Ano ang Gintong Tuntunin?
Ang sagot ng Bibliya
Ang terminong “Gintong Tuntunin” ay hindi mababasa sa Bibliya. Pero ginagamit ng marami ang terminong ito para tukuyin ang paggawi na itinuro ni Jesus. Sa Sermon sa Bundok ni Jesus, sinabi niya: “Lahat ng gusto ninyong gawin ng mga tao sa inyo, iyon din ang gawin ninyo sa kanila.” (Mateo 7:12; Lucas 6:31) Puwede rin itong sabihin sa ganitong paraan: “Gawin mo sa iba ang gusto mong gawin nila sa iyo.”—Encyclopedia of Philosophy.
Ano ang ibig sabihin ng Gintong Tuntunin?
Itinuturo ng Gintong Tuntunin na tratuhin natin ang iba gaya ng gusto nating maging pagtrato sa atin. Halimbawa, gusto ng maraming tao na tratuhin sila nang may respeto, kabaitan, at pagmamahal. Kaya dapat lang na “iyon din ang gawin” natin sa iba.—Lucas 6:31.
Bakit makakatulong sa atin ang Gintong Tuntunin?
Magagamit ang Gintong Tuntunin sa halos lahat ng sitwasyon. Halimbawa, puwede nitong . . .
Mapatibay ang pagsasama ng mag-asawa.—Efeso 5:28, 33.
Matulungan ang mga magulang sa pagpapalaki ng mga anak nila.—Efeso 6:4.
Mapaganda ang ugnayan natin sa ating kaibigan, katrabaho, at kapuwa.—Kawikaan 3:27, 28; Colosas 3:13.
Ang prinsipyo ng Gintong Tuntunin ay makikita sa halos lahat ng bahagi ng tinatawag ng marami na Lumang Tipan. Ang tuntuning itinuro ni Jesus “ang pinakadiwa ng Kautusan [ang unang limang aklat ng Bibliya] at mga Propeta [ang mga aklat ng hula].” (Mateo 7:12) Sa ibang salita, itinuturo ng Gintong Tuntunin ang isang pangunahing aral sa Lumang Tipan: pag-ibig sa kapuwa.—Roma 13:8-10.
Ang Gintong Tuntunin ba ay tungkol lang sa kung ano ang makukuha natin sa iba?
Hindi. Ang pokus ng Gintong Tuntunin ay pagbibigay. Nang banggitin ni Jesus ang Gintong Tuntunin, ang pinag-uusapan ay hindi lang kung paano tatratuhin ang ibang tao kundi pati na rin ang mga kaaway natin. (Lucas 6:27-31, 35) Kaya itinuturo sa atin ng Gintong Tuntunin na gumawa ng mabuti sa lahat.
Paano mo masusunod ang Gintong Tuntunin?
1. Maging mapagmasid. Bigyang-pansin ang mga nasa paligid mo. Halimbawa, baka may nakita ka na nahihirapan sa dala-dala niya, nabalitaan mo na naospital ang isang kakilala mo, o napansin mo na malungkot ang katrabaho mo. Kapag “iniisip [mo] ang kapakanan ng iba,” malamang na makakahanap ka ng paraan para mapatibay o matulungan sila.—Filipos 2:4.
2. Maging madamayin. Ilagay mo ang sarili mo sa sitwasyon ng iba. Ano kaya ang mararamdaman mo? (Roma 12:15) Kapag sinisikap mong maintindihan ang nararamdaman ng iba, mapapakilos ka nito na tulungan sila.
3. Maging flexible. Tandaan na magkakaiba ang mga tao. Hindi komo iyon ang gusto mong gawin sa iyo, iyon na rin ang gusto ng iba na gawin mo sa kanila. Marami kang puwedeng gawin para sa iba, pero gawin mo ang pinakamagugustuhan nila.—1 Corinto 10:24.