Totoo Bang Nabuhay si Jesus?
May matibay na basehan ang mga iskolar para maniwalang nabuhay si Jesus. Tungkol sa pagtukoy ng mga istoryador noong una at ikalawang siglo kay Jesus at sa mga unang Kristiyano, ganito ang sabi ng Edisyong 2002 ng Encyclopædia Britannica: “Pinatutunayan ng magkakaibang ulat na ito na noong sinaunang panahon, maging ang mga kaaway ng Kristiyanismo ay hindi kailanman nag-alinlangan na umiral si Jesus.” Ayon pa sa reperensiyang iyon, pinagtalunan lang ito noong magtatapos ang ika-18 siglo hanggang sa pasimula ng ika-20 siglo, pero wala naman silang matibay na saligan.
Noong 2006, sinabi ng aklat na Jesus and Archaeology: “Walang respetadong iskolar sa ngayon ang kukuwestiyon kung may nabuhay nga talagang Judio na nagngangalang Jesus na anak ni Jose; marami sa kanila ang aminadong may sapat tayong nalalaman tungkol sa mga ginawa niya at itinuro.”
Inilalarawan ng Bibliya si Jesus bilang isang tunay na tao. Binabanggit nito ang pangalan ng kaniyang mga ninuno at malapit na kamag-anak. (Mateo 1:1; 13:55) Binabanggit din nito ang pangalan ng prominenteng mga pinuno noong panahon ni Jesus. (Lucas 3:1, 2) Sa tulong ng mga detalyeng ito, nakukumpirma ng mga mananaliksik na talagang tumpak ang mga ulat ng Bibliya.