Nananatili Siyang Matatag sa Kabila ng Trahedya
Si Virginia, na isang Saksi ni Jehova, ay may sakit na tinatawag na locked-in syndrome. Paralisado ang buong katawan niya. Nakakakita siya at nakakarinig. Kaya niyang imulat at ipikit ang kaniyang mga mata at igalaw nang bahagya ang kaniyang ulo, pero hindi niya kayang magsalita o kumain. Dati, malusog at masigla si Virginia. Pero isang umaga noong 1997, bigla siyang nakaramdam ng napakatinding sakit sa bandang likod ng kaniyang ulo at hindi iyon nawawala. Isinugod siya ng asawa niya sa ospital at nang gabing iyon, na-comatose siya. Makalipas ang dalawang linggo sa intensive-care unit (ICU), nagising siya pero paralisado at naka-ventilator. Ilang araw siyang walang maalala, hindi nga niya matandaan kung sino siya.
Sinabi ni Virginia: “Unti-unti ring bumalik ang alaala ko. Marubdob akong nanalangin. Ayokong mamatay, at ayokong lumaki ang anak ko na walang nanay. Para hindi ako masiraan ng loob, sinikap kong alalahanin ang lahat ng teksto sa Bibliya na alam ko.
“Hindi nagtagal, inilabas na ako sa ICU. Matapos ang anim na buwan sa iba’t ibang ospital at isang rehabilitation center, pinayagan ako na sa bahay na magpagaling. Paralisado pa rin ang buong katawan ko, at kailangan ko ng tulong sa lahat ng bagay. Lungkot na lungkot ako! Pakiramdam ko, wala akong silbi sa iba at kay Jehova. Paano ko na aalagaan ang anak ko?
“Nagbasa ako ng karanasan ng mga kapatid na mayroon ding malubhang sakit gaya ko. Hangang-hanga ako sa nagagawa nila para kay Jehova. Nakatulong iyon sa akin na maging positibo at magpokus sa kung ano ang kaya kong gawin. Bago ako magkasakit, kaunti lang ang panahong nailalaan ko para sa espirituwal na mga gawain. Ngayon, maghapon na, araw-araw! Kaya sa halip na magmukmok, nagpokus ako kung paano ko mapapaluguran si Jehova.
“Nag-aral akong mag-computer. Nakakapag-type ako gamit ang isang software na nagre-react sa galaw ng ulo ko. Nakakapagod iyon! Pero dahil doon, nakakapag-aral ako ng Bibliya at nakakagawa ako ng mga sulat at e-mail, kaya naibabahagi ko sa iba ang pag-asa na itinuturo ng Bibliya. Para makausap ko ang iba, meron akong board na may nakasulat na alphabet. Isa-isa nilang ituturo ang mga letra. Kapag mali ang itinuro nila, lalakihan ko ang mata ko, at kapag tama naman, pipikit ako. Ganiyan ang ginagawa namin hanggang sa makabuo kami ng mga salita at pangungusap. Nahuhulaan na ng mga sister na lagi kong nakakasama kung ano ang gusto kong sabihin. At minsan, kapag mali ang naisip nila, natatawa na lang kami.
“Gustong-gusto kong makasama sa mga gawain ng kongregasyon. Lagi akong naka-hook up sa mga pulong, at ngayon, sa pamamagitan na ng videoconferencing. Nakakapag-type ako ng mga komento at sagot sa pulong, at babasahin iyon ng iba para sa akin. Lagi rin akong kumokonekta sa isang grupo ng mga kapatid para manood ng JW Broadcasting buwan-buwan. a
“Dalawampu’t tatlong taon na akong may locked-in syndrome. Nalulungkot pa rin ako paminsan-minsan. Pero nadadaig ko ang mga iyon sa tulong ng panalangin, pakikipagsamahan sa mga kapatid, at pagiging abala sa paglilingkod kay Jehova. Sa katunayan, mahigit anim na taon na akong auxiliary pioneer sa tulong mga kapatid. Sinikap kong maging mabuting halimbawa sa anak ko, si Alessandro. May asawa na siya ngayon at isa nang elder. Pareho silang regular pioneer ng misis niya.
“Lagi kong binubulay-bulay ang mga bagay na kaya ko nang gawin sa Paraiso. Ang unang-una kong gustong gawin ay ipakipag-usap ang tungkol kay Jehova. Gusto ko ring maglakad-lakad sa tabi ng batis at i-enjoy ang magagandang tanawin. Dahil dalawang dekada na akong pinapakain gamit ang tube, sabik na sabik na akong pumitas ng mansanas at kagatin iyon. At siyempre, dahil Italian ako, gustong-gusto ko nang magluto at kumain ng mga paborito kong pagkain, gaya ng pizza!
“Nakatulong sa akin ‘ang pag-asa nating maligtas’ para maging positibo. (1 Tesalonica 5:8) Kapag iniisip-isip ko na nandoon ako sa bagong sanlibutan, sumasaya ako kahit na maysakit ako. Nagtitiwala ako na malapit nang dumating ang panahon na aalisin na ang pagkakasakit. Gustong-gusto ko nang maranasan ang ‘tunay na buhay’ na ipinangako ni Jehova sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian.”—1 Timoteo 6:19; Mateo 6:9, 10.
a Mapapanood ang JW Broadcasting sa jw.org.