Nasagot ang mga Panalangin ng Isang Bulag na Babae
Tinulungan ni Yanmei, isang Saksi sa Asia, ang isang bulag na babae na tumawid ng kalsada. a Sinabi ng bulag na babae na si Mingjie: “Maraming salamat. Pagpalain ka sana ng Diyos!” Pagkatapos, tinanong ni Yanmei si Mingjie kung gusto niyang pag-usapan ang Bibliya. Ikinuwento ni Mingjie na araw-araw siyang nananalangin na gabayan sana siya ng Diyos para mahanap niya ang tunay na kongregasyon ng Diyos. Bakit niya ipinapanalangin iyan?
Ipinaliwanag ni Mingjie na noong 2008, inimbitahan siya ng bulag niyang kaibigan na magsimba sa isang simbahan para sa mga may kapansanan. Pagkatapos ng sermon, tinanong ni Mingjie ang pari kung anong libro ang ginamit niya sa misa. Sinabi ng pari na Bibliya iyon, ang Salita ng Diyos. Gustong-gusto ni Mingjie na basahin iyon. Nagkaroon siya ng Bibliya sa Chinese braille at binasa niya ang 32 tomo sa loob lang ng anim na buwan. Sa pagbabasa ni Mingjie ng Bibliya, natutuhan niya na mali ang doktrina ng Trinidad na itinuturo sa simbahan na pinupuntahan niya, at na ang pangalan ng Diyos ay Jehova.
Di-nagtagal, nadismaya si Mingjie sa ginagawa ng mga miyembro ng simbahan nila. Naisip niya na hindi nila sinusunod ang nababasa niya sa Bibliya. Halimbawa, bagong-lutong pagkain ang ibinibigay sa mga miyembro ng simbahan, pero natirang pagkain lang ang ibinibigay sa mga bulag. Nasaktan si Mingjie sa ganitong pagtrato sa kanila, kaya naghanap siya ng ibang simbahan sa lugar nila. Iyan ang dahilan kung bakit nananalangin si Mingjie na mahanap sana niya ang tunay na kongregasyong Kristiyano.
Dahil sa kabaitan ni Yanmei, pumayag si Mingjie na magpa-Bible study. Di-nagtagal, dumalo na rin si Mingjie sa pulong ng mga Saksi ni Jehova. Sinabi ni Mingjie: “Hindi ko makakalimutan ang unang pagdalo ko. Masayang-masaya akong binati ng mga kapatid. Talagang na-touch ako. Kahit na bulag ako, naramdaman ko doon ang tunay na pag-ibig.”
Mabilis ang pagsulong ni Mingjie at regular na siyang dumadalo. Gustong-gusto niyang kumanta ng mga Kingdom song, pero nahihirapan siya kasi wala pang songbook sa Chinese braille. Kaya sa tulong ng kongregasyon, gumawa si Mingjie ng sarili niyang songbook. Inabot siya nang 22 oras para matapos ang 151 kanta! Noong Abril 2018, nagsimula nang mangaral si Mingjie at mga 30 oras siyang nakakapangaral bawat buwan.
Para tulungan si Mingjie na maghanda sa bautismo, gumawa si Yanmei ng audio recording ng mga tanong at teksto sa aklat na Organisado Upang Gawin ang Kalooban ni Jehova. Noong Hulyo 2018, nabautismuhan si Mingjie. Sinabi niya: “Na-touch ako sa pag-ibig ng mga kapatid sa kombensiyong iyon. Naiyak ako dahil sa wakas, bahagi na ako ng tunay na kongregasyon ng Diyos.” (Juan 13:34, 35) Sa ngayon, determinado si Mingjie na ipakita rin sa iba ang pag-ibig na natanggap niya, kaya naglilingkod siya bilang buong-panahong mángangarál.
a Binago ang mga pangalan.