Ano ang Kailangan Para Maintindihan ang Bibliya?
Ang sagot ng Bibliya
Sinasabi mismo ng Bibliya kung ano ang kailangan nating gawin para maunawaan ang Bibliya. Anuman ang iyong pinagmulan, ang mensahe ng Bibliya ay “hindi naman napakahirap sundin o napakalayo sa inyo.”—Deuteronomio 30:11.
Mga kailangan para maintindihan ang Bibliya
Magkaroon ng tamang saloobin. Tanggapin na ang Bibliya ay Salita ng Diyos. Maging mapagpakumbaba dahil ayaw ng Diyos sa mga mapagmataas. (1 Tesalonica 2:13; Santiago 4:6) Pero huwag maging bulag na mánanampalatayá—gusto ng Diyos na gamitin mo ang iyong “kakayahan sa pangangatuwiran.”—Roma 12:1, 2.
Manalangin para sa karunungan. “Huwag kang umasa sa sarili mong unawa,” ang sabi ng Bibliya sa Kawikaan 3:5. Sa halip, “patuloy [na] humingi sa Diyos” ng karunungan para maintindihan ang Bibliya.—Santiago 1:5.
Mag-aral nang regular. Mas makikinabang ka sa pag-aaral ng Bibliya kung gagawin mo ito nang regular sa halip na kung kailan mo lang maisipan.—Josue 1:8.
Mag-aral ayon sa paksa. Ang pag-aaral ayon sa paksa, o pagsusuri sa sinasabi ng Bibliya tungkol sa isang partikular na paksa, ay mabisang paraan para maintindihan ang itinuturo ng Bibliya. Magsimula sa “mga panimulang aralin” at saka “pag-aralan ... yaong maghahatid sa atin sa ganap na pagkaunawa.” (Hebreo 6:1, 2, Magandang Balita Biblia) Puwede mong paghambingin ang mga teksto, at makikita mo na ipinaliliwanag sa ibang bahagi ng Bibliya ang isang teksto, kahit ang mga bahaging “mahirap maintindihan.”—2 Pedro 3:16.
Magpatulong. Pinasisigla tayo ng Bibliya na tanggapin ang tulong ng iba na nakauunawa sa Bibliya. (Gawa 8:30, 31) Ang mga Saksi ni Jehova ay nag-aalok ng libreng programa ng pag-aaral sa Bibliya. Gaya ng unang mga Kristiyano, gumagamit sila ng mga teksto mula sa Bibliya bilang reperensiya para tulungan ang iba na maintindihan kung ano talaga ang itinuturo ng Bibliya.—Gawa 17:2, 3.
Hindi kailangan
Pambihirang talino o mataas na pinag-aralan. Naintindihan ng 12 apostol ni Jesus ang Kasulatan at naituro nila ito sa iba, kahit na itinuturing sila ng ilan bilang “hindi nakapag-aral at pangkaraniwan.”—Gawa 4:13.
Pera. Puwede mong malaman ang itinuturo ng Bibliya nang walang bayad. Sinabi ni Jesus sa kaniyang mga alagad: “Tinanggap ninyo nang walang bayad, ibigay ninyo nang walang bayad.”—Mateo 10:8.