Kailan Sinimulang Gawin ng Diyos ang Uniberso?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi sinasabi ng Bibliya kung kailan sinimulang gawin ng Diyos ang uniberso o kung gaano ito katagal ginawa. Sinasabi lang nito: “Nang pasimula ay nilalang ng Diyos ang langit at ang lupa.” (Genesis 1:1) Pero hindi espesipikong sinasabi ng Bibliya kung kailan nangyari ang “pasimula.” Mababasa lang natin sa Genesis na nangyari ito bago ang anim na yugto ng panahon, o “mga araw,” ng paglalang.
Ang anim na araw ba ng paglalang ay literal na araw na may tig-24 na oras?
Hindi. Sa Bibliya, ang salitang “araw” ay puwedeng tumukoy sa iba’t ibang haba ng panahon, depende sa konteksto. Halimbawa, sa ulat ng Genesis, inilarawan ang kabuoang yugto ng paglalang bilang isang araw.—Genesis 2:4.
Ano ang nangyari sa anim na araw ng paglalang?
Ginawa ng Diyos ang “walang anyo at walang laman” na lupa na isang planeta na matitirhan. (Genesis 1:2) Pagkatapos, nilalang niya ang buhay sa lupa. Inilalarawan ng Bibliya ang mga pangyayari sa bawat araw, o panahon, ng paglalang:
Unang araw: Pinatagos ng Diyos ang liwanag sa lupa. Kaya nagkaroon ng gabi at araw.—Genesis 1:3-5.
Ikalawang araw: Pinaghiwalay ng Diyos ang tubig sa lupa at tubig sa atmospera, kaya nagkaroon ng kalawakan sa pagitan nito.—Genesis 1:6-8.
Ikatlong araw: Pinalitaw ng Diyos ang tuyong lupa, at pinatubo niya ang mga puno at halaman.—Genesis 1:9-13.
Ikaapat na araw: Pinalitaw ng Diyos ang araw, buwan, at mga bituin para makita ito mula sa lupa.—Genesis 1:14-19.
Ikalimang araw: Ginawa ng Diyos ang mga nilalang na nabubuhay sa tubig pati na ang mga lumilipad na nilalang.—Genesis 1:20-23.
Ikaanim na araw: Ginawa ng Diyos ang mga hayop at mga tao.—Genesis 1:24-31.
Pagkatapos ng ikaanim na araw, nagpahinga ang Diyos sa paggawa, o huminto siya sa paglalang.—Genesis 2:1, 2.
Kaayon ba ng siyensiya ang ulat ng Genesis?
Ang ulat ng Bibliya tungkol sa paglalang ng mundo ay hindi kasindetalyado katulad ng mga aklat sa siyensiya. Pero inilarawan nito ang pagkakasunod-sunod ng paglalang ng Diyos sa paraang maiintindihan ng mga tao kahit noong panahon ng Bibliya. Hindi sinasalungat ng ulat ng paglalang ang mga napatunayan na ng siyensiya. Isinulat ng astrophysicist na si Robert Jastrow: “Ang mga detalye ay nagkakaiba, pero may pagkakatulad ang mahahalagang detalye kung paano nagsimula ang buhay na makikita sa ulat ng astronomiya at ng Bibliya; ang sunod-sunod na mga pangyayari hanggang sa paglalang sa tao ay naganap nang biglaan at sa isang tiyak na yugto ng panahon.”
Kailan nilalang ang araw, buwan, at mga bituin?
Nang lalangin ng Diyos “ang langit” noong “pasimula,” kasama sa mga nilalang niya ang araw, buwan, at mga bituin. (Genesis 1:1) Pero hindi pa tumatagos ang liwanag sa lupa dahil makapal pa ang atmospera noon. (Genesis 1:2) Kaya kahit may kaunting liwanag nang tumatagos noong unang araw, hindi pa posibleng makita kung saan ito nanggaling. Sa ikaapat na araw, umaliwalas na ang atmospera. Kaya sinasabi ng Bibliya na nagsimulang “magbigay ng liwanag sa lupa” ang araw, buwan, at mga bituin. (Genesis 1:17) Lumilitaw na ang paglalarawang ito ng manunulat ng Bibliya ay parang mula sa isa na nagmamasid sa lupa.
Gaano katagal nang umiiral ang lupa ayon sa Bibliya?
Hindi sinasabi ng Bibliya kung gaano na katagal umiiral ang lupa. Sinasabi lang ng Genesis 1:1 na ang uniberso, kasama na ang lupa, ay may pasimula. Pero hindi nito sinasalungat ang mga prinsipyo ng siyensiya o ang pagtantiya ng mga siyentipiko tungkol sa edad ng lupa.