Itinuturo Ba ng Bibliya na ang Lupa ay Lapad?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi. Hindi itinuturo ng Bibliya na ang lupa ay lapad. a Hindi aklat ng siyensiya ang Bibliya, pero hindi nito kinokontra ang mga napatunayan ng siyensiya. Ang mga sinasabi ng Bibliya ay “nasusuhayan [o, maaasahan] magpakailanman, hanggang sa panahong walang takda.”—Awit 111:8.
Ano ang ibig sabihin ng “apat na dulo ng lupa” na mababasa sa Bibliya?
Ang pananalitang “apat na dulo ng lupa” at “mga dulo ng lupa” na mababasa sa Bibliya ay hindi literal, na para bang kuwadrado o may hangganan ang lupa. (Isaias 11:12; Job 37:3) Sa katunayan, ito ay mga tayutay, o figure of speech, na tumutukoy sa ibabaw ng buong lupa. Ganito rin ang pagkakagamit ng Bibliya sa apat na direksiyon ng kompas.—Lucas 13:29.
Ang Hebreong salita na isinaling “dulo” ay posibleng isang idyoma mula sa salitang “pakpak.” Ayon sa The International Standard Bible Encyclopedia, “dahil inuunat ng ibon ang kaniyang pakpak para liliman ang inakay, [ang Hebreong salitang ito] ay nagkaroon ng kahulugan na pinakadulo ng anumang bagay.” Sinabi pa ng reperensiyang ito na ang terminong nasa Job 37:3 at Isaias 11:12 ay “nangangahulugang baybayin, hangganan, o pinakadulo ng ibabaw ng lupa.” b
Paano maipapaliwanag ang tukso ng Diyablo kay Jesus?
Para tuksuhin si Jesus, “dinala siya ng Diyablo sa isang bundok na lubhang mataas, at ipinakita sa kaniya ang lahat ng mga kaharian ng sanlibutan at ang kanilang kaluwalhatian.” (Mateo 4:8) May nagsasabi na itinuturo daw ng ulat na ito ng Bibliya na lapad ang lupa dahil puwedeng makita ang buong mundo mula sa iisang lugar. Pero lumilitaw na ang “bundok na lubhang mataas” sa ulat na ito ay metapora lang at hindi literal na lugar. Bakit natin nasabi iyan?
Walang literal na bundok sa mundo kung saan matatanaw ang lahat ng kaharian sa lupa.
Ipinakita ng Diyablo kay Jesus hindi lang ang lahat ng kaharian kundi pati ang “kaluwalhatian” ng mga ito. Hindi puwedeng makita ang mga detalyeng iyan mula sa napakalayong distansiya. Kaya posibleng gumamit si Satanas ng isang uri ng pangitain para maipakita ang mga ito kay Jesus, kung paanong ginagamit ang isang projector at screen para maipakita sa iba ang mga larawan ng iba’t ibang lugar sa mundo.
Sinasabi ng katulad na ulat sa Lucas 4:5 na ipinakita ng Diyablo kay Jesus “ang lahat ng mga kaharian ng tinatahanang lupa sa isang saglit ng panahon,” na imposible sa literal na paningin ng tao. Ipinahihiwatig nito na ibang paraan ang ginamit ng Diyablo nang ipakita niya ang tukso kay Jesus.
a Binabanggit ng Bibliya ang Diyos bilang ang “Isa na tumatahan sa ibabaw ng bilog ng lupa.” (Isaias 40:22) Sinasabi ng ilang akda na ang salitang isinalin dito na “bilog” ay posibleng mangahulugang globo, pero hindi lahat ng iskolar ay sumasang-ayon dito. Pero malinaw na hindi sinusuportahan ng Bibliya ang ideya na ang lupa ay lapad.
b Nirebisang Edisyon, Tomo 2, pahina 4.