Kusang-Loob Nilang Inihandog ang Kanilang Sarili—Sa Albania at Kosovo
“Hindi ko akalaing makakapaglingkod ako nang ganito kay Jehova.” Iyan ang sabi ni Gwen, dating taga-England, tungkol sa paglilingkod niya bilang need-greater sa Albania. a
Isa si Gwen sa maraming Saksi na lumipat sa Albania para tumulong sa pagtitipon ng “kayamanan ng lahat ng bansa.” (Hagai 2:7) Ano ang nagpakilos sa kanila? Ano ang mga pagbabagong ginawa nila para magawa ito? At ano ang nakatulong sa kanila para makayanan ang mga problema sa lugar na nilipatan nila?
Magkakaibang Sitwasyon, Iisang Tunguhin
Iisa lang ang tunguhin ng mga Saksi na lumipat para tumulong sa Albania: Mahal nila si Jehova at gusto nilang tulungan ang iba na makilala siya.
Bago sila lumipat, sinikap muna nilang magpalawak ng kanilang ministeryo, at nakatulong iyon para mas madali silang makapag-adjust sa lilipatan nila. Sinabi ni Gwen: “Sumama ako sa grupong nagsasalita ng Albanian sa lugar namin. Pumunta rin ako sa Albania para dumalo sa isang kombensiyon. Pagkatapos, bumalik ulit ako doon at nagtagal nang kaunti para lalo ko pang matutuhan ang wika nila.”
Lumipat sa ibang panig ng Italy si Manuela noong 23 siya para tumulong sa isang maliit na kongregasyon. Sinabi niya: “Apat na taon akong naglingkod doon. Pero nabalitaan ko na mas malaki ang gawain sa Albania, kaya nagpayunir ako doon nang ilang buwan.”
Noong pitong taóng gulang si Federica, narinig niya sa isang kombensiyon ang report tungkol sa Albania. Ikinuwento niya: “Sinabi ng brother na may bahagi na maraming nagpapa-Bible study sa Albania at maraming interesado ang dumadalo sa mga pulong. Kaya sinabi ko sa mga magulang ko na gusto kong pumunta sa Albania. Nagulat sila, pero sinabi ni Tatay, ‘Ipanalangin mo, anak, at kung kalooban ni Jehova, papakinggan ka niya.’ Ilang buwan lang ang nakalipas, naimbitahan ang pamilya namin na maglingkod sa Albania!” Pagkalipas ng maraming taon, napangasawa ni Federica si Orges. Naglilingkod sila bilang mga buong panahong ministro sa Albania.
Nang magretiro si Gianpiero, lumipat sila ng asawa niyang si Gloria sa Albania. Sinabi niya: “Lumaki ang limang anak namin sa Italy. Tatlo sa kanila ang lumipat sa mga bansa na malaki ang pangangailangan. Talagang napatibay kami ng isang artikulo sa Bantayan na ‘Maaari Ka Bang Tumawid sa Macedonia?’ Pinag-usapan namin kung paano pagkakasyahin ang pensiyon ko para makapaglingkod kami sa Albania.”
Nagplano Silang Mabuti
Ang mga need-greater ay kailangang magplanong mabuti at gumawa ng mga pagbabago para makalipat. (Lucas 14:28) Kailangan din nilang humanap ng pagkakakitaan sa lugar na lilipatan nila para patuloy silang makasuporta doon. Noong nasa England pa si Gwen, na binanggit kanina, nakitira muna siya sa Ate niya para makapag-ipon. Sinabi naman nina Sophia at Christopher na mga taga England din: “Ibinenta namin ang kotse at ilang furniture namin. Plano naming manatili sa Albania kahit isang taon lang.” Nakakatuwa, mahigit isang taon na sila doon.
May ilang boluntaryo naman sa Albania na maglilingkod lang nang ilang buwan doon. Pagkatapos, babalik sila sa bansa nila para magtrabaho at mag-ipon para makapagboluntaryo ulit sila sa Albania. Ganiyan ang ginawa nina Eliseo at Miriam. Sinabi ni Eliseo: “Dating nakatira si Miriam sa isang lugar sa Italy na maraming pumupuntang turista, kaya napakadaling makakuha ng trabaho doon na pansamantala lang. Pumupunta kami doon tuwing summer at magtatrabaho nang tatlong buwan. Pagkatapos, babalik kami sa Albania sa loob ng siyam na buwan gamit ang naipon namin. Limang taon naming ginawa ’yon.”
Pagharap sa mga Hamon
Kailangang mag-adjust ng mga need-greater sa mga pagbabago pagkalipat nila, pero nakatulong ang payo at halimbawa ng mga Saksi doon para maharap nila ang mga hamon. Sinabi ni Sophia, na binanggit kanina: “Mas malamig sa Albania kapag winter kaysa sa lugar namin. Natutuhan ko kung ano ang dapat isuot kasi nakikita ko ’yon sa mga sister dito.” Ang mag-asawang sina Grzegorz at Sona ay galing naman sa Poland. Tumulong sila sa magandang nayon ng Prizren, sa Kosovo. b Sinabi ni Grzegorz: “Napakamapagpakumbaba, mabait, at matiisin ng mga kapatid! Hindi lang nila kami basta tinuruan ng wika nila. Marami pa kaming natutuhan sa kanila. Halimbawa, itinuturo nila kung saang tindahan mas mura, at kung paano mamilí doon.”
Maraming Dahilan Para Magsaya
Nakatulong sa mga lumipat ng ibang bansa ang pakikipagkaibigan sa mga kapatid. Sinabi ni Sona: “Nakita ko kung ano ang nagagawa ng pag-ibig ni Jehova. Napatibay ako ng mga kapatid kasi nakita ko na talagang binago nila ang paniniwala at buhay nila nang makilala nila si Jehova. Sa kongregasyon, ramdam namin na kailangan kami, at nakita namin kung paano kami makakatulong. Naging kaibigan namin ang mga kapatid na nakakasama namin.” (Marcos 10:29, 30) Sinabi ni Gloria: “Marami akong nakilalang sister na nagtiis ng pananakit at pang-uusig ng mga taong galít sa Saksi sa komunidad nila. Napatibay ako kasi nakita kong mahal na mahal nila si Jehova.”
Marami ring puwedeng matutuhan ang mga need-greater na baka hindi nila matututuhan kung hindi sila lumipat. Halimbawa, nakita nilang mas masaya palang umalis sa comfort zone nila para higit na paglingkuran si Jehova. Sinabi ni Stefano: “Sa bansa namin, halos laging sa intercom lang ako nakakapangaral kaya saglit lang ’yon. Pero matagal makipagkuwentuhan ang mga taga Albania, lalo na habang nagkakape. Napakamahiyain ko, kaya n’ong una, naiilang ako at di-makapagsalita. Pero natuto rin akong makipag-usap sa mga tao at nae-enjoy ko na ito. Mas masaya na akong nangangaral ngayon.”
Ang mag-asawang sina Leah at William ay lumipat sa Albania mula sa United States. Sinabi ni Leah: “Nang maglingkod kami dito, mas lumawak ang pananaw namin. Mas natuto kaming maging mapagpatuloy, magalang, at palakaibigan! Natuto rin kami ng mga bagong paraan kung paano mangangaral, mangangatuwiran gamit ang Bibliya, at makikipag-usap.” Sinabi naman ni William: “Magagandang beach ang kadalasang nagugustuhan ng mga bumibisita sa Albania. Pero ako, gusto ko ang pagha-hiking sa Albanian Alps. Pero ang pinakanagustuhan ko talaga dito ay ang mga tao! Marami sa mga nayon sa teritoryo namin ang kaunti lang ang alam sa katotohanan. Kaya minsan, inaabot kami nang maghapon na ilang pamilya lang ang nakausap namin.”
Para sa mga need-greater na ito, ang pagtanggap ng mga tao sa mabuting balita ang pinakamasayang bahagi ng paglilingkod nila. (1 Tesalonica 2:19, 20) Halimbawa, sinabi ni Laura, isang kabataang sister na lumipat sa Albania: “Nakapaglingkod ako nang ilang taon sa Fier. At sa loob lang ng dalawa’t kalahating taon, 120 ang naging bagong mamamahayag doon! Bible study ko ang 16 sa kanila!” Sinabi rin ng isa pang sister na si Sandra: “Nangaral ako sa isang babaeng nagtatrabaho sa palengke. Naging Saksi siya at bumalik sa bayan nila. Ang huling balita ko, meron na siyang 15 Bible study!”
Pinagpala ni Jehova ang Pagtitiis Nila
Nasa Albania pa rin ang ilang need-greater na lumipat doon at masayang-masaya pa rin silang naglilingkod. Minsan, nagugulat na lang sila kasi nababalitaan nila na naging Saksi ang mga napangaralan nila. (Eclesiastes 11:6) Sinabi ni Christopher, na binanggit kanina: “Nilapitan ko ang isang lalaki na naging Bible study ko noong bagong lipat ako sa Albania. Natuwa ako kasi naaalala pa niya ang mga pinag-usapan namin noon tungkol sa Bibliya. Ngayon, Saksi na silang mag-asawa.” Sinabi ni Federica, na binanggit kanina: “Sa isang kongregasyon, lumapit ang isang sister sa akin at tinanong kung naaalala ko daw ba siya. Sinabi niya na napangaralan ko daw siya siyam na taon na ang nakakalipas. Nang lumipat ako sa ibang bayan, nagpa-Bible study pala siya hanggang sa mabautismuhan. Akala ko, hindi naging mabunga ang mga ginawa namin noong unang mga taon namin sa Albania. Nagkamali ako!”
Ang mga kapatid na lumipat sa Albania o Kosovo ay masayang-masaya dahil nakita nila kung paano pinagpala ni Jehova ang mga pagsisikap nila. Ipinagpapasalamat din nilang naging makabuluhan ang buhay nila. Sinabi ni Eliseo, na naglingkod nang maraming taon sa Albania: “Normal sa mga taong isipin na magiging panatag tayo kung meron tayo ng mga bagay na itinuturing ng mundo na mahalaga. Pero hindi iyon totoo. Nagkakaroon tayo ng makabuluhang buhay dahil sa mga prinsipyo ni Jehova at nagiging panatag tayo dahil dito. Laging ipinapaalala iyan sa akin ng paglilingkod ko bilang need-greater. Nararamdaman kong mahalaga ako at ang mga ginagawa ko. Nagkaroon din ako ng mga tunay na kaibigan na kapareho ko ng mga tunguhin.” Sinabi rin ni Sandra: “Nang lumipat ako sa lugar na malaki ang pangangailangan, pakiramdam ko tinupad ni Jehova ang pangarap kong maging misyonera. Hinding-hindi ko pinagsisisihan ang paglipat ko sa Albania. Masayang-masaya ako ngayon.”
a Para sa higit pang impormasyon tungkol sa kasaysayan ng gawaing pangangaral sa Albania, tingnan ang 2010 Taunang Aklat ng mga Saksi ni Jehova.
b Ang Kosovo ay nasa hilagang-silangan ng Albania. Maraming nagsasalita ng wikang Albanian sa rehiyong ito. May mga Saksi sa Albania, ilang bansa sa Europe, at sa United States ang lumipat dito para ipangaral ang mabuting balita sa mga nakatira sa Kosovo na nagsasalita ng wikang Albanian. Noong 2020, mayroon nang 256 na mamamahayag na naglilingkod sa walong kongregasyon, tatlong grupo, at dalawang pregroup.