Nagpasimple Kami ng Buhay
Maalwan ang buhay nina Madián at Marcela sa Medellín, Colombia. Mataas ang sahod ni Madián, at nakatira sila sa magandang apartment. Pero dahil sa isang pangyayari, napaisip sila kung ano ba talaga ang priyoridad nila bilang mga lingkod ng Diyos na Jehova. Ikinuwento nila: “Noong 2006, dumalo kami sa pantanging asamblea na may temang ‘Panatilihing Simple ang Iyong Mata.’ Idiniin sa mga pahayag na kailangan nating pasimplehin ang ating buhay para mas mapaglingkuran pa ang Diyos. Pagkatapos ng asamblea, naisip namin na kabaligtaran ang ginagawa namin. Bili kami nang bili ng gamit kaya malaki na ang utang namin.”
Dahil sa pangyayaring iyon, nagpasiya sina Madián at Marcela na pasimplehin ang buhay nila. “Hindi na kami masyadong magastos,” ang sabi nila. “Lumipat kami sa mas maliit na apartment, ibinenta ang sasakyan namin, at bumili kami ng motorsiklo.” Hindi na rin sila nagpupunta sa mga mall para hindi sila matuksong bumili. At mas madalas na silang nagpapatotoo sa mga kapitbahay nila. Madalas na rin silang nakikisama sa mga kapatid na masigasig na naglilingkod sa Diyos na Jehova bilang mga special pioneer. a
Di-nagtagal, nagpasiya sina Madián at Marcela na palawakin pa ang kanilang ministeryo, kaya lumipat sila sa isang maliit na kongregasyon na nangangailangan ng tulong. Para makalipat sila, kinailangan ni Madián na mag-resign sa trabaho. Hindi maintindihan ng supervisor niya kung bakit siya magre-resign. Kaya tinanong ito ni Madián: “Malaki ang kita mo, pero masaya ka ba talaga?” Inamin ng supervisor na hindi siya masaya, kasi marami siyang problema na hindi niya malutas. Kaya sumagot si Madián: “Hindi talaga pera ang mahalaga sa buhay. Ang mahalaga ay kung ano ang magpapasaya sa iyo. Ang nagpapasaya sa amin ng misis ko ay ang pagtuturo sa iba tungkol sa Diyos. At gusto naming maging mas masaya pa kaya magpopokus kami sa gawaing ito.”
Naging kontento at masaya sina Madián at Marcela kasi ginawa nilang priyoridad ang paglilingkod sa Diyos. Sa nakalipas na 13 taon, naglingkod sila sa mga kongregasyon na malaki ang pangangailangan sa hilagang-kanlurang Colombia. Sa ngayon, naglilingkod sila bilang mga special pioneer.
a Ang mga special pioneer ay inatasan ng tanggapang pansangay ng mga Saksi ni Jehova para mangaral nang buong panahon sa isang partikular na lugar. Nakakatanggap sila ng katamtamang allowance para sa mga pangangailangan nila.