Ano ang Paskuwa?
Ang sagot ng Bibliya
Ang Paskuwa ay selebrasyong Judio hinggil sa pagpapalaya ng Diyos sa mga Israelita mula sa pagkaalipin sa Ehipto noong 1513 B.C.E. Inutusan ng Diyos ang mga Israelita na alalahanin ang mahalagang pangyayaring iyon taon-taon sa ika-14 na araw ng buwan ng Abib ng mga Judio, na nang maglaon ay tinawag na Nisan.—Exodo 12:42; Levitico 23:5.
Bakit ito tinawag na Paskuwa?
Ang salitang “Paskuwa” (Passover) ay tumutukoy sa panahon nang iligtas ng Diyos ang mga Israelita mula sa kalamidad na pumatay sa bawat panganay sa Ehipto. (Exodo 12:27; 13:15) Bago isagawa ng Diyos ang kapaha-pahamak na salot na ito, sinabi niya sa mga Israelita na isaboy ang dugo ng pinatay na kordero o kambing sa kanilang mga pintuan. (Exodo 12:21, 22) Makikita ng Diyos ang tanda na ito at “lalampasan” (pass over) ang kanilang bahay at ililigtas ang kanilang panganay.—Exodo 12:7, 13.
Paano ipinagdiwang ang Paskuwa noong panahon ng Bibliya?
Binigyan ng Diyos ang mga Israelita ng mga tagubilin kung paano ipagdiriwang ang unang Paskuwa. a Kabilang sa ilang bahagi ng Paskuwa na binabanggit sa Bibliya ang sumusunod.
Hain: Ang mga pamilya ay pumipili ng isang-taóng-gulang na kordero (o kambing) sa ikasampung araw ng Abib (Nisan), at sa ika-14 na araw, papatayin nila ito. Noong unang Paskuwa, isinaboy ng mga Judio ang ilan sa dugo nito sa mga poste ng kanilang pinto at sa itaas na bahagi ng kanilang pintuan, inihaw ang buong hayop, at kinain ito.—Exodo 12:3-9.
Hapunan: Bukod sa kordero (o kambing), kumain ang mga Israelita ng tinapay na walang pampaalsa at mapapait na gulay bilang bahagi ng hapunan ng Paskuwa.—Exodo 12:8.
Kapistahan: Ipinagdiwang ng mga Israelita ang Kapistahan ng mga Tinapay na Walang Pampaalsa sa loob ng pitong araw pagkatapos ng Paskuwa, kung kailan hindi sila kumain ng tinapay na may pampaalsa.—Exodo 12:17-20; 2 Cronica 30:21.
Edukasyon: Ginamit ng mga magulang ang Paskuwa para turuan ang kanilang mga anak tungkol sa Diyos na Jehova.—Exodo 12:25-27.
Paglalakbay: Nang maglaon, naglakbay ang mga Israelita sa Jerusalem para ipagdiwang ang Paskuwa.—Deuteronomio 16:5-7; Lucas 2:41.
Ibang kaugalian: Noong panahon ni Jesus, kasama sa pagdiriwang ng Paskuwa ang alak at pag-awit.—Mateo 26:19, 30; Lucas 22:15-18.
Mga maling akala tungkol sa Paskuwa
Maling akala: Kinain ng mga Israelita ang hapunan ng Paskuwa noong Nisan 15.
Ang totoo: Inutusan ng Diyos ang mga Israelita na patayin ang kordero pagkalubog ng araw ng Nisan 14 at kainin ito sa gabi ring iyon. (Exodo 12:6, 8) Sinusukat ng mga Israelita ang kanilang araw mula sa paglubog ng araw hanggang sa paglubog ng araw. (Levitico 23:32) Kaya pinatay ng mga Israelita ang kordero at kinain ang hapunan ng Paskuwa sa pasimula ng Nisan 14.
Maling akala: Dapat ipagdiwang ng mga Kristiyano ang Paskuwa.
Ang totoo: Pagkatapos ipagdiwang ni Jesus ang Paskuwa noong Nisan 14, 33 C.E., pinasimulan niya ang isang bagong pagdiriwang: ang Hapunan ng Panginoon. (Lucas 22:19, 20; 1 Corinto 11:20) Pinalitan ng hapunang ito ang Paskuwa, yamang ipinaaalaala nito ang hain ni ‘Kristo ang kordero ng Paskuwa.’ (1 Corinto 5:7) Ang haing pantubos ni Jesus ay nakahihigit sa hain ng Paskuwa dahil pinalalaya nito ang lahat ng tao mula sa pagkaalipin sa kasalanan at kamatayan.—Mateo 20:28; Hebreo 9:15.
a Pero sa paglipas ng panahon, gumawa ng ilang kinakailangang pagbabago. Halimbawa, ipinagdiwang ng mga Israelita ang unang Paskuwa “nang dali-dali” dahil kailangang handa silang umalis agad ng Ehipto. (Exodo 12:11) Gayunman, pagdating nila sa Lupang Pangako, hindi na ito kailangang ipagdiwang ng mga Israelita nang dali-dali.