Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Easter?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi batay sa Bibliya ang pagdiriwang ng Easter. Kung aalamin mo ang pinagmulan nito, makikita mong ang Easter ay isang tradisyong batay sa sinaunang ritwal sa pag-aanak. Tingnan ang sumusunod.
Katawagan: Sinasabi ng Encyclopædia Britannica: “Hindi matiyak kung saan nagmula ang terminong Ingles na Easter; ayon sa paring Anglo-Saxon noong ika-8 siglo na si Venerable Bede, kinuha ito sa pangalan ni Eostre, ang diyosa ng tagsibol ng mga Anglo-Saxon.” Iniuugnay naman ito ng iba kay Astarte, ang diyosa ng pag-aanak ng Phoenicia na siya ring ang diyosang si Ishtar ng Babilonya.
Kuneho: Ang paggamit nito bilang simbolo sa pag-aanak ay “nagmula pa sa sinaunang mga seremonya at sagisag ng paganong mga kapistahan ng tagsibol sa Europa at Gitnang Silangan.”—Encyclopædia Britannica.
Easter egg: Ayon sa Funk & Wagnalls Standard Dictionary of Folklore, Mythology and Legend, ang paghahanap ng mga Easter egg, na sinasabing dala ng kuneho kung Easter, ay ‘hindi lamang basta isang larong bata, kundi bakas ng isang ritwal sa pag-aanak.’ Sa ilang kultura, pinaniniwalaan na ang pinintahang mga Easter egg ay “makahimalang makapaghahatid ng kaligayahan, kasaganaan, magandang kalusugan, at proteksiyon.”—Traditional Festivals.
Bagong damit kung Easter: “Ipinalalagay na kawalang-galang at sa gayon ay malas na bumati sa diyosa ng Tagsibol, o Eastre sa Scandinavia, kung hindi nakabihis ng bagong mga damit.”—The Giant Book of Superstitions.
Mga ritwal sa pagsikat ng araw: Iniuugnay ang mga ito sa ritwal ng sinaunang mga mananamba ng araw na “isinasagawa sa vernal equinox bilang pagsalubong sa araw at sa malakas na kapangyarihan nito na magbigay ng bagong buhay sa lahat ng lumalagong mga bagay.”—Celebrations—The Complete Book of American Holidays.
Tama ang pagkakalarawan ng The American Book of Days sa pinagmulan ng Easter: “Walang alinlangan na ang Simbahan noong mga unang araw nito ay gumamit ng matatandang kaugaliang pagano at binigyan ang mga ito ng Kristiyanong kahulugan.”
Sinasabi ng Bibliya na sa pagsamba sa Diyos, hindi tayo dapat sumunod sa mga tradisyon o kaugaliang hindi nakalulugod sa kaniya. (Marcos 7:6-8) Sinasabi ng 2 Corinto 6:17: “‘Humiwalay kayo,’ sabi ni Jehova, ‘at tigilan na ninyo ang paghipo sa maruming bagay.’” Ang Easter ay isang kapistahang nagmula sa mga pagano, at ang sinumang gustong magpalugod sa Diyos ay iiwas sa gayong mga kapistahan.