Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pag-aasawa ng Magkasekso?
Ang sagot ng Bibliya
Nagtatag ang ating Maylalang ng mga tuntunin hinggil sa pag-aasawa matagal na bago pa man pangasiwaan ng mga pamahalaan ang institusyong ito. Ang unang aklat ng Bibliya ay nagsasabi sa atin: “Iiwan ng lalaki ang kaniyang ama at ang kaniyang ina at pipisan siya sa kaniyang asawa at sila ay magiging isang laman.” (Genesis 2:24) Sa tekstong ito, ang salitang Hebreo para sa “asawa,” ayon sa Vine’s Expository Dictionary of Biblical Words, ay “tumutukoy sa isang babae.” Pinagtibay ni Jesus na ang pinagtuwang sa pag-aasawa ay dapat na “lalaki at babae.”—Mateo 19:4.
Samakatuwid, nilayon ng Diyos na ang pag-aasawa ay maging isang permanente at matalik na buklod sa pagitan ng lalaki at babae. Ang mga lalaki at babae ay dinisenyong maging kapupunan ng isa’t isa upang matugunan nila ang emosyonal at seksuwal na pangangailangan ng bawat isa at upang magkaroon ng anak.