Anong Katawan ang Taglay ni Jesus Nang Buhayin Siyang Muli—Katawang Laman o Katawang Espiritu?
Ang sagot ng Bibliya
Sinasabi ng Bibliya na si Jesus ay “pinatay sa laman, ngunit binuhay sa espiritu.”—1 Pedro 3:18; Gawa 13:34; 1 Corinto 15:45; 2 Corinto 5:16.
Makikita sa sinabi mismo ni Jesus na hindi siya bubuhaying muli taglay ang katawang may laman at dugo. Sinabi niya na ibibigay niya ang kaniyang “laman alang-alang sa buhay ng sanlibutan,” bilang pantubos para sa mga tao. (Juan 6:51; Mateo 20:28) Kung binuhay siyang muli sa laman, para na rin niyang binawi o kinansela ang haing pantubos na iyon. Hindi ito maaaring mangyari sapagkat sinasabi ng Bibliya na isinakripisyo niya ang kaniyang laman at dugo “nang minsanan.”—Hebreo 9:11, 12.
Kung si Jesus ay binuhay-muli taglay ang katawang espiritu, bakit siya nakita ng kaniyang mga alagad?
Ang mga espiritung nilalang ay puwedeng magkatawang-tao. Halimbawa, may mga anghel noon na kumain pa nga at uminom kasama ng mga tao. (Genesis 18:1-8; 19:1-3) Pero espiritung nilalang pa rin sila at maaari nilang iwan ang pisikal na daigdig.—Hukom 13:15-21.
Matapos buhaying muli si Jesus, pansamantala siyang nagkatawang-tao, gaya ng ginawa ng mga anghel. Bilang espiritung nilalang, nagagawa niyang biglang lumitaw at maglaho. (Lucas 24:31; Juan 20:19, 26) Iba-ibang katawang laman ang ginamit niya nang magkatawang-tao siya at magpakita sa mga alagad niya. Kaya nakilala lang siya ng matatalik niyang kaibigan dahil sa mga sinabi o ginawa niya.—Lucas 24:30, 31, 35; Juan 20:14-16; 21:6, 7.
Nang magpakita si Jesus kay apostol Tomas, ginamit niya ang isang katawan na may mga bakas ng sugat. Ginawa niya ito upang patibayin ang pananampalataya ni Tomas, dahil nagdududa si Tomas na binuhay-muli si Jesus.—Juan 20:24-29.