Tulong sa mga Nai-stress na Nagtatrabaho sa Ospital
Si Bryn, na taga-North Carolina, U.S.A., ay isang miyembro ng Hospital Liaison Committee doon. Dumadalaw siya sa mga ospital para asikasuhin ang mga pangangailangan ng mga pasyenteng Saksi ni Jehova.
Dahil sa COVID-19 pandemic, maraming ospital ang hindi nagpapasok ng mga dumadalaw. Tinawagan ni Bryn ang direktor ng pastoral care ng isang ospital para alamin kung paano niya matutulungan ang mga pasyenteng Saksi.
Ikinonekta sa assistant ng direktor ang tawag ni Bryn. Dahil hindi pinapayagan ang pagdalaw, nakiusap si Bryn kung puwedeng ibigay na lang ang phone number niya sa mga pasyenteng Saksi para makausap niya sila. Pinayagan naman ito.
Naisip naman ni Bryn ang mga staff sa ospital. Sinabi niya sa assistant na nagpapasalamat siya sa ginagawa ng ospital at na sana ay maayos ang kalusugan nila. Sinabi niya na nabasa niya kung gaano ka-stress ang mga tao, lalo na ang mga nagtatrabaho sa ospital, dahil sa pandemic.
Sinabi ng assistant na sobrang nakaka-stress ang buhay ngayon sa ospital dahil sa COVID-19.
Sinabi naman ni Bryn: “May mga impormasyon sa website namin na makakatulong sa mga tao na makayanan ang stress. Kung pupunta ka sa jw.org at ita-type ang ‘stress’ sa search box, makakakita ka ng mga artikulong makakatulong sa mga staff n’yo.”
Habang nag-uusap sila, pumunta ang assistant sa website, nag-type ng salitang “stress” sa search box, at nakita niya ang mga tampok na artikulo. “Wow!” ang sabi niya. “Ipapakita ko ito sa direktor. Makakatulong ito sa mga staff namin at sa iba. Magpi-print ako nito at ibibigay ko sa kanila.”
Makalipas ang ilang linggo, nakausap ni Bryn ang direktor. Sinabi nito na pinuntahan nila ang website at nag-print ng mga kopya ng mga artikulo tungkol sa stress at iba pang paksang kaugnay nito. Ibinigay nila ang mga ito sa mga nurse at iba pang staff ng ospital.
Sinabi ni Bryn: “Pinasalamatan ako ng direktor dahil sa ginagawa natin at sa magagandang artikulo. Napakalaki raw ng naitulong ng mga iyon sa kanila.”