Nakatakda Na ba Kung Kailan Tayo Mamamatay?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi nakatakda kung kailan tayo mamamatay. Hindi itinuturo ng Bibliya ang paniniwala sa kapalaran. Sa halip, sinasabi nito na ang kamatayan ay kadalasang dahil sa “di-inaasahang pangyayari.”—Eclesiastes 9:11.
’Di ba sinasabi ng Bibliya na may “panahon ng pagkamatay”?
Oo, sinasabi sa Eclesiastes 3:2 na may “panahon ng pagsilang at panahon ng pagkamatay, panahon ng pagtatanim at panahon ng pagbunot.” (Ang Biblia—Bagong Salin sa Pilipino) Pero ipinakikita ng konteksto na ang tinatalakay rito ng Bibliya ay ang tuloy-tuloy na mga siklo ng buhay. (Eclesiastes 3:1-8) Hindi itinatakda ng Diyos ang oras ng kamatayan ng isang tao kung paanong hindi niya inoobliga ang isang magsasaka kung kailan magtatanim. Sa halip, idiniriin nito na dapat nating iwasang maging labis na abalá sa maliliit na bagay at makalimot sa ating Maylalang.—Eclesiastes 3:11; 12:1, 13.
Puwedeng mapahaba ang buhay
Sa kabila ng kawalang-katiyakan ng buhay, karaniwang mapapahaba natin ang ating buhay kung magdedesisyon tayo nang tama. Sinasabi ng Bibliya: “Ang kautusan ng marunong ay bukal ng buhay, upang ilayo ang isa mula sa mga silo ng kamatayan.” (Kawikaan 13:14) Binanggit din ni Moises sa mga Israelita na puwedeng humaba ang buhay nila kung susundin nila ang mga utos ng Diyos. (Deuteronomio 6:2) Sa kabilang dako, mapaiikli natin nang di-sinasadya ang ating buhay kung magiging mali ang ating mga desisyon at mamumuhay nang may kamangmangan.—Eclesiastes 7:17.
Gaano man tayo karunong o kaingat, hindi natin matatakasan ang kamatayan. (Roma 5:12) Pero mababago ang lahat ng ito, dahil nangangako ang Bibliya na darating ang panahong “hindi na magkakaroon ng kamatayan.”—Apocalipsis 21:4.