Mayroon Bang “Pitong Nakamamatay na Kasalanan”?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi sinasabi sa Bibliya na may espesipikong “pitong nakamamatay na kasalanan.” Pero itinuturo nito na ang taong patuloy na gumagawa ng malulubhang kasalanan ay hindi maliligtas. Halimbawa, tinutukoy ng Bibliya ang malulubhang kasalanang gaya ng seksuwal na imoralidad, idolatriya, espiritismo, mga silakbo ng galit, at paglalasing bilang “mga gawa ng laman.” Pagkatapos ay sinabi nito: “Yaong mga nagsasagawa ng gayong mga bagay ay hindi magmamana ng kaharian ng Diyos.”—Galacia 5:19-21. a
Hindi ba’t may binabanggit sa Bibliya na ‘pitong bagay na kasuklam-suklam sa Panginoon’?
Mayroon. Ayon sa King James Version, ang Kawikaan 6:16 ay nagsasabi: “Ang anim na bagay na ito ay kinapopootan ng Panginoon: oo, pito ang kasuklam-suklam sa kaniya.” Pero ang kasunod na listahan ng mga kasalanan sa Kawikaan 6:17-19 ay hindi maituturing na kumpleto. Sa halip, inilalarawan nito ang pangunahing mga kategorya na kumakatawan sa lahat ng uri ng masasamang gawa, sa isip man, sa salita, o sa gawa. b
Ano ang kahulugan ng pananalitang “kasalanang nakamamatay”?
Ang pananalitang ito ay ginamit ng ilang salin sa 1 Juan 5:16. Halimbawa, mababasa sa The New American Bible: “May kasalanang nakamamatay.” Ang pananalitang isinalin na “kasalanang nakamamatay” ay maaari ding isalin na “kasalanan na ikamamatay.” Ano ang pagkakaiba ng “kasalanan na ikamamatay” at ng “kasalanan na hindi ikamamatay”?—1 Juan 5:16.
Maliwanag na sinasabi ng Bibliya na lahat ng kasalanan ay umaakay patungo sa kamatayan. Pero maaari tayong iligtas mula sa kasalanan at kamatayan sa pamamagitan ng haing pantubos ni Jesu-Kristo. (Roma 5:12; 6:23) Kaya ang “kasalanan na ikamamatay” ay kasalanang hindi saklaw ng pantubos ni Kristo. Ang taong gumagawa ng ganitong uri ng kasalanan ay determinadong magpatuloy sa makasalanang landasin anupat hinding-hindi niya babaguhin ang kaniyang saloobin o paggawi. Tinutukoy rin ng Bibliya ang gayong kasalanan bilang isa na “hindi mapatatawad.”—Mateo 12:31; Lucas 12:10.
a Hindi kasama sa listahan ng 15 malulubhang kasalanan na binanggit sa Galacia 5:19-21 ang lahat ng kasalanan, dahil matapos banggitin ang mga ito, idinagdag pa ng Bibliya ang pananalitang “at mga bagay na tulad ng mga ito.” Kaya hinihimok ang mambabasa na gamitin ang kaniyang pang-unawa para kilalanin ang mga bagay na wala sa listahan pero “tulad ng mga ito.”
b Ginamit sa Kawikaan 6:16 ang isang idyomang Hebreo kung saan idiniriin ang ikalawang bilang sa pamamagitan ng paghahambing sa sinundang bilang. Ang anyong ito ng pananalita ay madalas lumitaw sa Kasulatan.—Job 5:19; Kawikaan 30:15, 18, 21.