Puwede Bang Magpagamot ang mga Kristiyano?
Ang sagot ng Bibliya
Oo. Ipinakita ni Jesus na puwedeng magpagamot ang kaniyang mga tagasunod nang sabihin niyang “ang mga taong malusog ay hindi nangangailangan ng manggagamot, kundi ang mga may sakit.” (Mateo 9:12) Hindi isang aklat sa medisina ang Bibliya, pero nagbibigay ito ng mga simulain na gagabay sa mga gustong magpalugod sa Diyos.
Itanong sa sarili
1. Nauunawaan ko ba ang inirerekomendang paggamot? Pinapayuhan tayo ng Bibliya na magsaliksik ng mapananaligang impormasyon sa halip na ‘manampalataya sa bawat salita.’—Kawikaan 14:15.
2. Dapat ba akong kumonsulta sa iba pang doktor? Makakatulong ang ‘maraming tagapayo’ lalo na kung seryoso ang kondisyon mo.—Kawikaan 15:22.
3. Ang paggamot ba ay labag sa utos ng Bibliya na “umiwas ... sa dugo”?—Gawa 15:20.
4. May sangkot bang espiritismo sa diyagnosis o paggamot? Hinahatulan ng Bibliya ang “pagsasagawa ng espiritismo.” (Galacia 5:19-21) Para malaman kung may sangkot na espiritismo ang paggamot, isaalang-alang ang sumusunod na mga tanong:
Gumagamit ba ng espiritismo ang manggagamot?
Ang paggamot ba ay batay sa paniniwalang ang sakit ay galing sa nagalit na mga maligno o mga mangkukulam?
May mga hain ba, orasyon, o iba pang espiritistikong ritwal o kasangkapan na ginagamit habang inihahanda o inilalapat ang gamot?
5. Masyado na ba akong nababahala sa kalusugan ko? Ipinapayo ng Bibliya: “Makilala nawa ng lahat ng tao ang inyong pagkamakatuwiran.” (Filipos 4:5) Makakatulong sa iyo ang pagiging makatuwiran para makapagpokus sa “mga bagay na higit na mahalaga,” gaya ng espirituwal na mga bagay.—Filipos 1:10; Mateo 5:3.