May Malubha Akong Sakit—Makakatulong ba ang Bibliya?
Ang sagot ng Bibliya
Oo. Nagmamalasakit ang Diyos sa mga lingkod niyang may sakit. Sinasabi ng Bibliya: “Aalalayan siya ni Jehova sa kama ng karamdaman.” (Awit 41:3) Kung mayroon kang malubhang sakit, makakatulong sa iyo ang sumusunod:
Hilingin sa panalangin na makapagbata ka. Puwedeng ipagkaloob sa iyo ang “kapayapaan ng Diyos na nakahihigit sa lahat ng kaisipan.” Matutulungan ka nito na hindi masyadong mabalisa at makayanan ang problema mo.—Filipos 4:6, 7.
Maging positibo. Sinasabi ng Bibliya: “Ang pagkamasayahin ay mabuti sa katawan at ang malungkuti’y unti-unting namamatay.” (Kawikaan 17:22, Magandang Balita Biblia) Maging palabiro. Makakabawas ito sa iyong lungkot at makakabuti sa iyong kalusugan.
Patibayin ang iyong pag-asa sa hinaharap. Makakatulong ito sa iyo na maging maligaya kahit may malubha kang sakit. (Roma 12:12) Inihula ng Bibliya ang panahon kung kailan “walang sinumang tumatahan ang magsasabi: ‘Ako ay may sakit.’” (Isaias 33:24) Pagagalingin ng Diyos ang malulubhang sakit na hindi kayang gamutin sa ngayon ng makabagong siyensiya. Sinasabi pa nga ng Bibliya na muling babata ang matatanda: “Maging higit na sariwa pa ang kaniyang laman kaysa noong kabataan; mabalik siya sa mga araw ng lakas ng kaniyang kabataan.”—Job 33:25.
Pansinin: Bagaman kinikilala naming mga Saksi ni Jehova ang tulong na ibinibigay ng Diyos, nagpapatingin din kami sa mga doktor para sa malulubhang sakit. (Marcos 2:17) Pero hindi kami nagrerekomenda ng anumang partikular na paraan ng paggamot; ang bawat indibiduwal ang dapat magpasiya sa gayong mga bagay.