Bakit Tinawag na Anak ng Diyos si Jesus?
Ang sagot ng Bibliya
Sa Bibliya, madalas tawaging “Anak ng Diyos” si Jesus. (Juan 1:49) Ang pananalitang “Anak ng Diyos” ay nagpapakitang ang Diyos ang Maylikha, o Pinagmulan, ng lahat ng buhay, pati na ng buhay ni Jesus. (Awit 36:9; Apocalipsis 4:11) Hindi itinuturo ng Bibliya na literal na nagkaanak ang Diyos gaya ng sa pag-aanak ng tao.
Tinatawag ding “mga anak ng tunay na Diyos” ang mga anghel. (Job 1:6) At sinasabi ng Bibliya na ang unang tao, si Adan, ay “anak ng Diyos.” (Lucas 3:38) Pero dahil si Jesus ang kauna-unahang nilikha ng Diyos at siya lang ang tuwirang nilalang niya, sinasabi ng Bibliya na si Jesus ang pangunahing Anak ng Diyos.
Nabuhay na ba si Jesus sa langit bago siya ipanganak sa lupa?
Oo. Si Jesus ay isang espiritung nilalang sa langit bago siya ipanganak sa lupa bilang tao. Sinabi mismo ni Jesus: “Bumaba ako mula sa langit.”—Juan 6:38; 8:23.
Si Jesus ang unang nilikha ng Diyos bago ang iba pang bagay. Ganito ang sabi ng Bibliya tungkol kay Jesus:
Siya “ang panganay sa lahat ng nilalang.”—Colosas 1:15.
Siya “ang pasimula ng paglalang ng Diyos.”—Apocalipsis 3:14.
Si Jesus ang tumupad sa hula tungkol sa isa na “ang pinanggalingan ay mula noong unang panahon, mula noong napakatagal nang panahon.”—Mikas 5:2; Mateo 2:4-6.
Ano ang ginagawa ni Jesus bago siya isugo sa lupa?
Mataas ang katayuan niya sa langit. Tinukoy ni Jesus ang katayuang ito nang manalangin siya: “Ama, luwalhatiin mo ako . . . ng kaluwalhatiang taglay ko noong kasama kita bago pa umiral ang sanlibutan.”—Juan 17:5.
Tinulungan niya ang kaniyang Ama sa paglikha ng lahat ng iba pang bagay. Si Jesus ay kasama ng Diyos “bilang isang dalubhasang manggagawa.” (Kawikaan 8:30) Sinasabi ng Bibliya tungkol kay Jesus: “Sa pamamagitan niya, nilalang ang lahat ng iba pang bagay sa langit at sa lupa.”—Colosas 1:16.
Ginamit ng Diyos si Jesus para lalangin ang lahat ng iba pang nilalang. Kasama rito ang lahat ng espiritung nilalang, pati na ang uniberso. (Apocalipsis 5:11) Maihahalintulad natin ang pagtutulungan ng Diyos at ni Jesus sa isang arkitekto na gumagawang kasama ng isang kontratista. Ang arkitekto ang lumilikha ng disenyo at itinatayo naman ito ng kontratista.
Naglingkod siya bilang ang Salita. Kapag tinutukoy ang buhay ni Jesus bago naging tao, tinatawag siya ng Bibliya na “ang Salita.” (Juan 1:1) Maliwanag na ginamit ng Diyos ang kaniyang Anak para magtawid ng mga impormasyon at tagubilin sa ibang espiritung nilalang.
Lumilitaw na si Jesus ay nagsilbi ring Tagapagsalita ng Diyos sa mga tao. Malamang na si Jesus, bilang Salita, ang ginamit ng Diyos sa pagbibigay ng tagubilin kina Adan at Eva sa hardin ng Eden. (Genesis 2:16, 17) Malamang na si Jesus ang anghel na pumatnubay sa mga Israelita noon sa ilang at ang anghel na ang tinig ay dapat nilang sundin.—Exodo 23:20-23. a
a Maliban sa Salita, nagsalita rin ang Diyos sa pamamagitan ng iba pang anghel. Halimbawa, bukod sa kaniyang Panganay na anak, ginamit niya ang ibang anghel para ibigay ang Kautusan sa mga Israelita noon.—Gawa 7:53; Galacia 3:19; Hebreo 2:2, 3.