Ano ang Pinagmulan ng Halloween?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi binabanggit sa Bibliya ang Halloween. Taon-taon, ipinagdiriwang ito ng marami tuwing Oktubre 31. Pero ang pinagmulan at mga tradisyon nito ay hindi batay sa itinuturo ng Bibliya.
Sa artikulong ito
Kasaysayan at mga tradisyon ng Halloween
Samhain: Ang Halloween ay nagmula sa “sinaunang kapistahan ng mga pagano na ipinagdiriwang ng mga Celt mahigit 2,000 taon na ang nakalilipas,” ang sabi ng The World Book Encyclopedia. “Naniniwala ang mga Celt na sa panahong ito, puwedeng makahalubilo ng mga patay ang mga buháy. Sa panahon ng Samhain, kapag dumalaw ang mga buháy, puwedeng may kasama silang patay.”—Tingnan ang “ Bakit Ito Tinawag na Halloween?”
Costume sa halloween, kendi, at trick or treat: Ayon sa isang reperensiya, nagsusuot ng nakakatakot na mga costume ang ilang Celt para kapag nakita sila ng mga gumagalang espiritu “mapagkamalan silang kagaya ng mga ito” at hindi sila guluhin. Ang iba naman ay nag-aalok ng mga kendi sa mga espiritu para hindi magalit ang mga ito. a
Sa Europe, noong mga 500 C.E. hanggang 1500 C.E., ginaya ng klerong Katoliko ang lokal na mga paganong tradisyon at pinagbahay-bahay ang mga miyembro nila nang naka-costume para manghingi ng maliliit na regalo.
Multo, bampira, werewolf, mangkukulam, at zombie: Matagal nang iniuugnay ang mga ito sa daigdig ng masasamang espiritu. Sa aklat na Halloween Trivia tinutukoy sila bilang “mga di-pangkaraniwang halimaw” at sinasabi na ang mga nilalang na ito ay “may malapít na koneksiyon sa kamatayan, sa patay o sa takot na mamatay.”
Mga pumpkin sa Halloween, o jack-o’-lantern: Sa Britain noong mga 500 C.E. hanggang 1500 C.E, ang mga tao ay “nagbabahay-bahay para manghingi ng pagkain kapalit ng dasal para sa mga patay,” at nagdadala sila ng “mga lampara na gawa sa inukit na singkamas, na sa loob nito ay may kandila na sumasagisag sa kaluluwang nakakulong sa purgatoryo.” (Halloween—From Pagan Ritual to Party Night) Sinasabi naman ng ibang reperensiya na ang mga lampara ay ginagamit para itaboy ang masasamang espiritu. Noong ika-19 na siglo sa North America, ang mga singkamas ay pinalitan ng kalabasa dahil mas marami ang mga ito at mas madaling ukitin.
Mahalaga bang malaman ang pinagmulan ng Halloween?
Oo. Para sa iba, katuwaan lang ang Halloween at walang masama dito. Pero ang mga ginagawa sa okasyong ito ay labag sa itinuturo ng Bibliya. Nagmula ang Halloween sa mga maling turo tungkol sa mga patay at di-nakikitang espiritu, o mga demonyo.
Pansinin ang sumusunod na mga teksto na nagpapakita kung ano ang tingin ng Diyos sa Halloween:
“Hindi dapat magkaroon sa piling mo ng . . . sumasangguni sa mga espiritu o nanghuhula o sinumang nagtatanong sa mga patay.”—Deuteronomio 18:10-12, Biblia ng Sambayanang Pilipino.
Ibig sabihin: Hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang pakikipag-usap sa mga patay o kahit ang pagkukunwaring nakikipag-usap sa mga ito.
“Walang alam ang mga patay.”—Eclesiastes 9:5.
Ibig sabihin: Dahil walang alam ang mga patay, hindi nila magagawang makipag-usap sa mga buhay.
“[Huwag] makisalo sa mga demonyo. Hindi kayo puwedeng uminom sa kopa ng Panginoon at sa kopa rin ng mga demonyo.”—1 Corinto 10:20, 21, Biblia ng Sambayanang Pilipino.
Ibig sabihin: Kung gusto ng mga tao na mapasaya ang Diyos, dapat nilang iwasan ang kahit anong may koneksiyon sa mga demonyo.
“Maging matatag kayo sa kabila ng tusong mga pakana ng Diyablo; dahil nakikipaglaban tayo . . . sa hukbo ng napakasasamang espiritu.”—Efeso 6:11, 12.
Ibig sabihin: Dapat labanan ng mga Kristiyano ang masasamang espiritu imbes na magkunwaring nakikisaya sa kanila.
a Tingnan ang aklat na Halloween: An American Holiday, an American History, pahina 4.