Kasalanan Ba ang Paninigarilyo?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi binabanggit sa Bibliya ang paninigarilyo a o ang iba pang paraan ng paggamit ng tabako. Pero may mga simulain dito na nagpapakitang hindi sinasang-ayunan ng Diyos ang mga kaugaliang marumi at nakakasama sa kalusugan kaya itinuturing niyang kasalanan ang paninigarilyo.
Paggalang sa buhay. “Ang Diyos . . . ang nagbibigay sa lahat ng buhay at ng hininga.” (Gawa 17:24, 25) Dahil ang buhay ay regalo ng Diyos, hindi tayo dapat gumawa ng anumang makapagpapaikli ng buhay natin, gaya ng paninigarilyo. Sa buong mundo, ang paninigarilyo ay isa sa mga pangunahing sanhi ng kamatayang puwede sanang maiwasan.
Pag-ibig sa kapuwa. “Iibigin mo ang iyong kapuwa gaya ng iyong sarili.” (Mateo 22:39) Hindi ka nagpapakita ng pag-ibig sa kapuwa kapag naninigarilyo ka malapit sa kanila. Mas malaki ang posibilidad na magkaroon ng mga sakit na dulot ng paninigarilyo ang mga laging na nakakalanghap ng usok mula sa mga naninigarilyo.
Dapat maging banal. “Iharap ninyo ang inyong mga katawan na isang haing buháy, banal, kaayaaya sa Diyos.” (Roma 12:1) “Linisin natin ang ating sarili mula sa bawat karungisan ng laman at espiritu, na pinasasakdal ang kabanalan nang may pagkatakot sa Diyos.” (2 Corinto 7:1) Hindi nakakatulong ang paninigarilyo para maging banal, o malinis, ang isang tao dahil kapag naninigarilyo siya, sinasadya niyang lagyan ng lason ang katawan niya at nagdudulot ito ng malulubhang epekto.
May sinasabi ba ang Bibliya tungkol sa paggamit ng marijuana o iba pang droga?
Hindi binabanggit sa Bibliya ang marijuana o ang iba pang droga na katulad nito. Pero may mga simulain ito na nagpapakitang hindi katanggap-tanggap ang paggamit ng ganoong mga substansiya para lang maglibang. Bukod sa mga nabanggit na, kapit din ang sumusunod na mga simulain:
Kailangang kontrolin ang kakayahang mag-isip. “Iibigin mo si Jehova na iyong Diyos ... nang iyong buong pag-iisip.” (Mateo 22:37, 38) “Panatilihing lubos ang inyong katinuan.” (1 Pedro 1:13) Hindi kayang kontrolin ng isang tao ang isip niya kapag nasa impluwensiya siya ng droga, at marami ang naaadik dito. Nakapokus ang isip nila sa pagkakaroon at paggamit ng droga sa halip na sa pag-iisip ng mabubuting bagay.—Filipos 4:8.
Pagsunod sa batas. “Maging masunurin sa mga pamahalaan at sa mga awtoridad.” (Tito 3:1) Sa maraming bansa, may mga batas tungkol sa paggamit ng ilang klase ng droga. Kung gusto nating mapasaya ang Diyos, dapat tayong sumunod sa sekular na awtoridad.—Roma 13:1.
a Sa artikulong ito, ang paninigarilyo ay ang sinasadyang paghithit ng usok mula sa sigarilyo, tabako, pipa, o hookah. Pero ang mga simulaing tatalakayin ay para din sa pagnguya ng tabako, pagsinghot ng pinulbos na tabako, electronic cigarette na may nikotina, at iba pang katulad nito.