Ano ang Langit?
Ang sagot ng Bibliya
Ang salitang “langit” na ginagamit sa Bibliya ay tumutukoy sa tatlong bagay: (1) pisikal na mga langit; (2) tirahan ng mga espiritung nilalang; at (3) sagisag ng mataas na posisyon. Nakatutulong ang konteksto para malaman ang tamang kahulugan sa bawat paglitaw. a
Pisikal na mga langit. Ang “mga langit” sa kasong ito ay tumutukoy sa atmospera ng lupa, kung saan humihihip ang hangin, lumilipad ang mga ibon, namumuo ang mga ulap at nagiging ulan at niyebe, at kumikidlat. (Awit 78:26; Kawikaan 30:19; Isaias 55:10; Lucas 17:24) Maaari din itong tumukoy sa kalawakan, kung nasaan “ang araw at ang buwan at ang mga bituin.”—Deuteronomio 4:19; Genesis 1:1.
Tirahan ng mga espiritung nilalang. Ang terminong “langit” ay tumutukoy rin sa espirituwal na mga langit, o tirahan ng mga espiritung nilalang, isang mas mataas na antas ng pag-iral at nasa labas ng pisikal na uniberso. (1 Hari 8:27; Juan 6:38) Ang espirituwal na mga langit na ito ang kinaroroonan ng Diyos na Jehova, na isang “Espiritu,” pati na ng mga anghel na nilalang niya. (Juan 4:24; Mateo 24:36) Kung minsan, ang “mga langit” ay tumutukoy rin sa mga anghel, ang “kongregasyon ng mga banal.”—Awit 89:5-7.
Ginagamit din ng Bibliya ang “mga langit” para tumukoy sa espesipikong bahagi sa tirahan ng mga espiritu, sa mismong “dakong tinatahanan” ni Jehova. (1 Hari 8:43, 49; Hebreo 9:24; Apocalipsis 13:6) Halimbawa, inihula ng Bibliya na si Satanas at ang kaniyang mga demonyo ay palalayasin sa langit, hindi na pahihintulutang humarap sa presensiya ni Jehova. Pero mga espiritung nilalang pa rin sila.—Apocalipsis 12:7-9, 12.
Sagisag ng mataas na posisyon. Ginagamit sa Bibliya ang salitang “langit” para tumukoy sa mataas na posisyon, karaniwan nang kaugnay ng namamahalang awtoridad. Ang nasa posisyong iyon ay maaaring ang:
Diyos na Jehova mismo bilang ang makapangyarihan-sa-lahat na Soberano.—2 Cronica 32:20; Lucas 15:21.
Kaharian ng Diyos, ang gobyerno na papalit sa pamahalaan ng tao. Tinutukoy ng Bibliya ang Kahariang iyon bilang “mga bagong langit.”—Isaias 65:17; 66:22; 2 Pedro 3:13. b
Mga Kristiyano sa lupa na ang pag-asa ay umakyat sa langit.—Efeso 2:6.
Mga gobyerno ng tao na nagtaas ng kanilang sarili mula sa mga nasasakupan nila.—Isaias 14:12-14; Daniel 4:20-22; 2 Pedro 3:7.
Masasamang espiritu na namamahala ngayon sa mundo.—Efeso 6:12; 1 Juan 5:19.
Ano ba’ng mayroon sa langit?
Napakaraming ginagawa ng mga nasa langit. Nakatira dito ang daan-daang milyong espiritung nilalang na “tumutupad ng ... salita” ni Jehova.—Awit 103:20, 21; Daniel 7:10.
Sa Bibliya, inilalarawan ang langit na may maningning na liwanag. (1 Timoteo 6:15, 16) Nakita ni propeta Ezekiel sa pangitain na ang langit ay may “kaningningan,” at sa pangitain ni Daniel tungkol sa langit, nakita niya ang “isang ilog ng apoy.” (Ezekiel 1:26-28; Daniel 7:9, 10) Ang langit ay banal, o malinis, at maganda.—Awit 96:6; Isaias 63:15; Apocalipsis 4:2, 3.
Talagang kamangha-mangha ang langit ayon sa paglalarawan ng Bibliya. (Ezekiel 43:2, 3) Gayunman, imposibleng lubusang maunawaan ng mga tao ang langit dahil hindi ito abot ng ating isip.
a Ang salitang Hebreo na isinaling “langit” ay lumilitaw na nagmula sa salitang ugat na nangangahulugang “kataasan.” (Kawikaan 25:3) Tingnan ang The New Brown, Driver, and Briggs Hebrew and English Lexicon of the Old Testament, pahina 1029.
b Sinasabi ng Cyclopedia nina McClintock at Strong na ang mga bagong langit sa Isaias 65:17 ay lumalarawan sa “isang bagong pamahalaan, bagong kaharian.”—Tomo IV, pahina 122.