Ano ang Sinasabi ng Bibliya Tungkol sa Pasko?
Ang sagot ng Bibliya
Hindi sinasabi ng Bibliya ang petsa kung kailan ipinanganak si Jesus, at hindi rin nito iniuutos na ipagdiwang natin ang kaniyang kaarawan. Sinasabi ng Cyclopedia nina McClintock at Strong: “Ang pagdiriwang ng Pasko ay hindi iniutos ng Diyos, ni nagmula ito sa BT [Bagong Tipan].”
Kung susuriin natin ang pinagmulan ng Pasko, malalaman nating nag-ugat ito sa paganong mga ritwal. Ipinakikita ng Bibliya na nagagalit ang Diyos kapag sinasamba natin siya sa paraang hindi niya sinasang-ayunan.—Exodo 32:5-7.
Ang pinagmulan ng mga kaugalian sa Pasko
Pagdiriwang ng kaarawan ni Jesus: “Hindi ipinagdiwang ng sinaunang mga Kristiyano ang kapanganakan [ni Jesus] sapagkat itinuturing nila na ang selebrasyon ng kapanganakan ninuman ay isang kaugaliang pagano.”—The World Book Encyclopedia.
Disyembre 25: Walang katibayan na sa petsang ito ipinanganak si Jesus. Malamang na pinili ito ng mga lider ng simbahan para tumapat sa paganong mga kapistahan na ipinagdiriwang sa panahon ng winter solstice.
Pagbibigayan ng regalo, handaan, party: Sinasabi ng The Encyclopedia Americana: “Ang Saturnalia, isang kapistahang Romano na ipinagdiriwang sa kalagitnaan ng Disyembre, ay nagsilbing parisan ng maraming kaugalian ng pagsasaya sa Pasko. Halimbawa, hinango mula sa pagdiriwang na ito ang magarbong pagpipista, ang pagbibigayan ng mga regalo, at ang pagsisindi ng mga kandila.” Sinasabi ng Encyclopædia Britannica na tuwing Saturnalia, “inihihinto ang lahat ng trabaho at negosyo.”
Christmas light: Ayon sa The Encyclopedia of Religion, dinedekorasyunan ng mga taga-Europa ang kanilang bahay “ng mga ilaw at iba’t ibang uri ng evergreen” para ipagdiwang ang winter solstice at itaboy ang masasamang espiritu.
Mistletoe, holly: “Naniniwala ang mga Druid na may kapangyarihan ang mistletoe. Sinasamba ang evergreen na holly sa pag-asang babalik ang araw.”—The Encyclopedia Americana.
Christmas tree: “Ang pagsamba sa puno ay karaniwan sa mga paganong Europeo at nagpatuloy kahit noong nakumberte na sila sa Kristiyanismo.” Halimbawa, kaugalian pa rin nila na “maglagay ng Yule tree sa pasukan o sa loob ng bahay sa panahon ng mga kapistahan sa taglamig.”—Encyclopædia Britannica.