Pumunta sa nilalaman

Pagsasalin ng Dugo​—Ang Sinasabi Ngayon ng mga Doktor

Pagsasalin ng Dugo​—Ang Sinasabi Ngayon ng mga Doktor

Sa loob ng maraming dekada, binatikos ang mga Saksi ni Jehova dahil sa pagtangging magpasalin ng dugo. Ang pagtanggi nila, na salig sa utos ng Bibliya na ‘umiwas sa dugo,’ ay salungat kung minsan sa inaakala ng mga doktor na makabubuti sa kanilang mga pasyente.​—Gawa 15:29.

Pero parami nang paraming propesyonal sa medisina ang nagbibigay ng medikal na mga dahilan para umiwas sa pagsasalin ng dugo sa kanilang paggagamot.

Ang Spring 2013 issue ng babasahing Stanford Medicine Magazine, isang publikasyon ng Stanford University School of Medicine, ay may special report tungkol sa dugo. Ang isang bahagi nito ay pinamagatang “Against the Flow​—What’s Behind the Decline in Blood Transfusions?” Si Sarah C. P. Williams, awtor ng artikulong iyon, ay nagsabi: “Sa nakalipas na dekada, ipinakikita ng maraming pananaliksik na sa mga ospital sa buong mundo, mas madalas at mas maraming dugo kaysa sa kinakailangan ang ginagamit sa mga pasyente​—kapuwa sa mga operating room at ward ng ospital.”

Sinipi ng awtor si Patricia Ford, M.D., founder at director ng The Center for Bloodless Medicine and Surgery sa Pennsylvania Hospital. Sinabi ni Dr. Ford: “Ang mga doktor ay tinuturuan na mamamatay ang mga pasyente kung mababa sa isang partikular na antas ang kanilang dugo, na dugo lang ang makapagliligtas ng buhay . . . Totoo iyan sa ilang espesipikong sitwasyon, * pero para sa karamihan ng pasyente sa karamihan ng sitwasyon, hindi.”

Sinabi rin ni Dr. Ford, na may mga 700 pasyenteng Saksi ni Jehova taon-taon: “Maraming doktor na nakausap ko . . . ang may maling unawa na maraming pasyente ang mamamatay kung hindi masasalinan ng dugo . . . Ganiyan din siguro ang akala ko noon. Pero agad kong natutuhan na puwede mong gamutin ang mga pasyenteng ito gamit ang ilang madadaling pamamaraan.”

Noong Agosto 2012, inilathala ng babasahing Archives of Internal Medicine ang resulta ng isang pag-aaral sa mga pasyenteng naoperahan sa puso sa isang center sa loob ng 28 taon. Mas mabilis ang paggaling ng mga Saksi ni Jehova kaysa sa mga pasyenteng nasa katulad na kalagayan pero nagpasalin ng dugo. Mas kakaunti ang komplikasyon ng mga Saksi noong nasa ospital sila, mas marami sa kanila ang nakaligtas pagkatapos ng operasyon, at mas marami rin sa kanila ang buháy pa pagkaraan ng 20 taon kung ikukumpara sa mga pasyenteng nagpasalin ng dugo.

Isang artikulong inilathala sa The Wall Street Journal noong Abril 8, 2013, ang nagsabi: “Ang bloodless surgery​—pag-oopera nang walang dugo—​ay maraming taon nang isinasagawa sa mga pasyenteng ayaw magpasalin dahil sa kanilang relihiyon. Sa ngayon, mas marami nang ospital ang gumagawa nito . . . Ang mga surgeon na nagtataguyod ng bloodless surgery ay nagsasabi na bukod sa nababawasan ang gastos may kinalaman sa pagbili, pag-iimbak, pagpoproseso, pagsusuri, at pagsasalin ng dugo, binabawasan din ng pamamaraang ito ang panganib ng mga impeksiyon at mga komplikasyong dulot ng pagsasalin ng dugo na nagpapatagal sa pananatili ng pasyente sa ospital.”

Di-kataka-taka ang sinabi ni Robert Lorenz, medical director ng blood management para sa Cleveland Clinic: “Akala mo, natutulungan mo agad ang pasyente kung sasalinan mo siya . . . Pero sa katagalan, kabaligtaran pala.”

^ par. 5 Para malaman ang pangmalas ng mga Saksi ni Jehova sa dugo, tingnan ang artikulong “Karaniwang mga Tanong​—Bakit Hindi Kayo Nagpapasalin ng Dugo?