Pumunta sa nilalaman

Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pag-ibig sa Sarili?

Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pag-ibig sa Sarili?

Ang sagot ng Bibliya

 Ipinakikita ng Bibliya na wasto lang, at kailangan pa nga, na ibigin natin ang ating sarili sa makatuwirang antas. Kasama rito ang pangangalaga sa sarili, paggalang sa sarili, at pagkakaroon ng pagpapahalaga sa sarili. (Mateo 10:31) Pero sa halip na idiin ang pagiging makasarili, ipinakikita ng Bibliya na dapat ilagay sa tamang lugar ang pag-ibig sa sarili.

Sino muna ang dapat nating ibigin?

  1.   Dapat maging pangunahin sa puso natin ang pag-ibig sa Diyos. Itinuturo ng Bibliya na ang pinakadakilang utos ay: “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos nang iyong buong puso.”—Marcos 12:28-30; Deuteronomio 6:5.

  2.   Ang ikalawang pinakadakilang utos ay: “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.”—Marcos 12:31; Levitico 19:18.

  3.   Walang espesipikong utos sa Bibliya na nagsasabing ibigin natin ang ating sarili. Pero ipinahihiwatig ng utos na ‘ibigin ang kapuwa gaya ng sarili’ na normal lang at kapaki-pakinabang ang makatuwirang antas ng pag-ibig at paggalang sa sarili.

Sino muna ang inibig ni Jesus?

 Ipinakita ni Jesus kung paano babalansehin ang pag-ibig para sa Diyos, sa kapuwa, at sa sarili. At tinagubilinan niya ang mga alagad niya na tularan ang kaniyang halimbawa.—Juan 13:34, 35.

  1.   Ang Diyos na Jehova ang pangunahin niyang inibig at ibinuhos niya ang kaniyang sarili para matapos ang gawain ng Diyos. “Upang malaman ng sanlibutan na iniibig ko ang Ama,” ang sabi niya, “kung ano ang utos na ibinigay sa akin ng Ama, gayon ang aking ginagawa.”—Juan 14:31.

  2.   Inibig ni Jesus ang kaniyang kapuwa at ipinakita niya ito sa pamamagitan ng paglalaan ng pangangailangan nila, hanggang sa puntong ibigay niya ang sarili niyang buhay.—Mateo 20:28.

  3.   Nagpakita siya ng makatuwirang pag-ibig sa sarili: nagpahinga siya, kumain, at nakipagsamahan sa kaniyang mga tagasunod at sa mga magiging alagad niya.—Marcos 6:31, 32; Lucas 5:29; Juan 2:1, 2; 12:2.

Mababawasan ba ang kaligayahan mo o paggalang sa sarili kung iibigin mo ang iba nang higit sa sarili mo?

 Hindi. Nilalang tayo sa larawan ng Diyos, na ang pangunahing katangian ay pag-ibig na di-makasarili. (Genesis 1:27; 1 Juan 4:8) Ibig sabihin, dinisenyo tayo para magpakita ng pag-ibig sa iba. May tamang lugar ang pag-ibig sa sarili, pero magiging pinakamasaya tayo kung iibigin natin ang Diyos nang higit sa lahat at magpopokus sa paggawa ng mabubuting bagay para sa iba. Gaya ng sabi ng Bibliya, “may higit na kaligayahan sa pagbibigay kaysa sa pagtanggap.”—Gawa 20:35.

 Maraming tao sa ngayon ang nagsasabi na magiging maligaya ka kung uunahin mo ang iyong sarili. Para sa kanila, ang “ibigin ang iyong kapuwa” ay pinalitan na ng “ibigin ang iyong sarili.” Pero pinatutunayan ng mga karanasan sa ngayon na mas malusog at mas maligaya ang mga sumusunod sa matalinong payo ng Bibliya: “Patuloy na hanapin ng bawat isa, hindi ang kaniyang sariling kapakinabangan, kundi yaong sa ibang tao.”—1 Corinto 10:24.