Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Likas na mga Sakuna?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi Diyos ang dahilan ng likas na mga sakuna ngayon, pero may malasakit siya sa mga biktima nito. Wawakasan ng Kaharian ng Diyos ang lahat ng dahilan ng pagdurusa, kasama na ang likas na mga sakuna. Pero sa ngayon, naglalaan ang Diyos ng pampatibay-loob sa mga biktima nito.—2 Corinto 1:3.
Bakit tayo makakatiyak na ang likas na mga sakuna ay hindi parusa ng Diyos?
Ang likas na mga sakuna ba ay tanda na nabubuhay na tayo sa mga huling araw?
Paano tinutulungan ng Diyos ang mga biktima ng likas na mga sakuna?
Matutulungan ba tayo ng Bibliya na maging handa sa likas na mga sakuna?
Mga teksto sa Bibliya na makakapagpatibay sa mga biktima ng likas na sakuna
Bakit tayo makakatiyak na ang likas na mga sakuna ay hindi parusa ng Diyos?
Iba ang paggamit ng Diyos sa puwersa ng kalikasan, na mababasa sa Bibliya, kaysa sa likas na mga sakuna.
Walang pinipili ang likas na mga sakuna. Sa kabaligtaran, nang gamitin ng Diyos ang puwersa ng kalikasan para ilapat ang kaniyang hatol, tiniyak niyang masasama lang ang malilipol. Halimbawa, nang wasakin ng Diyos ang sinaunang lunsod ng Sodoma at Gomorra, iniligtas niya ang mabuting taong si Lot at ang dalawang anak nito. (Genesis 19:29, 30) Nabasa ng Diyos ang puso ng mga indibidwal na ito at ang masasama lang ang pinuksa niya.—Genesis 18:23-32; 1 Samuel 16:7.
Dumarating nang biglaan o walang babala ang likas na mga sakuna. Bago puksain ng Diyos ang masasama gamit ang puwersa ng kalikasan, nagbababala muna siya. Ang mga nakinig sa babala ay nagkaroon ng pagkakataon na makatakas sa sakuna.—Genesis 7:1-5; Mateo 24:38, 39.
Kung minsan, kagagawan din ng mga tao ang likas na mga sakuna. Paano? Kapag sinisira nila ang kalikasan, nagtatayo ng mga bahay o gusali sa lugar na madalas ang lindol, baha, at bagyo. (Apocalipsis 11:18) Hindi dapat sisihin ang Diyos sa masasamang resulta na gawa ng mga tao.—Kawikaan 19:3.
Ang likas na mga sakuna ba ay tanda na nabubuhay na tayo sa mga huling araw?
Oo, inihula ng Bibliya na magkakaroon ng mga sakuna sa “katapusan ng sistemang ito” o sa “mga huling araw.” (Mateo 24:3; 2 Timoteo 3:1) Halimbawa, sinabi ni Jesus tungkol sa ating panahon: “Magkakaroon ng taggutom at lindol sa iba’t ibang lugar.” (Mateo 24:7) Malapit nang alisin ng Diyos ang lahat ng dahilan ng paghihirap at pagdurusa ng mga tao, kasama na ang likas na mga sakuna.—Apocalipsis 21:3, 4.
Paano tinutulungan ng Diyos ang mga biktima ng likas na mga sakuna?
Ginagamit ng Diyos ang kaniyang Salita, ang Bibliya, para patibayin ang mga biktima. Tinitiyak ng Bibliya na nagmamalasakit ang Diyos sa atin at nararamdaman niya ang pagdurusa natin. (Isaias 63:9; 1 Pedro 5:6, 7) Mababasa rin dito ang pangako niya na mawawala na ang likas na mga sakuna.—Tingnan ang “ Mga teksto sa Bibliya na makakapagpatibay sa mga biktima ng likas na mga sakuna.”
Ginagamit ng Diyos ang mga mananamba niya para tulungan ang mga biktima. Ang mga mananamba ng Diyos ay tumutulad sa halimbawang ipinakita ni Jesus. Inihula na patitibayin ni Jesus ang mga “may pusong nasasaktan” at ang “lahat ng nagdadalamhati.” (Isaias 61:1, 2) Ganiyan din ang sinisikap gawin ng mga mananamba ng Diyos.—Juan 13:15.
Ginagamit din ng Diyos ang kaniyang mga mananamba para magbigay ng praktikal na tulong sa mga biktima ng likas na mga sakuna.—Gawa 11:28-30; Galacia 6:10.
Matutulungan ba tayo ng Bibliya na maging handa sa likas na mga sakuna?
Oo. Hindi man isang manwal para sa paghahanda sa likas na mga sakuna ang Bibliya, may mga prinsipyo naman ito na makakatulong. Halimbawa:
Patiunang magplano ng mga gagawin kapag may likas na mga sakuna. “Nakikita ng matalino ang panganib at nagtatago,” ang sabi ng Bibliya. (Kawikaan 22:3) Isang katalinuhan kung mayroon na tayong emergency plan. Kasama rito ang pagkakaroon ng emergency kit na madaling kunin. Praktisin din bilang pamilya kung saan magkikita-kita kapag may sakuna.
Pahalagahan ang buhay kaysa mga pag-aari. Sinasabi ng Bibliya: “Wala tayong dinalang anuman sa mundo, at wala rin tayong anumang mailalabas.” (1 Timoteo 6:7, 8) Dapat na handa nating iwan ang ating bahay at mga pag-aari kapag may sakuna. Tandaan, mas mahalaga ang ating buhay kaysa sa mga materyal na mga bagay.—Mateo 6:25.