Ano ang Bagong Jerusalem?
Ang sagot ng Bibliya
Ang ekspresyong “Bagong Jerusalem” na dalawang beses lumitaw sa Bibliya, ay isang makasagisag na lunsod na kumakatawan sa grupo ng mga tagasunod ni Jesus na pupunta sa langit para magharing kasama niya sa Kaharian ng Diyos. (Apocalipsis 3:12; 21:2) Ipinakikita ng Bibliya na matatawag din ang grupong ito na kasintahang babae ni Kristo.
Kung paano makikilala ang Bagong Jerusalem
Ang Bagong Jerusalem ay nasa langit. Tuwing binabanggit ng Bibliya ang Bagong Jerusalem, sinasabing ito ay bumababa mula sa langit, kung saan binabantayan ng mga anghel ang mga pintuang-daan ng lunsod. (Apocalipsis 3:12; 21:2, 10, 12) Pinatutunayan din ng napakalaking sukat ng lunsod na hindi puwedeng nasa lupa ito. Ito ay hugis-kubiko, na may sukat na “labindalawang libong estadyo” sa palibot. a (Apocalipsis 21:16) Kaya ang mga gilid nito ay sumusukat nang halos 560 kilometro ang taas, na aabot hanggang sa kalawakan.
Ang Bagong Jerusalem ay binubuo ng isang grupo ng mga tagasunod ni Jesus, ang kasintahang babae ni Kristo. Ang Bagong Jerusalem ay tinatawag na “kasintahang babae, ang asawa ng Kordero.” (Apocalipsis 21:9, 10) Sa makasagisag na paglalarawang ito, ang Kordero ay tumutukoy kay Jesu-Kristo. (Juan 1:29; Apocalipsis 5:12) “Ang asawa ng Kordero,” ang kasintahang babae ni Kristo, ay kumakatawan sa mga Kristiyano na makakasama ni Jesus sa langit. Inihahalintulad ng Bibliya ang kaugnayan ni Jesus at ng mga Kristiyanong ito sa isang mag-asawa. (2 Corinto 11:2; Efeso 5:23-25) Isa pa, nakasulat sa batong pundasyon ng Bagong Jerusalem “ang labindalawang pangalan ng labindalawang apostol ng Kordero.” (Apocalipsis 21:14) Nakatutulong ang detalyeng ito para makilala ang Bagong Jerusalem, yamang ang mga Kristiyanong tinawag para mabuhay sa langit ay “itinayo ... sa pundasyon ng mga apostol at mga propeta.”—Efeso 2:20.
Ang Bagong Jerusalem ay bahagi ng isang gobyerno. Ang sinaunang Jerusalem ang kabisera ng Israel, kung saan si Haring David, ang anak niyang si Solomon, at ang kanilang mga inapo ay naghari sa “sa trono ni Jehova.” (1 Cronica 29:23) Kaya ang Jerusalem, na tinatawag na “banal na lunsod,” ay kumakatawan sa Kaharian ng Diyos sa linya ng pamilya ni David. (Nehemias 11:1) Ang Bagong Jerusalem, na tinatawag ding “banal na lunsod,” ay binubuo ng mga makakasama ni Jesus sa langit na “mamamahala ... bilang mga hari sa ibabaw ng lupa.”—Apocalipsis 5:9, 10; 21:2.
Ang Bagong Jerusalem ay magdudulot ng mga pagpapala sa mga tao sa lupa. Ang Bagong Jerusalem ay inilalarawan na “bumababang galing sa langit mula sa Diyos,” na nagpapakitang ginagamit ito ng Diyos para magtuon ng pansin sa lupa. (Apocalipsis 21:2) Iniuugnay ng pananalitang ito ang Bagong Jerusalem sa Kaharian ng Diyos, na ginagamit ng Diyos para isakatuparan ang kaniyang kalooban “kung paano sa langit, gayundin sa lupa.” (Mateo 6:10) Kabilang sa layunin ng Diyos para sa mga tao ang mga pagpapalang ito:
Pag-aalis ng kasalanan. “Isang ilog ng tubig ng buhay” ang umaagos mula sa Bagong Jerusalem at nagbibigay ng tubig sa “mga punungkahoy ng buhay ... para sa pagpapagaling sa mga bansa.” (Apocalipsis 22:1, 2) Aalisin ng pisikal at espirituwal na pagpapagaling na ito ang kasalanan, at ang mga tao ay magtatamo ng sakdal na buhay, gaya ng orihinal na layunin ng Diyos.—Roma 8:21.
Mabuting kaugnayan sa pagitan ng Diyos at ng tao. Dahil sa kasalanan, ang tao ay naging hiwalay sa Diyos. (Isaias 59:2) Kapag inalis ang kasalanan, lubusan nang matutupad ang hulang ito: “Ang tolda ng Diyos ay nasa sangkatauhan, at tatahan siyang kasama nila, at sila ay magiging kaniyang mga bayan. At ang Diyos mismo ay sasakanila.”—Apocalipsis 21:3.
Wakas ng pagdurusa at kamatayan. Sa pamamagitan ng kaniyang Kaharian, “papahirin [ng Diyos] ang bawat luha sa kanilang mga mata, at hindi na magkakaroon ng kamatayan, ni ng pagdadalamhati o ng paghiyaw o ng kirot pa man.”—Apocalipsis 21:4.
a Ang isang estadyo ay panukat na ginagamit ng mga Romano para sa haba na katumbas ng 185 metro.