako magiging panatag at masaya kasi hindi na ako mahihirapan at matatakot.
“Kapag sinusuhulan ako o binubugbog ng tatay ko para talikuran ko ang Diyos, lagi kong nararamdaman na tinutulungan at pinapalakas ako ni Jehova. Tinulungan niya akong manatiling tapat at malakas.
“Nabautismuhan ako noong 10 years old ako. At pagkalipas ng dalawang taon, nagpayunir ako. Hindi ito alam ng tatay ko, kaya noong nalaman niya, sinuntok niya ako at na-dislocate ang panga ko.
“May mga nagsasabi na napakabata ko pa para magpayunir, at nag-aalala sila na baka hindi ko naiintindihan kung gaano kaseryoso ang desisyon ko. Habang lumilipas ang panahon, marami akong nakikitang kabataang Saksi sa lugar namin na hindi gaanong sineseryoso ang paglilingkod kay Jehova. Lagi silang nagpa-party at nagsasaya. Nakakainggit ang mga ginagawa nila! Kaya minsan, parang gusto ko silang gayahin. Naisip ko, ‘Baka puwede kong bawasan ang pangangaral para makapagsaya ako gaya ng ibang kaedad ko.’ Pero kapag ganoon ang nararamdaman ko, kinakausap ko si Jehova.
“Noong mga 15 na ako, kinontak ako ng isang kilalang modeling agency. Inalok nila ako ng malaking kontrata para magtrabaho sa kanila sa Milan, Italy. Pakiramdam ko ang ganda-ganda ko, kasi sabi nila puwede akong maging model, lumabas sa mga magasin, at sumama sa mga fashion show na nakasuot ng mamahaling mga damit. Halos tatlong taon na akong regular pioneer noon, kaya naisip ko, ‘Makakatulong ang trabahong ito para makapagpayunir ako nang tuloy-tuloy!’ Dahil iniwan na kami ni Tatay noong panahong iyon, naisip ko rin na makakatulong iyon sa mga gastusin ni Nanay.
“Ipinanalangin ko iyon. Nakipag-usap ako kay Nanay, na matagal nang pioneer, at sa isang iginagalang na elder na malapít din sa akin. Gaya ng dati, nagpunta rin ako sa paborito kong puno at nanalangin ulit. Sinagot ni Jehova ang mga panalangin ko nang ipakita sa akin ng elder ang isang teksto sa Bibliya, ang Eclesiastes 5:4. Sabi doon: ‘Kapag nanata ka sa Diyos, tuparin mo ang ipinanata mo.’ Nangako ako kay Jehova na paglilingkuran ko siya nang lubusan, at natakot ako na baka makasira sa kaugnayan ko sa kaniya ang iniaalok sa akin na trabaho. Kaya nagdesisyon ako na huwag tanggapin iyon.
“Nalampasan ko ang lahat ng pinagdaanan ko noong bata pa ako! Masaya ako ngayon kasama ng asawa ko, si Jaser, at ng anak naming lalaki, si Connor, na nine years old. Elder si Jaser, at unbaptized publisher naman si Connor. Halos 27 taon na rin ako sa full-time service.
“Lagi kong naiisip y’ong mahahabang pakikipag-usap ko kay Jehova sa oak tree malapit sa bahay namin. Nakiusap ako kay Jehova na tulungan ako, at ganoon nga ang ginawa niya. Pinalakas niya ako at ginabayan. Paulit-ulit na ipinakita sa akin ni Jehova na napakabuti niyang ama. Masaya ako na pinili kong paglingkuran siya nang buong puso. Iyon ang pinakamatalinong desisyon na ginawa ko.”