Pumunta sa nilalaman

Paano Tuturuan ng mga Magulang ang Kanilang mga Anak Tungkol sa Sex?

Paano Tuturuan ng mga Magulang ang Kanilang mga Anak Tungkol sa Sex?

Ang sagot ng Bibliya

 Sino ang dapat magturo sa mga bata tungkol sa sex? Sinasabi ng Bibliya na pananagutan ito ng mga magulang, at marami sa kanila ang nakinabang sa sumusunod na mga mungkahi:

  •   Huwag mahiya. Ang Bibliya ay prangka kapag binabanggit ang sex at ari ng tao, at sinabi ng Diyos sa bansang Israel na ang “maliliit na bata” ay dapat turuan tungkol sa mga bagay na ito. (Deuteronomio 31:12; Levitico 15:2, 16-19) Gumamit ng disenteng mga salita na hindi nagpapahiwatig na kahiya-hiya ang sex at ang maseselang bahagi ng katawan.

  •   Magturo nang unti-unti. Sa halip na ituro nang minsanan ang lahat ng bagay tungkol sa sex kapag nagbibinata o nagdadalaga na ang iyong anak, unti-unti itong ituro mula pagkabata ayon sa kaya niyang maintindihan.—1 Corinto 13:11.

  •   Ituro ang mga pamantayang moral. Sa mga eskuwelahan, maaaring may sex education para sa mga bata. Pero hinihimok ng Bibliya ang mga magulang na ituro sa kanilang mga anak, hindi lang ang pisikal na aspekto ng sex, kundi pati na ang wastong saloobin tungkol dito.—Kawikaan 5:1-23.

  •   Pakinggan ang iyong anak. Huwag magagalit o pag-isipan nang masama ang anak kapag nagtanong siya tungkol sa sex. Sa halip, maging “matulin sa pakikinig, mabagal sa pagsasalita.”—Santiago 1:19.

Kung paano mo poprotektahan ang iyong anak mula sa mga nangmomolestiya

Turuan ang iyong anak na lumaban kapag may gustong mangmolestiya sa kaniya

  •   Turuan ang iyong sarili. Alamin ang taktika ng mga karaniwang nang-aabuso.—Kawikaan 18:15; tingnan ang kabanata 32 ng aklat na Ang mga Tanong ng mga KabataanMga Sagot na Lumulutas, Tomo 1.

  •   Maging interesado sa nangyayari sa buhay ng iyong anak. Huwag basta ihabilin sa iba ang iyong anak kung hindi ka tiyak na mapagkakatiwalaan ang taong iyon, at huwag ‘pabayaan’ ang iyong anak.—Kawikaan 29:15.

  •   Turuan ang iyong anak na huwag basta-basta sumunod. Kailangang matutuhan ng mga anak na sundin ang kanilang mga magulang. (Colosas 3:20) Pero kung ituturo mo sa iyong anak na dapat na lagi niyang sundin ang lahat ng adulto, inihahantad mo siya sa pang-aabuso. Puwedeng sabihin ng Kristiyanong magulang sa kaniyang anak, “Kapag sinabihan ka ng sinumang tao na gawin ang isang bagay na sinasabi ng Diyos na mali, huwag mo siyang susundin.”—Gawa 5:29.

  •   Mag-ensayo ng dapat gawin. Turuan ang iyong anak kung ano ang dapat niyang gawin sakaling may magtangkang mangmolestiya sa kaniya kapag wala ka. Tutulong ito para magkaroon ng lakas ng loob ang iyong anak na sabihing “Tumigil ka! Isusumbong kita!” at umalis kaagad. Baka kailangan mong ipaalaala ito “nang paulit-ulit sa iyong mga anak” dahil madaling makalimot ang mga bata.—Deuteronomio 6:7, Contemporary English Version.