Sino o Ano ang Salita ng Diyos?
Ang sagot ng Bibliya
Ang terminong “salita ng Diyos” ay karaniwan nang tumutukoy sa isang mensahe o tinipong mga mensahe mula sa Diyos. (Lucas 11:28) Sa ilang talata ng Bibliya, “Ang Salita ng Diyos” o “ang Salita” ay ginagamit bilang isang personal na titulo.—Apocalipsis 19:13; Juan 1:14.
Mensahe mula sa Diyos. Madalas banggitin ng mga propeta na ang mga mensaheng inihahatid nila ay salita ng Diyos. Halimbawa, bago sabihin ni Jeremias ang kaniyang makahulang mga mensahe, sinasabi muna niya: “Ang salita ni Jehova ay dumating sa akin.” (Jeremias 1:4, 11, 13; 2:1) Bago ipaalam kay Saul na pinili siya ng Diyos bilang hari, sinabi ni propeta Samuel: “Tumigil ka ngayon upang maiparinig ko sa iyo ang salita ng Diyos.”—1 Samuel 9:27.
Personal na titulo. Lumilitaw rin sa Bibliya ang terminong “Ang Salita” bilang isang titulo para kay Jesu-Kristo, kapuwa noong nasa langit siya bilang espiritu at nasa lupa bilang tao. Pag-isipan ang ilang dahilan kung bakit masasabi iyan:
Ang Salita ay nabuhay bago umiral ang lahat ng iba pang nilalang. “Nang pasimula ay ang Salita . . . Ang isang ito nang pasimula ay kasama ng Diyos.” (Juan 1:1, 2) Si Jesus ang “panganay sa lahat ng nilalang . . . Siya ay una pa sa lahat ng iba pang bagay.”—Colosas 1:13-15, 17.
Ang Salita ay pumarito sa lupa bilang isang tao. “Ang Salita ay naging laman at tumahan sa gitna natin.” (Juan 1:14) “Hinubad [ni Kristo Jesus] ang kaniyang sarili at nag-anyong alipin at napasawangis ng tao.”—Filipos 2:5-7.
Ang Salita ay Anak ng Diyos. Pagkatapos banggitin na “ang Salita ay naging laman,” gaya ng sinipi sa itaas, nagpatuloy si apostol Juan: “Nakita natin ang kaniyang kaluwalhatian, isang kaluwalhatian na gaya ng sa isang bugtong na anak mula sa isang ama.” (Juan 1:14) Isinulat din ni Juan: “Si Jesu-Kristo ang Anak ng Diyos.”—1 Juan 4:15.
Ang Salita ay may tulad-diyos na mga katangian. “Ang Salita ay isang diyos,” o “tulad-Diyos [divine].” (Juan 1:1; An American Translation) Si Jesus ang ‘sinag ng kaluwalhatian ng Diyos at eksaktong larawan ng kaniya mismong sarili.’—Hebreo 1:2, 3.
Ang Salita ay namamahala bilang hari. Sinasabi ng Bibliya na nakakorona sa ulo ng Salita ng Diyos ang “maraming diadema.” (Apocalipsis 19:12, 13) Ang Salita ay may pangalan ding “Hari ng mga hari at Panginoon ng mga panginoon.” (Apocalipsis 19:16) Si Jesus ay tinatawag na “Hari niyaong mga namamahala bilang mga hari at Panginoon niyaong mga namamahala bilang mga panginoon.”—1 Timoteo 6:14, 15.
Ang Salita ay naglilingkod bilang tagapagsalita ng Diyos. Maliwanag na ang binigyan ng titulong “ang Salita” ay ginagamit ng Diyos para maghatid ng impormasyon at mga tagubilin. Sinabi ni Jesus na ginampanan niya ang papel na ito: “Ang Ama na nagsugo sa akin ang mismong nagbigay sa akin ng utos kung ano ang sasabihin at kung ano ang sasalitain. . . . Samakatuwid ang mga bagay na aking sinasalita, kung paanong ang mga iyon ay sinabi sa akin ng Ama, gayon ko rin sinasalita ang mga iyon.”—Juan 12:49, 50.